Masaya si Allen Ansay na mapabilang sa cast ng Raya Sirena.
Excited siyang makatrabaho ulit bida na si Sofia Pablo.
“Kasi kilala ko na rin po talaga siya, alam ko na rin kung sino talaga siya, at ayun, close na close na po kami. Kaya masaya lang po kapag katrabaho siya,” pahayag ni Allen.
Dalawa ang leading men ni Sofia sa Raya Sirena—si Allen na gumaganap bilang Gavin, isang normal na tao; si Saviour Ramos na gumaganap bilang Ape, isang merman o lalaking sirena.
Halos lahat ng eksena ni Saviour, na binatang anak ni Wendell Ramos, ay nakahubad siya at tanging buntot ng sirena lang ang nakatakip sa ibabang parte ng katawan niya.
Magpapakita rin ba ng katawan si Allen sa Raya Sirena?
“Abangan niyo yun,” ang tumatawang reaksiyon ni Allen.
“Kasi parang merong alitan si Gavin saka si Ape, magpe-flex sila! Abangan nila yun,” at muling tumawa ang aktor.
READ:
Sofia Pablo, nawindang sa timeline kung kailan siya liligawan ni Allen Ansay
Saviour Ramos kabado sa "paglalabas ng katawan" sa Raya Sirena
Aminado si Allen na minsan ay naiinggit siya kina Sofia at Saviour dahil sa kanilang roles bilang mga sirena. Bukod sa may mga buntot ang mga ito at lumalangoy, may mga exciting scenes sila sa ilalim ng dagat.
Sabi ng Kapuso actor, "Excited sana akong sumama dun sa mga ano, dun sa location nila, pero hindi ako nakakasama.
"Gusto ko sanang sumama kasi ang ganda ng location nila. 'Tapos sabi sa akin, hindi talaga puwede kasi limited lang yung tao. Naglagay pa naman po ako ng maraming sunblock."
Bukod dito, mas maaga pang gumising ang Sparkle actor kaysa sa mga mermaid characters.
Nagsuot pa siya ng long sleeves.
“'Tapos pagdating dun sa dalampasigan, ‘Allen, sorry, limited lang yung tao.’
"‘Oh no!’"
CHALLENGES OF PLAYING MERMAID, MERMAN
Nagkaroon pa rin ng pagkakataon si Allen na makita ang challenges na pinagdaanan ng Raya Sirena cast members na gumaganap bilang mermaid at merman.
Pagtuloy niya, “Pero ano, nakita ko po sa kanila kasi nung isang araw nakasama ako, pero hindi dun sa location na yun, talagang hindi po madaling maging mermaid kasi nakita ko yung hirap nila.
“Hirap na hirap silang makatayo, the way yung kunwari mag-aayos sila lagi silang nakadapa 'tapos talagang natatangay sila ng alon, ng hampas ng alon, kasi hindi po sila makatayo.
“Kaya hindi po talaga madali yung pagme-mermaid. Kaya happy rin siguro ako na tao ako, tao po ako,” at tumawa si Allen.
“Kasi sila para silang ano, e, ibinibilad sa araw? Alam niyo po yung parang dinadarang na isda?
“Nakadapa sa buhangin.”
Pero may posibilidad ba na magkaroon ng twist ang kuwento ng Raya Sirena at magiging lalaking sirena rin si Allen sa ending?
At kung sakali, papayag ba siya?
“Siyempre po! Siyempre, game na game po.”
RAYA SIRENA VS DYESEBEL
Bago ang Raya Sirena ay ang Dyesebel nina Marian Rivera at Dingdong Dantes ang sumikat na serye tungkol sa sirena.
May effort ba sina Allen na lampasan ang tagumpay ng Dyesebel?
Sagot ng aktor, “Basta kami po kasi talaga, parang hindi na po namin iniisip na malampasan yung Dyesebel.
"Basta ang gusto namin, may mapasaya kaming tao. Na maipakita namin yung pinaghirapan namin, yung ibinigay namin na trabaho, na magustuhan ng mga tao.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Allen sa Zoom mediacon ng Raya Sirena noong April 21, 2022.
Nasa Raya Sirena rin sina Elias Point bilang si Otep, Juan Carlos Galano bilang si Bulan, Reins Mika bilang Lua, Ayeesha Cervantes bilang si Chriselle, Jana Francine Taladro bilang si Thea, Shecko Apostol bilang si Poknat, Gerald Pesigan bilang si Buknoy, at sina Shirley Fuentes bilang Tita Helga, at Mosang bilang si Nay Matet.
Ang Raya Sirena ay sa direksiyon ni Crisanto Aquino at napapanood tuwing Linggo, 3:05 ng hapon.
