Sa wakas ay natupad na rin ang matagal nang gustong gawin ng mag-asawa at Kapuso Primetime King & Queen na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera—ang magkasama sila sa isang sitcom.
Itinuloy na nga nila ang mga karakter nila sa isang endorsement na ginawa nila sa kanilang YouTube account habang nasa loob lang ng tahanan nila noong kasagsagan ng pandemic, bilang sina Jose at Maria.
At sa pamamagitan nito, nabuo ang kanilang pagsasamang muli pagkatapos ng halos isang dekada sa Jose & Maria’s Bonggang Villa.
Makikita kaya ng mga manonood kung sino talaga sina Jose at Maria sa tahanan nila habang pinapanood sila sa una nilang sitcom?
Ayon kay Dingdong, “Siguro hindi lang yung kung sino ang Jose and Maria sa tahanan namin, pero gusto rin naming gawin na masilip din kung ano ang nangyayari sa buhay may-asawa, sa bawat tahanan ng mga Pilipino.
“Kasi maraming mga issues na napag-uusapan. Yung mga challenges, yung mga conflicts, di ba? Yung mga bagay na medyo nakakatawa, pero ganito pala, may problema.
“So, tinatalakay rin siya creatively throughout the show mismo, so hindi lang siya puro comedy.
"May mga episodes din siya na may drama. Basta ang bottomline, every episode, pagkatapos niyong panoorin iyan, may takeaway na values. May takeaway na learnings and at the same time, nae-entertain ang manonood.”
DINGDONG AIMS FOR SHOW'S LONGEVITY
Masayang napa-“sana!” naman si Dingdong nang tanungin namin kung gusto ba nilang maging long-running din ang sitcom nila at hindi lang isang season mapapanood.
“Sana! Yun ang goal,” masayang sabi niya.
Dugtong pa ni Dingdong, “Kasi sa tingin namin, kung nagawa siya dati ng iba, sa tingin naman namin, posible siya. Bakit hindi? Gusto rin namin iyon.”
WILL DINGDONG DABBLE IN MORE CO-PRODUCTION VENTURES?
Ang Jose & Maria’s Bonggang Villa na mapapanood tuwing Sabado, 7:30PM simula sa May 14 ay joint-produced ng GMA Networks, APT Entertainment at ng AgostoDos Pictures, ang film production outfit na pag-aari ni Dingdong.
Bilang mga producers na rin sila ni Marian ng sarili nilang show, doon na nga ba sila papunta, yung co-producers na rin sila ng mga gagawing programa sa telebisyon?
Sabi naman ni Dingdong, “Hindi naman po kasi lahat may ganung opportunity. Siyempre, kung hangga’t maaari, siyempre, gugustuhin ko na maging partner.
“But it’s really more on the creative side. Yun naman talaga, mula noon. Mula sa paggawa ng roles, yun ang palagi kong gustong gawin—yung may involvement sa pagbuo ng mga roles, particularly yung role ko, mapa-drama man iyan or comedy.”
DINGDONG SALUTES MARIAN AS A SELFLESS MOM
Ngayong Linggo ay ipagdiriwang ang Mother’s Day.
At si Marian bilang ina ng dalawang anak nila na sina Zia at Sixto, paano niya nga ba mailalarawan ni Dingdong si Marian bilang isang ina sa kanyang paningin.
“Well, siguro sa isang salita, selfless,” lahad niya.
“And I think, yun ang nasaksihan ko with her, especially ngayong nagkaroon na kami ng mga anak. Talagang naging very, very selfless. And I think, isa talaga yun sa mga traits ng nanay.
“And na-realize ko pa siya more noong ginawa namin ang documentary. Kasi sinamahan ko siya sa journey na yun, pati ang sarili niyang mother.
“Yun ang common denominator nilang dalawa at ng lahat ng nanay na nakita ko while doing that documentary. While going through that journey with her, it’s really their selflessness.”
Ang tinutukoy na documentary ni Dingdong ay ang Miss U: The Journey to the Promised Land na ipinalabas na ngayong Sabado sa GMA-7 at may replay ngayong Linggo, May 8, at 9:45PM sa GTV at Heart of Asia Channels.
