Si John "Sweet" Lapus ang direktor ng Jose and Maria’s Bonggang Villa.
Kilala rin bilang isang komedyante, si Sweet ay tila nagko-concentrate na yata sa pagiging direktor, mas nae-enjoy na ba niya ito kaysa pag-arte?
Sagot niya, “Tinanggap ko naman na yung katotohanan na isa akong laos na artista. Hindi, and, you know, yung mga kaibigan ko sinasabi, ’Huwag mong sinasabi yun!’
“No, kailangan kong aminin yun, because dahil doon, dun ko na-embrace itong bagong career ko as a director.
“Ang tagal-tagal na, pang-tatlong beses na yata akong nalaos."
THE TIMES he felt he was already laos
Inisa-isa ng Pambansang Sweet ang mga panahong naramdaman niyang laos na siya.
Malaki rin ang pasasalamat niya dahil sa tuwing nawawalan siya ng projects bilang komedyante, nabibigyan siya bigla ng work.
Mid-2000s nang maging full-fledged host siya sa Kapuso showbiz talk shows—the defunct S-Files and Showbiz Central.
Aniya, “Unang laos ko from ABS, kinuha ako ng GMA. Yung mga kaibigan ko, ‘Magdirek ka na! Ang baklang artista, may time limit.’
“Aba, jackpot, kinuha ako ng GMA! 2006. 'Tapos pangalawang laos ko, ‘Magdirek ka na,’ ginaganun ako ng mga kaibigan ko.
“E, ang mga kaibigan ko are people from the industry, kilala niyo naman iyan, mga producers, mga directors, so they know what they’re talking about. At naniniwala ako sa sinasabi nila.
"Aba, e, bigla naman akong pinabalik ng ABS!
“So nauudlot nang nauudlot hanggang sa finally, nung in-embrace ko na siya, okay na."
Sa karanasan ni Sweet bilang aktor ng Teatro Tomasino noong college days niya sa University of Santo Tomas, stand-up comedian sa mga sikat na comedy bars, at aktor sa mga TV at movie projects—medyo madali sa kanya ang mag-crossover.
So far, kabilang sa mga naidirek niya ay ang Kadenang Ginto (2019) at ilang episodes ng Wansapanataym, Ipaglaban Mo, at Maalaala Mo Kaya.
STILL ACCEPTING ACTING PROJECTS
Pero nilinaw ni Sweet na hindi pa rin niya tuluyang tinatalikuran ang pag-arte.
“Although for the record, tumatanggap pa rin po ako ng project bilang artista, ha?
“Baka sabihin hindi na ako tumatanggap. Tumatanggap pa rin po ako, di hamak na malaki po ang suweldo ko bilang artista kumpara sa bilang direktor.
“So anyways, so iyon, nung in-embrace ko siya, and yung energy tuluy-tuloy na, yung mga project tuluy-tuloy na dumating,
"I am so thankful na simula nung naging direktor ako, yung one hundred percent, dun na ako naka-focus. Napakasuwerte ko sa mga producers ko na mababait na mga tao, madaling kausap, naniniwala sa aking creativity.
"Malaking bagay yun lalo na sa direktor na bagong pasok sa trabaho ng pagdidirek.
“Tatlong taon pa lang naman akong direktor, 2018. So I’m so thankful na, 'Thank, God, napupunta ako sa mga producers na mababait at saka yung kilala sa industriya na mababait na tao.'
“Inaano yung safety ng mga tao dahil nga may pandemya, you know, yung masarap ang pagkain, masarap na yung pagkain nagdadala pa nang extra pagkain."
ANOTHER FALLBACK CAREER
May isa pang raket si Sweet: pagsusulat.
“So siguro iyon yun and to answer your question, yes. Nagra-writer na rin ako, isa po ako sa writer ng Daddy’s Gurl. Apat kaming palitan once a month.
“Tinaggap ko na yung katotohanan. Ang daming bagong baklang artista!
"Oo. May mga bago na baklang artista, hindi ko kilala kasi sikat pala sila sa social media. May ganun pala na, ‘Ay, two million ang followers niya! Sino ba ito, hindi ko kilala?’
“Yung ganung level, so pag ganyan, ah okay, laos na rin talaga ako. Ito na sila, sila na yung bago.
"So buti na lang, biniyayaan ako ng Panginoon ng kakaibang talent na iyon, marami akong kayang gawin kaya nga The Universal Sweet yung title ko, di ba?
“Kaya mga kaibigan ko naloloka na lang sila, napapamura, ‘Puta ka, ang husay-husay mo!’
“Parang, nare-reinvent ko raw yung sarili ko, sabi ko kasi, ayokong mawalan ng trabaho kaya sinasadya ko, nag-aaral ako talaga.
“Ito yung pagdidirek, nag-aral ako talaga kasi ayokong magdirek ng hindi naman nag-aaral.
"Nung matagal na akong walang offer as artista, nag-aral ako, ayun dun na, 2018 tuluy-tuloy na hanggang 2022. At sana tumagal pa.
“At saka may time limit talaga pag baklang artista, siyempre yung mga bida ngayon hindi ko na sing-edad, parang hindi na ako ang sidekick nila siyempre, di ba?
“Maski yung mga sinayd-kick-an ko nung araw, semi-retired na rin. Hindi na rin naman gumagawa ng pelikula.”
Mapapanood simula ngayong May 14, Sabado, 7:15 p.m. sa GMA-7, bida sa Jose and Maria’s Bonggang Villa sina Dingdong Dantes bilang Jose Villa at Marian Rivera bilang Maria Villa.
Nasa cast rin sina Johnny Revilla (bilang Lolo King); Shamaine Buencamino (bilang Mama Au); Pinky Amador (bilang Mommy Janice); Mike “Pekto” Nacua (bilang Sol Banayad); Benjie Paras (bilang Mr. Nero); Hershey Neri (bilang Marielou Cabangbang); Loujude Gonzalez (bilang Buboy); Jamir Zabarte (bilang Jae-Z) at Zonia Mejia (bilang Mae Cabangbang).
