Nagbigay ng kanyang paliwanag si Michael V. kaugnay ng pagre-revamp ng longest-running gag show ng GMA-7 na Bubble Gang.
Bilang natitirang pioneer cast member ng gag show na nagsimula noong 1995, saksi si Michael V. sa pagdating at pag-alis ng kanyang co-stars.
Kaya tinanong siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ukol dito sa digital presscon ng Pepito Manaloto: Tuloy Ang Kuwento, ang Kapuso sitcom na labindalawang taon nang umeere, noong June 7, 2022.
Nasanay na ba si Michael V. sa pagpapaalam sa mga nakasama nang matagal sa isang proyekto?
“Parang tungkol sa Bubble Gang ‘yan, ah!” natatawang pakli ng komedyante.
Seryosong paliwanag ni Bitoy, “May iba’t ibang reasons naman kung bakit kinakailangang mawala yung characters, o yung mga artista, or cast sa bawat show na ginagawa ko.
“And hindi lang naman iisa yung dahilan. Hindi lang naman isa yung pinanggagalingan ng dahilan.
“More often than not, ano iyan, network decision. And we always respect that.”
Naniniwala rin si Bitoy na nauunawaan ito ng mga kapwa artistang naaalis sa isang show.
Sabi niya, “I’m pretty sure yung ibang mga cast na hindi na natin kasama, alam din nila iyon.
“Ako naman, palaging nakasuporta din naman at sampu ng aking mga kasama dito sa show…
“Lahat naman kami nakasuporta sa kanila. Pag kailangan nila kami, nandidito pa rin naman kami.
“Nasa grupo pa naman kami ng Viber and we’re just a call away."
Giit ni Bitoy, “It’s not easy, but it’s inevitable.”
Nauna nang iniulat dito sa PEP.ph na wala na sa Bubble Gang sina Mikoy Morales, Denise Barbacena, Liezel Lopez, Arra San Agustin, Lovely Abella, Ashley Rivera, Diego Llorico, Myka Flores, at ang pioneer cast member na si Antonio Aquitania.
Pumasok naman sina Tuesday Vargas, Faith Da Silva, Dasuri Choi, at Kim de Leon.
Na-retain naman sina Bitoy, Chariz Solomon, Betong Sumaya, Sef Cadayona, Valeen Montenegro, Archie Alemania, Analyn Barro, Faye Lorenzo, Diego Llorico, Kokoy de Santos, at Paolo Contis.
Read: Michael V. reaches out to axed Bubble Gang cast members
THE RETURN OF PEPITO’S ORIGINAL CAST
Samantala, nagbabalik naman ang original cast ng Pepito Manaloto sa Book 3 nito, ang Pepito Manaloto: Tuloy Ang Kuwento.
Matatandaang inumpisahan noong nakaraang taon ang Book 2 nito, kung saan ang ginawa ay prequel ng serye.
Panandaliang nawala ang original cast.
Ayon kay Bitoy, kailangang laging may bagong inihahandog sa audience para hindi pagsawaan.
“Ngayon kasi, kung paulit-ulit ka lang, parang feeling ko parang nawawalan na ng excitement, taken for granted na yung show ninyo.
“So, for the audience to feel that way again, kailangan medyo… kumbaga sa dining, i-wet mo uli ang appetite nila.
“Hindi puwedeng ganoon ka na lang, stagnant ka na lang all throughout.
“Dapat may ibang phase o may ibang pagdadaanan yung mga characters para mas maintindihan at ma-appreciate nila yung takbo ng kuwento.”

(L-R: Jake Vargas, Michael V., Manilyn Reynes, Angel Satsumi)
Muling babalik sa programa sina Bitoy, Manilyn Reynes, Jake Vargas, Angel Satsumi, John Feir, Ronnie Henares, Arthur Solinap, Mosang, Janna Dominguez, Jen Rosendahl, at Chariz Solomon.
Magsisimula ang Book 3 sa darating na Sabado, June 11, 2022.
