Ikinukumpara ngayon sina Kelvin Miranda, Shaun Salvador at Abdul Raman kina Richard Gomez, Joey Marquez at John Estrada.
May pagkakahawig kasi ang upcoming sitcom nilang TOLS sa Palibhasa Lalake, ang sikat na sitcom nina Richard, Joey, at John na umere mula 1987 hanggang 1998.
Wala ba silang nararamdamang pressure dahil nag-rate nang husto noon ang Palibhasa Lalake at malalaking artista sina Richard, Joey at John?
Umpisang sinabi ni Abdul, “For me, less on the pressure pero more on na-excite na ganun na nga pala yung level na tingin sa amin.
“I took it as a challenge and I took it head-on. Sana naka-deliver naman kami.
"I feel like nakasabay naman kami. Pero nasa viewers pa rin iyan, I hope ma-enjoy nila.”
At dahil si Kelvin ang maituturing na leader ng kanilang trio, mas nasa kanya ba ang pressure na mapantayan man lang nila, kung hindi man malampasan, ang Palibhasa Lalake?
Tugon ni Kelvin, “Sa totoo lang ho, hindi talaga namin sinusubukang mapantayan yung Palibhasa Lalake kasi ibang klase na yung nagawa nila, hall of famer na sila, kumbaga.
“Kami ngayon, nanggagaling yung pressure dun sa makagawa kami ng panibagong clamor mula sa mga manonood.
"Kung paano nila magugustuhan yung TOLS, o kung papaano nila mamahalin ang bawat isa na wala kaming nao-offend, wala kaming natatapakan na paniniwala ng kung sino mang manonood.
“Nag-iingat din naman kami sa bawat skit na ginagawa namin, may mga pagkokonsulta sa mga mas nakakaalam... kung okay ba yung gagawin namin bago namin isalang sa eksena.
"Pressure talaga kasi first time, e. First time namin talaga sumalang sa comedy, kaya lahat ng chance na puwedeng matutunan namin, kinukuha namin every taping day.”
Sa mga episodes ng Palibhasa Lalake ay matatandaanag madalas na may basaan sa ending at may pa-abs ang tatlong male lead stars.
Kaya bang gawin ito ng tatlong TOLS male lead stars?
May pagmamalaking pakli ni Shaun, “Ay, naku po, naku po, mapapanood niyo po iyan sa TOLS! Merong mga ganun, may mga ganun po.
"Sobrang dami po,” at tumawa ang baguhang actor.
Madalas rin ay maiksing shorts ang suot dati nina Richard, Joey at John sa Palibhasa Lalaki. Sa TOLS ba ay may "babakat" sa mga viewers?
Sagot ni Shaun, “Ang term ni direk dun, pabukol ba,” na ang tinutukoy ay ang direktor ng kanilang sitcom na si Monti Parungao.
“Masasabi ko po na ako po yun,” sa tanong kung sino sa kanilang tatlo ang pinaka-game at pinakakumportable sa paghuhubad.
“Ako po yung parang laging hubadero dito bilang ako yung tambay, ako yung mahilig sa chicks, so character ko na po yun.”
Pagpapatuloy pa ni Shaun, sila raw tatlo ay masipag mag-workout sa gym.

Aniya, “Actually, yung naging bonding nga po naming tatlo, yung unang kita namin, after noon, nag-gym kaagad kami.
Singit pa ni Abdul, “Nag-boxing pa nga, e.”
Mapapanood ang TOLS simula June 25, 7:05 pm sa GTV kung saan kasama rin sa cast sina Rufa Mae Quinto, Olive May, Arkin del Rosario, Raymund Mabute, Rolly Concepcion at si Betong Sumaya.
Ang TOLS ay mula sa produksyon ng GTV (ng GMA Network), ng Tyronne Escalante Artist Management (TEAM) at ng Merlion Events Production, Inc.
Nakausap sina Kelvin, Shaun at Abdul ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa face-to-face presscon ng TOLS noong June 6 sa Monet Ballroom ng Novotel Hotel sa Cubao.
ABDUL AND KEVIN OFF THE SET
Kinumusta naman namin kay Abdul ang tungkol sa ina niyang may sakit.
“Ah, she’s fine, she’s recovering naman po,” ang nakangiting sagot sa amin ni Abdul.
Ilang percent na ang recovery ng ina niya?
“Medyo halted po ngayon, kasi we’re waiting for the doctor’s ano, kasi may mga kailangan pa po siyang pagdaanan.
"Nakakapagsalita naman po although medyo hirap. Pero progress is progress.”
Kaya labis-labis ang pasasalamat ni Abdul na tuluy-tuloy ang trabaho niya sa GMA para na rin sa mga gastusin sa pagpapagamot sa kanyang ina.
“Hindi po ako nawawalan ng trabaho, malaking blessing po!”
Na-stroke ang ina ni Abdul July of last year, “Right after po ng Legal Wives,” sambit ng aktor.
Isa si Dennis Trillo na co-star ni Abdul sa Legal Wives ang nag-abot sa kanya ng pinansiyal na tulong.
“Ang laki-laki po ng contribution niya as in, at marami pa pong mga ibang Kapuso na actors and stars na tumulong talaga.
Nais raw ni Abdul na maging kagaya ni Dennis balang-araw.
Samantala, marami nang proyektong nagawa si Kelvin sa GMA at ngayon nga ay sa GTV. Ano na ang mga naipundar niya mula sa mga kinita niya sa pag-aartista?
“Para naman po sa pamilya. Para din sa branding ko, para sa sarili ko, hindi naman po para sa pansariling kagustuhan.
“So, naniniwala po kasi ako na kahit anong trabaho, gaano kalaki, kaliit yung income na nahahawakan natin once na hindi natin alam papaano hawakan, hindi rin natin makukuha kung ano man yung mga ginugusto o minimithi natin para sa mga pangarap natin.”
Isa sa mga naipundar na raw ni Kelvin ay sasakyan o kotse.
