Kahit na nakakailang guesting na si Benjamin Alves sa Magpakailanman, masasabi niyang "pretty challenging" ang kanyang role sa bagong episode ng show.
Pinamagatang "Kutob Ng Sukob: The Andoy and Annabelle Delposo Story," pangungunahan ito nina Benjamin, Faith da Silva, Mikoy Morales, at Claire Castro.
Mapapanood ito sa Sabado, July 9, 2022.
Ang naturang kuwento ng tunay na buhay ay tatalakay sa isang Pilipinong pamahiin o tradisyon: ang tungkol sa sukob sa taon ng pagpapakasal ng dalawang magkapatid sa kani-kanilang kasintahan.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) via Facebook Messenger, nagkuwento si Benjamin tungkol sa kanyang Magpakailanman experience.
Aniya, “About sa role, pretty challenging since first time ko naka-work sila Faith and Claire. Even Mikoy, na good friend ko na, first time to work with him on set.”
Nagpapasalamat si Benjamin na nakapag-guest siyang muli sa Magpakailanman o MPK.
"I love that GMA still considers me for heavy drama stories like this one sa MPK. And may pagka-thriller and horror aspect ito.
“Since one of my more successful episodes is the 'Aswang' with Andrea, I looked forward to this.”
Ipinalabas noong November 2015 ang episode ng Magpakailanman na "Ang Asawa Kong Aswang" kung saan mga bida sina Benjamin at Andrea Torres.
Masaya rin daw si Benjamin na ang kanilang direktor sa bagong episode ng Magpakailanman ay si Jorron Lee Monroy. Naging direktor din niya ito sa Artikulo 247, ang GMA-7 teleserye na nagtapos nitong lamang Hunyo.
Samantala, dahil tungkol sa sukob ang episode, tinanong ng writer na ito si Benjamin kung naniniwala ba siya sa kasabihang masama ang sukob o ang pagpapakasal ng magkapatid sa parehong taon?
“Kind of. Thankfully, hindi pa siya nagiging problem sa family namin.”
May updates ba sa plano nila ng girlfriend niyang si Chelsea Robato na magpakasal? This year ba or next year?
“You’ll just have to wait na lang po,” tugon ni Benjamin na may smiling emoji.
REUNITING WITH HIS FAMILY IN GUAM
Sa ngayon, ibinalita ni Benjamin na natuloy na rin ang matagal na niyang planong magbakasyon sa Guam.
Ilang beses kasing hindi natutuloy ang kanyang bakasyon dahil sa COVID-19 pandemic.
Nitong March ay nakabiyahe na si Benjamin upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan sa Guam kasama ang kanyang pamilya.
Kumusta ang muling pagkikita nila ng mom niya at dalawang kapatid?
“Great! I spent a month there and it was so good to reconnect with family.”
BENJAMIN'S NEXT PROJECT
Nakapahinga si Benjamin ngayon habang wala pang show sa GMA-7. Bukod daw sa pag-travel, pinagkakaabalahan niya ngayon ang negosyo ng mga fresh roses.
Pagtuloy ni Benjamin, “House of Roses is still growing and trying to research for a new business."
May balita na ba tungkol sa kanyang susunod na teleserye?
Sagot ng aktor, “I’m not sure yet but I hear my name tossed around some pitches."
Ano pa ang role na gustong gawin ni Benjamin na hindi pa niya nagagawa?
“Action, I really want to do a full-on gritty fighting action series,” pagtatapos ni Benjamin.
