Tila family reunion ang nangyari kay Rufa Mae Quinto sa set ng fifth anniversary episode ng Daig Kayo Ng Lola Ko.
Nakatrabaho kasi niya rito si Rico Gutierrez, ang director ng episode na pinamagatang "Bida Kontrabida," at natuwa siya nang malaman niya kailan lang na kamag-anak din pala niya ito.
Kuwento ni Rufa Mae, “Nakakatuwa kasi parang after ten years yata huli ko pang kasama si Direk Rico Gutierrez, parang Showbiz Central pa yata.
“E, siya pala yung direktor, so nakakatuwa kasi tito ko din siya, e. So, hindi ko siya nakita nang personal pero nakita ko siya ulit."
Paano niya naging tito si Direk Rico?
Paliwanag niya, “Yung mommy niya 'tsaka si Mommy Lucing, I’m sure kilala niyo yung lola ko, kapatid ng mommy ni Direk Rico.
“Ay, magpinsan sila, first cousins, so parang second cousin siya ng daddy ko, medyo ano, pero close naman kasi kaya nakakatuwa lang."
KAPUSO comeback
Mapapanood si Rufa Mae bilang Evil Queen sa "Bida Kontrabida," at ito ang kanyang unang role sa Kapuso network matapos magpahinga nang matagal sa showbiz.
Pag-amin ng aktres, “Nami-miss ko na mag-GMA. Parang ito po yung unang-una kong show na umarte after mawala ng matagal.
“Meron kasi akong TOLS pero sa GTV, it’s a sitcom."
Proud si Rufa Mae na mapabilang sa fifth anniversary episode ng Daig Kayo Ng Lola Ko.
Pagtuloy niya, “'Tapos, maganda pa yung project, anniversary pa. So nakakatuwang bumalik sa GMA 'tapos bibigyan ka pa ng ganitong anniversary show, e, talagang happy-happy lang ang mararamdaman.
“'Tapos, ikaka-proud mo talaga kasi isa sa mga matitinding effects ang ibibigay namin sa inyo for this episode 'Bida Kontrabida.'
“Iyon, masaya, exciting!”
Masaya din siya na dahil sa episode, nagkaroon siya ng mga bagong kaibigan sa kanyang co-stars na sina Andre Paras, Cai Cortez, at Jo Berry.
“'Tapos, nakakatuwa kasi nandiyan din sila Andre, si Cai, si Jo na panibagong kaibigan, alam mo yun?
“So masaya kasi fresh. Iyon ang dating ng show.”
on GOING BACK TO america
Samantala, may kumakalat na tsismis na nagdesisyon si Rufa Mae na muling bumalik sa Amerika at iwan muli ang showbiz.
Nilinaw ito ni Rufa Mae.
“Hindi, kasi alam naman natin na mahirap ang visa-visa din for everyone. Like, kahit na sinong artista, concert artist, kailangan ng matagal na, kumuha ng mga working visa, pati yung mga kung sinu-sino.
“E, ako meron na akong working visa all over. So, dahil may GMA Pinoy TV, ako ang pupunta to entertain the people ng GMA Pinoy TV.
"Kaya meron kaming [show] sa August 20 sa Toronto Canada, ayan may show diyan.
“'Tapos, sa U.S. din, US tour kaya aalis kami ng August. Pero babalik din kami after nung huling show, September 4 yata yun, if I’m not mistaken, sa Houston. So inaayos.
“So, kaya ako pa rin ang pupunta sa ibang bansa.”
Trabaho naman pala para sa GMA ang pagbabalik-Amerika ni Rufa Mae.
“At saka siyempre yung asawa ko din, meet-and-greet! Charot,” at tumawa si Rufa Mae.
“So yun, imi-meet-and greet ko rin ang asawa ko at ang anak niya, ganun.”
Ang kanyang mister na si Trevor Magallanes ay naka-base sa Amerika, kung saan siya nagtatrabaho.
Kasama naman ni Rufa Mae dito sa Pilipinas ang kanilang anak na si Athena.
Dalawang taong namalagi si Rufa Mae sa Amerika kasama sina Trevor at Athena. Pero umuwi ang aktres sa Pilipinas dahil sa kanyang lalaking kapatid na may sakit at kalaunan ay binawian ng buhay.
Tiyempo namang dumagsa ang mga offers kay Rufa Mae para magbalik-showbiz dito sa Pilipinas. Kaya nagdesisyon ang aktres na mamalagi muna sa Pilipinas kasama si Athena habang naiwan sa Amerika si Trevor.
Biro ng writer na ito kay Rufa Mae, hahabol sila ni Trevor ng belated celebration ng Fourth of July sa Amerika!
“Oo nga, happy Fourth of July, everyone!
“Kaya ayun nami-miss ko din lahat dun. In fact, nagising nga ako today, parang nalulungkot ako dahil nami-miss ko, pero nag-makeup na lang ako, nagpaganda, nagpa-parlor,” ang muling tumatawang sinabi ni Rufa Mae.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Rufa Mae nitong Martes, July 5, sa Zoom mediacon na ipinatawag ng GMA para sa fifth anniversary ng Daig Kayo Ng Lola Ko.
Mapapanood ang episode na "Bida Kontrabida" sa July 10, 17, 24, at 31, alas siyete ng gabi. Kaya sa loob ng apat na weekends ay mapapanood si Rufa Mae ng Sabado at Linggo.
Bukod sa "Bida Kontrabida" ay mapapanood din si Rufa Mae sa TOLS tuwing Sabado, 7:05 pm sa GTV.
Kasama niya rito sina Kelvin Miranda, Shaun Salvador at Abdul Rahman. Nasa cast din sina Olive May, Arkin del Rosario, Raymund Mabute, Rolly Concepcion, at Betong Sumaya.
