Mapapanood na si Billy Crawford sa tatlong major networks—ABS-CBN, TV5, at GMA-7—simula Linggo, August 28, 2022.
Si Billy ang host ng game show na The Wall Philippines na magsisimulang umere sa Kapuso network sa Linggo, August 28.
Kasalukuyan din siyang host ng TV5 noontime show na Tropang LOL, na simulcast din sa ABS-CBN platforms tulad ng Kapamilya Online at A2Z Channel.
Bukod sa napapanood si Billy sa tatlong higanteng networks, ibig sabihin din ay araw-araw siyang mapapanood sa TV.
Ano ang pakiramdam ng singer-host na mapapanood na siya sa ABS-CBN, TV5, at GMA-7?
“It’s very overwhelming, ‘no. I can’t be more thankful for it. It’s such an amazing feeling,” ani Billy sa PEP.ph sa virtual presscon ng The Wall Philippines nitong August 23.
Wala naman daw mairereklamo si Billy na itinuturing na biyaya ang mga trabahong ibinibigay sa kanya.
“Hindi ako titigil magtrabaho because I love this job with passion. Ito na yung bumubuhay ng pamilya ko.
“Wherever work takes me, that’s where I’m going.”
BILLY ON LEAVING ABS-CBN
Si Billy ay naging host ng LOL (Laugh Out Loud) ng TV5 noong October 2020, katapat ang It’s Showtime, kung saan dati siyang host.
Bago lumipat sa TV5, labindalawang (12) taon ding naging Kapamilya si Billy at naging host ng maraming Kapamilya game shows.
Sa katunayan, inamin ni Billy na nag-alala siya nang lisanin ang bakuran ng ABS-CBN.
“Of course, may worry. It’s something new, e. If you’re comfortable and confident in life na walang pagkakamali ang mangyayari sa buhay mo, then you’re perfect.
“But from my perspective, wala namang taong ginawang perpekto, so may kaba.
“There’s that feeling of uncertainty. Hindi tayo sigurado kung saan tayo mapapadpad, kung saan tayo mapupunta."
Dagdag niya, “But there were decisions that needed to be made kasi wala naman akong natapakan.
“I had no contracts with any network at the time of pandemic. So, it was parang I was open to work with anyone and everyone.
“So, I really honestly think it was orchestrated by God more than anything…”
Sabi ni Billy, ipinapasa-Diyos na niya ang kanyang showbiz career.

COMING FULL CIRCLE GOING BACK TO GMA-7
Ang The Wall Philippines sa GMA-7 ang collaboration ng Kapuso Network at Viva Entertainment, kung saan contract artist si Billy.
Bagamat freelancer si Billy, masaya siya sa kanyang “pagbabalik” sa GMA-7.
Nagsimula ang career ni Billy sa GMA-7 noong siya ay apat na taong gulang pa lamang. Naging bahagi siya ng dating youth-oriented show na That’s Entertainment sa GMA.
Sabi nga ni Billy, “surprising feeling” para sa kanya ang nangyari lalo’t sa showbiz, nakagawian na ang isang artista ay identified sa isang network.
“So, nung siguro nung collaboration between Brightlight, Viva, and GMA, nagsibukasan yung mga pader na 'yan, speaking of The Wall…
“It opened again kung ano yung nasimulan namin nung four years old ako.
“Kasi before, we were able to just work. We were able to learn and we were able to enjoy and create content through audience feel.
“So, this time around, nabigyan na ako ng opportunity again, after 30-plus years, na makabalik ako ulit kung saan ako nagsimula.”
Dagdag ni Billy, “It says something about humility, it says something about being humble again.
“Kung saan ka lang nagsimula, huwag mo lang kalimutan kung saan ka lang nanggaling, magiging matagumpay ang buhay mo, e.”
