Unang teleserye ni Bea Alonzo sa GMA-7 ang Start-Up PH, kaya masasabing nag-sa-start up din siya sa Kapuso network.
Pero ayon kay Bea, wala naman siyang ikinatakot sa tila pag-restart ng kanyang career sa bagong network.
“Hindi naman fear, siguro challenge,” saad niya sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa naganap na media conference ng Start-Up PH sa Robinsons Galleria noong September 17, 2022.
“Kasi, wine-welcome ko yung mga ganyan, yung discomfort, uncomfortable."
Aminado naman ang aktres na ang pag-start-up ng kanyang showbiz career noon ang isa sa masasabing mahirap na bahagi ng pagiging artista niya.
Pagtuloy ni Bea, "Hindi naman fear, pero siguro ang kaibahan na nag-uumpisa ko, siguro noon, parang ang dami mong gustong patunayan.
"And of course, I was in my teenage years, mas takot ka pa sa sasabihin ng ibang tao tungkol sa iyo.
“Now that I am in my thirties, I care less about that and more about what’s going to make me happy. So, ngayon ganoon pa rin.
“Siyempre, adjustment period at first time ko silang makakatrabaho, so I’m always on my toes, let them feel na okay akong katrabaho. And also, I try to always be the best version of myself in front of them and also para sa trabaho ko.”
Mayroon din daw malaking kaibahan sa pag-restart ng kanyang career sa bagong network kumpara sa noong nag-uumpisa pa lang siya sa pag-aartista.
Aniya, “Ang different, now that I’m restarting again, ngayon mas ine-enjoy ko ang every moment. Unlike dati na nagkakaroon ng shadow of fear and pressure.
“Ngayon, parang mas ine-enjoy ko siya. Ngayon, alam ko na now that I have the second chance to start-up again, now I know how to enjoy.”
BEA REACTS TO PRAISE FROM ALDEN, START-UP PH DIRECTORS
Samantala, bago pa nila pagbidahan ang Start-Up PH ay nagkasama na noon sa isang TVC sa Thailand sina Bea at Alden Richards.
Ngayong magkatrabaho sila sa Pinoy adaptation ng hit Korean drama na Start-Up, puring-puri ni Alden si Bea.
Ayon sa Kapuso actor, nakikita raw niya kung gaano ka-focused si Bea sa kanyang trabaho at kung gaano rin kagaling makisama nito.
Masaya naman si Bea na marinig ang mga ganitong pahayag ni Alden.
“Siyempre, masaya,” nakangiting bulalas ni Bea.
“Kapag nag-uusap naman kami, siyempre, hindi ganito. Siyempre, ngayon ko lang naririnig ang mga ganito. Of course, I’m very thankful and I’m very, very flattered.
“At the same time, I can say the same with him. Siya yung naging parang welcoming committee ko sa GMA. Close niya rin lahat ng mga tao, mga staff, mga artista. And he’s very playful on set. Parang siya ang nagse-set ng tone sa set namin na happy lang.”
Ayon kay Alden noon, namo-motivate siya ni Bea para hindi siya magpe-petiks-petiks o chill lang.
Si Bea naman, nare-remind ni Alden na hindi niya kailangang maging seryoso palagi.
Ayon sa actress, “Kadalasan kasi may pagka-serious type ako pagdating sa trabaho. Natutunan ko sa kanya na you don’t have to take so many things so seriously at minsan, puwede ka rin mag-enjoy.
“At yun ang natutunan ko sa kanya.”
Maging sina Direk Jerry Sineneng at Direk Dominic Zapata, ang dalawang batikang director na humahawak sa Start-Up PH, ay puro magagandang salita rin ang nasasambit patungkol kay Bea.
Sabi ni Bea, “With Direk Jerry kasi, ang daming beses na naming nagkatrabaho. So siguro, siya yung parang comfort blanket ko. Kilalang-kilala na niya ako.
“Kumbaga, lahat naman tayo, meron tayong mga bad days and meron tayong mga good days. So kumbaga, alam niya how to handle me kahit na ano pang day iyan.”
Kung madalas nang nakatrabaho ni Bea si Direk Jerry at tulad niya ay bagong lipat din sa GMA, si Direk Dominic naman ay unang beses pa lang niyang nakatrabaho.
“Si Direk Dom naman, ang saya sa set ni Direk Dom,” natawang sabi niya.
“Kasi ano siya, ang saya lang. Yung energy niya is also very different. Para siyang ano, parang party niya lagi. He makes sure na you’re okay, that you’re taken care of. Alam mo kapag nasa set ka ni Direk Dom, nagiging energetic, nagiging maganda ang araw.”
Ipapalabas na ang pilot episode ng Start-Up PH sa Lunes, September 26, 2022.
