Nagpaalam na ang karakter ni Julie Anne San Jose sa historical portal fantasy ng GMA-7 na Maria Clara at Ibarra.
Si Julie Anne ay gumanap bilang si Maria Clara sa top-rating Kapuso primetime series.
Read: FIRST LOOK: Julie Anne San Jose as Maria Clara in "Maria Clara at Ibarra" series
WARNING: SPOILER ALERT
Napuno ng emosyon ang episode ng Maria Clara at Ibarra ngayong Biyernes, February 10, 2023, nang pumanaw ang karakter ni Julie Anne matapos sagipin ang kasintahang si Crisostomo Ibarra/Simoun (Dennis Trilio) nang tangkain itong barilin ni Padre Salvi (Juancho Trivino).
Dahil sa galit at inggit ni Padre Salvi na tuluyan nang nagkita sina Maria Clara at Crisostomo Ibarra/Simoun, tinangka niyang barilin at patayin ang huli.
Ngunit dahil sa pagmamahal ni Maria Clara sa kanyang kasintahan ay sinalo niya ang bala na naging dahilan ng kanyang pagpanaw.
Ipinakita rin sa episode ngayong gabi na binaril nang ulit ni Simoun si Pader Salvi bilang ganti sa pagpatay nito kay Maria Clara.
Read: Julie Anne San Jose, puring-puri ng mga katrabaho; walang reklamo kahit busy ang schedule
Marami sa mga tagasubaybay ng serye ang nalungkot at nagulat sa sinapit ng karakter ni Julie Anne. Kung kaya’t sa Twitter Philippines, trending ang "Maria Clara" at ang hashtag ng kanilang episode na #MCIHulingHalik.

Hindi rin napigilang maging emosyonal ni Julie Anne na magbalik-tanaw sa kanyang makulay na karakter at sa seryeng naging daan para mas mahalin daw niya ang tinatahak na larangan.
Sa pamamagitan ng isang madamdaming post sa Twitter, isa-isang pinasalamatan ng Kapuso singer-actress ang mga taong naging bahagi ng kanyang Maria Clara at Ibarra journey.
Mababasa sa kanyang post (published as is): “Isang napakalaking karangalan na mapabilang sa programang #MariaClaraAtIbarra.
“Maraming salamat sa GMA Network at Sparkle sa tiwala at pagkakataon na mabigyang kulay ko si Maria Clara.
“Maraming salamat kay Direk Zig sa paggabay sa bawat eksena, sa aking mga kasamang aktor na tunay na mahuhusay, sa mga manunulat na malikhain, at sa buong produksiyon ng proyekto na naging kaibigan at pamilya ko na.
“Higit sa lahat, maraming salamat sa inyo gabi-gabi, nakakataba ng puso ang inyong pagsuporta at pagmamahal sa programang ito.”
Ayon pa kay Julie Anne, isang karangalan para sa kanyang maging instrumento upang maipakita kung gaano kakulay at kaalab ang kasaysayan ng Pilipinas.
Ito raw ang naging daan para mas lalo niyang mahalin at pagbutihin ang kanyang trabaho bilang artista.
Mensahe niya, “Mas minahal ko ang aking larangan bilang artista sapagkat kami ay naging instrument upang maipakita naming ang makulay at maalab nating kasaysayan.
“Para sa akin, isang obrang maituturing ang aming palabas.
“Ito ay siguradong kapupulutang aral, na maipapamana sa mga susunod pang henerasyon.”
Umaasa si Julie Anne na matapos man ang Maria Clara at Ibarra, mananatiling buhay sa alaala ng kanilang mga tagasubaybay ang lahat ng aral na kanilang natutunan.
Aniya, “Matapos man ang palabas na ito, ang kultura at kasaysayan natin ay habang buhay na nakatatak sa ating mga puso’t isipan.
“Ito ang nagpapaalala sa ating mga karapatan bilang tao, at sa ngalan [ng] pag-ibig- sa sarili, sa kapwa, at maging sa bayan- tayo ay lumalaban at patuloy na lalaban.
“Hanggang sa muli, ito po ang inyong Maria Clara delos Santos Y Alba, isang maalab na pagpupugay sa kasaysayan ng Pilipinas, salud! [heart emoji].”
Nakatakdang magtapos ang Maria Clara at Ibarra sa February 17 pagkatapos ng mahigit apat na buwang pag-ere nito sa GMA-7.
READ MORE:
