Burado na sa YouTube channel ng Eat Bulaga ang Valentine’s Day episode ng "Pinoy Henyo" na naging kontrobersyal dahil sa paratang na nandaya umano ang nagwaging babae at lalakeng contestants.
Ang "Pinoy Henyo" ay isang game segment ng noontime show na Eat Bulaga.
Hindi nakalampas sa matalas na paningin ng manonood ang walang tunog na pagbigkas ng female contestant sa “stomach”, ang salita na pinahuhulaan sa "Pinoy Henyo," kaya nahulaan ang wastong sagot ng kanyang kapareha na mahusay sa lip reading.
Inakusahan din ng pandaraya ang male contestant dahil diumano, binigkas din nito nang walang tunog ang "Abra," ang pangalan ng lugar na pinahuhulaan sa "Pinoy Henyo."
REACTION OF DABARKADS
Kinabukasan, February 15, nagparinig ang Eat Bulaga hosts na sina Miles Ocampo at Ryan Agoncillo sa "Pinoy Henyo" segment ng Eat Bulaga sa mga contestant na pinagbibintangan na nandaya.
"Kapag nahuli po, susuntukin sa stomach. Susuntukin lang naman, kaya bawal ang coaching, alright?” ang sabi ni Miles.
"Kung ayaw ninyong masikmuraan, umayos kayo!" ang reaksyon ni Ryan.
Kahapon, February 17, si Joey de Leon naman ang nagsalita tungkol sa diumano’y dayaan na nangyari sa "Pinoy Henyo" noong Araw ng mga Puso, February 14.
"Sa isang laro, ano ang ginagawa mo para mawala yung saya o yung fun? Kapag ikaw ay nandaya!
"Kapag nagchi-cheating ka sa isang game, wala na yung fun," komento ni Joey.
Sang-ayon ni Allan K, "Pati ikaw, madi-dishearten sa ginawa mo."
Diin pa ni Joey, "Akalain ninyong itong 'Pinoy Henyo,' e, pasukan ng mga mandaraya? Kaya inuulit natin, totoo yan, kahit anong laro pa yan, kapag nandaya kayo, wala nang fun!"
"Totoo nga yung pandaraya, may fun, fundaraya. Pero hindi dapat… No cheating."
Hindi naman nakatiis si Jose Manalo na magkomento nang marinig ang mga sinabi ni Joey.
Dagdag ni Jose, "Hindi na masaya. Kaya ang dapat sa mga ganyan, hindi namin kayo tatantanan!"
Bago magtapos ang segment, pahabol pa uli ni Joey, "Naaalala ko lang yung mga nandadaya.
"Nabanggit niyo yung snake. Ang parusa niyo magiging snake kayo, gagapang kayo gamit ang inyong stomach."
STILL VIRAL
Ito na nga ang nangyayari sa kasalukuyan dahil ayaw tantanan ng netizens ang mga "Pinoy Henyo" contestant na pinararatangan na nandaya.
Apat na araw na ang nakalilipas buhat nang mangyari ang insidente pero pinag-uusapan pa rin ang isyu.
At ang masaklap, patuloy ang matinding pagkondena ng netizens sa sinasabing "caught-in-the-act contestants."
Kumakalat sa Internet ang mga larawan nila na kuha mula sa video ng kanilang pagsali sa popular game segment ng Eat Bulaga.
Kahit binura na ang Valentine’s episode ng "Pinoy Henyo" sa YouTube Channel ng Eat Bulaga, napapanood pa rin ito sa iba’t ibang mga social media platform dahil sa maagap na pagkopya ng netizens kaya hindi talaga nakaligtas sa mga batikos ang magkatambal na contestants.