Diretso naming tinanong si Andrea Brillantes kung totoo ba na siya ang gaganap sa remake ng Dyesebel, ang classic na obra maestra ni Mars Ravelo tungkol sa isang magandang sirena.
READ: Is Andrea Brillantes the next Dyesebel?
“Actually, nagulat lang din po ako, nakita ko lang po siya sa media.
"Pero thankful po ako sa response na nakuha ko from the citizens, yung mga casual viewers, na madami namang positive na mga sinasabing bagay ako.
"Meron namang mga hindi, pero yun nga, thankful po ako sa mga positive reviews na nakuha ko. Thank you po, dahil dream role ko din po yun ever since.
“Isa yun sa mga rason kung bakit ko ginustong maging artista.
"Isa rin yun sa mga first audition ko yata. I think yun yung second na naging audition ko,” pahayag ni Andrea na nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Franchise Ball ng Tapawarma, kung saan si Andrea at ang vlogger na si Jay Emil Lasian (na mas kilala bilang Team Katagumpay) ang mga celebrity endorsers.
Ang Dyesebel ang naging auditon piece niya noong nagsisimula pa lamang siyang mag-artista.
“Yes, iyon yung second ever ko yata, if not the first, second audition ko po.”
Pero wala pa raw pormal na pag-uusap sa pagitan ng kampo ni Andrea at ng ABS-CBN management tungkol sa pagbibida niya sa bagong Dyesebel project.
“Wala pa po.”
Sigurado raw na tatanggapin ni Andrea kapag inialok sa kanya ito.
“Oo naman,” at tumawa ang young actress.
“Pangarap ko yun e, mahilig talaga ako sa dagat ever since.”
Ano ang naging reaksyon niya na halos karamihan sa mga netizen ay nagsasabing bagay nga siya na maging sirenang si Dyesebel pagkatapos ng kapwa niya Kapamilya actress na si Anne Curtis noong 2014.
Bukod kay Anne, gumanap na rin bilang Dyesebel sina Marian Rivera, Ara Mina, Charlene Gonzales, Alice Dixson, Alma Moreno, Vilma Santos, and Edna Luna.
Dagdag ni Andrea, “Siyempre masaya po ako at natutuwa ako dahil madaming may gusto.
"Kasi usually kapag ano, parang madaming nagsasabi ng kung anu-ano, pero dito naman madami naman yatang nag-approve, pero tingnan na lang po natin.”
ANDREA V-DAY PLANS
Dahil February 14 nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Andrea sa Madison Galleries sa Muntinlupa City, tinanong namin kung ano ang kanyang Valentine’s Day plan sa susunod na araw with her boyfriend Ricci Rivero.
“Siyempre po kasama po yung boyfriend ko, hindi ko pa po alam kung ano plano niya,” at tumawa si Andrea.
Isu-surprise ba siya ng basketbolista?
“Sana… char! Kung hindi, okay lang,” ang tumatawa pa ring reaksyon ni Andrea.
ANDREA LEVELS UP AS ENDORSER, STEPS UP HER BUSINESS GAME
Samantala, during the event ay nabanggit ng may-ari ng Tapawarma na si John Oliva na kaya niya kinuha si Andrea bilang endorser (for the second year) ay dahil pareho sila na ang lahat ng ginarawang hirap, sakripisyo at pagsisispag ay para sa pamilya.
Si John din ang may-ari ng Salt and Light Beauty Spa Salon, Chef Senyor Juan Frozen Meat, Senyor Juan Suman Latik and Cafe at marami pang ibang negosyo.
“Actually, wala po akong masyadong masabi kundi thank you,” sabi ni Andrea.
“'Tsaka alam mo, proud po ako sa mga katulad ko na ginagawa lahat para sa pamilya nila, kaya congrats po talaga Sir John dahil naging successful po yung inyong brand at sa mga katulad ko, ipagpatuloy lang natin at laban lang. Alam niyo yun, para naman ito sa mga taong mahal natin.”
Paano siya nakumbinsi na maging endorser ng Tapawarma (na pinaghalong beef tapa at Shawarma) sa pangalawang taon?
“Of course po, kasi blessing po ito para sa akin. Sino ba naman po ako para humindi?
"It’s an honor na mapili po ako para maging brand ambassador, and pinili pa din ako sa second year, so go!” at natawa si Andrea.
“Of course, ayoko naman pong umalis, di ba? Why not naman po?”
Pagpapatuloy pa ng dalagang aktres…
“Actually, matakaw po kaming magkakapatid,” at muli siyang natawa.
“At part din po dati yung ate ko sa team ng Tapawarma. So, very special ito para sa akin kasi nakasama kong mag-work yung sister ko dito before.
"'Tapos, lagi po silang nagpapadala para sa family namin, so hindi lang para sa akin, kundi yung mga kapatid ko po, kasi gustung-gusto din po kasi nila yung mga pagkain na naipapadala, so special siya kasi na-e-enjoy namin siya, kaming magkakapatid po.”
Ilan na ba ang endorsements ni Andrea? Nabibilang pa ba niya?
“Kung on the spot po, hindi ko… kailangan ko pa pong isipin.”
May sarili ring negosyo si Andrea na may kinalaman sa makeup at binansagan nga siyang youngest CEO. Anu-ano ang responsibilidad niya bilang young CEO?
Saad niya, “Actually, malapit na din po palang mag-launch yung first brand ko po.
"Yun po yung Lucky Beauty. If nakikita ninyo po sa Instagram ko, nagpu-post na din po ako about it.
"Medyo matagal na po actually. Siguro 2020 pa lang po, iniisip ko na kung paano ito mabubuo, kasi may passion po talaga ako sa make-up.
"Parang three years old pa lang yata ako, nagme-make-up na talaga ako, as in sobrang arte ko po talaga nung bata ako!
“Kaya nung nag-launch si Kylie Jenner ng sarili niyang brand, sabi ko gusto ko ding maging ganyan, kaya nagpursige talaga ako sa pagtatrabaho, na magkaroon ng sarili kong pangalan, para sana someday magawa ko din yun.
"At eto na po ako ngayon, meron po akong mga partners sa business na ito.
"Hindi lang po ako nag-iisa, pero ako po yung CEO sa Lucky Beauty.
"Lucky Beauty po yung pangalan ng brand ko and malapit na po siyang mag-launch, ngayong buwan na po.
"At to clarify lang po, yung brand ko po is about make-up po. Maglalabas na po ako ng sarili kong make-up brand, hindi na siya…
"Dati po kasi collab lang po sa isang brand, pero ngayon my own name, my own company po and my own creativity po.”
Ano ang motivation niya para sa mga kabataan na nangangarap na maging successful din balang araw?
Diin niya, “Alam ko cliché siya pero sobrang totoo po kasi siya, never give up po talaga!
“Ang daming stages sa life ko na talagang naisip ko na, ‘Itigil ko na kaya ‘to, parang wala naman akong mararating?’
“Or madami akong pagsubok na parang ang layu-layo talaga ng pangarap ko sa nangyayari ngayon or, ‘Bakit eto yung nangyayari?’
“Ang dami-dami kong mga tanong, pero lagi kasi akong umuuwi sa, ‘Bakit ako nagsimula? Bakit ako nandito?’
“Titingnan ko yung family ko, aalalahanin ko yung pangarap ko nung bata pa lang ako, at kahit mahirap, pinipili ko pa din pong bumangon, pinipili ko ring lumaban, at maniwala lang po talaga sa timing ni Lord.
“Kasi sa totoo lang po, matagal na rin po talaga akong artista.
"Nag-start po ako seven years old. More than a decade na po ako dito, pero kailan lang po talaga ako nagkaroon ng pangalan.
"So, ang dami talagang moments sa life ko na parang baka hindi naman talaga ito para sa akin, kasi hindi lang din naman yung paghihirap sa trabaho, pati na rin yung nakukuha kong criticism sa ibang tao, yung mga bashing, ganyan, kaya mahirap po talaga.
“Pero yun lang po talaga maa-advise ko, na huwag lang po mag-give up sa pangarap nila, maniwala ka sa sarili mo, maniwala ka sa Diyos, at mahalin mo yung trabaho mo.
“Kasi sa totoo lang, kung hindi ko po talaga mahal yung trabaho ko, siguro hindi talaga ako nagtagal. Kailangan mong maghanap ng bagay na ma-e-enjoy mo at mamahalin mo ng buung-buo para mag-last sa inyo.”
