Hindi raw inasahan ni Carren Eistrup ang pagkapanalo niya sa "Bida Next" talent search competition ng Eat Bulaga.
Si Carren, 14, na isang Filipino-Danish ang nagwagi sa "Bida Next," at ngayon ay pinakabagong co-host at miyembro ng Eat Bulaga Dabarkads.
Sa final showdown ng talent search, ang kinanta ni Carren ay ang “The Climb” ni Miley Cyrus at “Pangarap na Bituin” ni Faith Cuneta.
“Hindi ko po talaga in-expect na ako po ang matatawag sa grand finals, kasi Eat Bulaga po yon. Eat Bulaga is so famous at ang gagaling din po ng mga kasama ko.
"Pero, hindi ko naman po dina-down ang sarili ko. I just kept on going.
"And thankful lang din po ako sa mga fan ko, sa mga supporters ko, and to my agency Merlion Entertainment, and sa mommy ko,” nakangiting pahayag ni Carren.
- Donita Nose on Willie Revillame: "Ilang beses na niya akong tinanggal, e! Pero..."
- Sofia Andres on why she isn't married to partner Daniel Miranda yet
- Here's sneak peek at Marian Rivera's new walk-in closet
CARREN EISTRUP ON JOINING SINGING COMPETITIONS
Tinaguriang “Bidang Cebuana Singer," bata pa lamang ay talagang sumasali na si Carren sa iba’t ibang singing competition sa Cebu.
Lumaban din siya sa Centerstage, ang defunct singing reality search ng GMA-7, at “Tawag ng Tanghalan Kids,” ang singing competition sa It's Showtime ng ABS-CBN.
Ang WCOPA (World Championship of Performing Arts) sa Los Angeles, California noong 2018 ang masasabing pinakamalaking singing competition na sinalihan ni Carren.
Kumpara sa dinaanan niyang mga patimpalak, "Bida Next" ang pinakakakaiba raw sa lahat dahil sinubok ang galing niya sa iba-ibang aspeto ng live performance.
Kuwento ni Carren: "Siguro po ang difference, ang sinasalihan ko po before is singing competition lang po talaga. Singing, biritan.
"Pero yung 'Bida Next' kasi, it’s for Eat Bulaga and it’s more on hosting and giving good vibes po.
"Siyempre, kailangan pa rin po ng full package—singing, dancing, at saka hosting.”
May mga nagsasabing lookalike siya ni Miley Cyrus.
Sabi naman ni Carren: “Noon pa nila sinasabi na kamukha ko raw po si Miley Cyrus.
"I really appreciate it sa mga nagsasabi na kamukha ko nga raw siya kasi it gives me an advantage na pinapansin ako ng mga tao.
"Pero sinabi ko rin noon na I want to have my own image at kilalanin ako ng mga tao as me.”
CARREN EIStRUP ON co-hosting with RYZZA MAE DIZON
Bagong salang pa lang siya bilang Dabarkads, pero mabilis niyang nakagaanan ng loob si Ryzza Mae Dizon, 17, na supportive daw sa kanya.
“Si Ate Ryzza kasi, siya ang palagi kong kasama sa gilid, e,” kuwento pa ni Carren.
“Parang ginawa kaming mag-partner sa Eat Bulaga. Kapag hosting, parang kami ang magka-team. Kami palagi ang magkasama."
Dahil magkalapit ang edad nila, may netizens na naipagkukumpara na silang dalawa.
“I’m not trying to compare myself to Ate Ryzza kasi we're different, e,” sabi ni Carren.
"Ate Ryzza started noong bata pa lang siya, as in, seven?
"Iba rin po kasi ang mga strengths namin and we have our own way on hosting. Kasi, sabi rin po nila, kapag nag-host, just be yourself.
“Kasi, diyan po makikita ng mga tao kung enjoy ka ba talaga sa ginagawa mo.”
Ayon pa kay Carren, naramdaman niya ang suporta ng solid fans ng Eat Bulaga dahil ang bilis dumami ng followers niya.
"I noticed sa social media ko, sa Facebook page ko and Instagram, before the grand finals, I only have 7k followers sa Facebook.
"And then, biglang 21k na po siya. Ang lakas talaga ng impact ng Eat Bulaga kapag nanalo ka ng isang contest,” masayang sabi niya.
May mga nakakakilala na rin daw sa kanya kapag lumalabas siya sa mga pampublikong lugar.
"Noong birthday ko po, pumunta po ako ng mall. Kasi, grand finals po, then kinabukasan po, birthday ko.
"Nagpunta po ako ng mall, naka-mask po ako, mata ko lang ang nakikita.
"Pero may nakakilala pa po sa akin, sabi, 'Ikaw yung nanalo sa Bida Next.' Siyempre, natuwa po ako,” kuwento ni Carren.
CARREN EISTRUP open to try acting
Ngayong isa nang co-host ng Eat Bulaga, desidido si Carren na makilala sa showbiz.
"I’m looking forward po to be known more for my talents, and also sa mga teleserye.
"I’m also planning to join po, mga workshops ulit sa acting para ma-improve pa po, and also my Tagalog.”
Kung may iniidolo man daw siya na gusto niyang tularan, ito ay walang iba kung hindi si Sarah Geronimo.
“Siguro po kung katulad sa akin, si Sarah Geronimo. Kasi, full package po si Sarah G., may teleserye, marunong kumanta, marunong mag-host, marunong sumayaw.
"That’s what I’m also planning to have."
CARREN EISTRUP ON JUGGLING SCHOOL AND HOSTING WORK
Grade 9 student si Carren, at pumapasok siya sa online schooling.
Nagagawa naman daw niyang balansehin ang pag-aaral at ang paghu-host sa Eat Bulaga.
"Since before kasi, naba-balance na talaga, kasi palagi akong nagta-travel dito. Nasanay na talaga ako sa schedule and buti na lang din po with my school right now, sobrang adjustable.
“If ever may taping po sa gabi, puwede po ako sa morning. Interchangeable lang po talaga ang schedules ko.
"And if ever na may free time, dun ko lang po ginagawa ang mga assignments ko, projects namin.
“Yung mga classmates ko rin po, very understanding. They also help me kung ano ang dini-discuss nila.
"Kasi, di ba, minsan hindi ako nakaka-attend. Sinasabi nila sa akin kung ano ang mga assignments.”
Ang napanalunan ni Carren sa "Bida Next" ay one-million-peso worth of contract sa Eat Bulaga, PHP500,000 cash, at brand new Next Gen Ford Ranger.
Nasira ang bahay ng pamilya ni Carren sa Cebu noong 2019. Ang agency niyang Merlion Entertainment ang nag-provide ng condo unit niya dito sa Manila.
