Madalas na trending sa social media ang mga eksena sa ng Dirty Linen kung saan gumaganap si John Arcilla bilang si Carlos F. Fiero.
Pinagpapasalamat ng aktor ang mainit na pagtanggap at suporta ng mga manonood sa Kapamilya prime-time series tampok sina Janine Gutierrez at Zanjoe Marudo.
Sabi ni John, "Sobrang nakakatuwa kasi parang somehow binago niya kasi yung standard ng mga teleserye.
"Di naman natin sinasabi na di maganda yung dati, mahusay naman talaga tayong gumawa ng mga kuwento ng teleserye.
"Pero this time, ito yung sobrang kakaiba na every night trending siya, every night di mo alam kung saan pupunta yung kuwento.
"Napaka-unpredicatable ng mga nangyayari sa bawat characters at sa bawat twists and turns ng kani-kanilang mga istorya.
"Sobrang exciting kasi para siyang magiging gamechanger.
"Pag mayroon kasing gamechanger na klase ng isang show like this one, yung ibang gumagawa ng ibang teleserye parang magiging creative din lalo."
Marami ang humahanga sa husay na pinapakita ni John sa Dirty Linen kung saan kitang-kita ang iba't ibang atake niya sa role.
Gumaganap siya bilang Carlos Fiero, ang tinaguriang Sabong King na sangkot sa mga ilegal na gawain sa kuwento ng serye.
Madalas ay intense ang mga eksena nila ng misis niya sa serye na si Janice de Belen.
Ani John, "Ako kasi bago ako sumasalang sa isang buong project, pinag-aaralan ko muna yung character ng gagawin kong role.
"Dapat malinaw sa akin kung bakit ko sinasabi at ginagawa ang isang bagay para maging organic.
"Kunwari sa akin talaga nangyayari so pag nailagay ko na yun sa sarili ko, pag habang minememorya ko yung line, pinapasok ko na rin yung emotion at kung ano yung posibleng emosyon.
"Kung ano yung emosyon ng kasama ko, sasaluhin ko siya, bibigyan ko siya, parang it's like a pingpong ball."
ON CAST OF DIRTY LINEN
On Janice de Belen
Puring-puri din ni John ang mga kasama niya sa Dirty Linen.
Sabi ni John patungkol kay Janice de Belen, "Mahusay din kasi talaga ang mga kasama ko, yung cast.
"Sobrang mahal na mahal ko si Janice, bukod sa matalinong artista betarana na, professional pa.
"Pag pinagsama mo yung tatlong yun, nothing will go wrong in a scene."
On Janine Gutierrez
Inilarawan ni John si Janine Gutierrez bilang artista na may "ganda saka talento."
Dugtong ni John, "Alam mo yung di lang glamor, gusto talagang maging aktres and she's working on it to be an actress.
"Pag glamor, glamor na glamor, pag artista, artista."
On Francine Diaz and Seth Fedelin
Na-enjoy din ni John katrabaho ang mga bagets sa show na sina Francine Diaz at Seth Fedelin.
"Si Francine napakagandang bata. Kung ano ang ipagawa sa kanya ng direktor, dive agad siya, sobra.
"Si Seth napakanatural na bata. Ang kaibahan kasi ng mga actors ngayon na mga bata, ang dami na rin nilang napanood, ang lawak ng kanilang pinapanooran kaya ang bilis nilang gumaling."
ON "MATA-MATA ACTING"
Isa sa trending episodes sa Dirty Linen ay ang pagpansin ng netizen sa sinasabing "mata-mata acting" ng cast ng serye.
Ayon kay John, malaking tulong na malinaw sa cast ang kuwento ng bawat karakter na ginagampanan.
"Wag kayong mag-aano sa akin ha, take one lang po yun, tapos nag-take two para sa ibang anggulo, nag-take three para sa ibang anggulo.
"Pero ito ay puro take one lahat, modesty aside, totoo po yan," pagmamalaki ni John.
Ano ang motivation niya sa kanyang role?
"Kasi siguro lahat kaming character mayroong tinatago, mayroong past na tinatago, may dini-deal sa present at may gustong mangyari sa future. Tatlo yun, e.
"Pag malinaw sa artista kung ano ang kuwento ng karakter niya, lalabas talaga yun.
"Yung past, ano ang nangyayari, ano ang problema ng nasa kabila, anong gustong mangyari nung isa, ano ang gusto kong mangyari, ano ang gusto kong gawin.
"Dapat malinaw ang kuwento mo as a character."
MORE PROJECTS COMING UP FOR JOHN
Sinasabing may plano si Edith Fider, ang producer ng Saranggola Media Productions, na may plano silang pagsamahin sa sequel ng Himala sila Nora Aunor at John Arcilla.
Kung sakali, dream come true iyon para kay John.
"Niluluto pa lang, plinano na yun dati, di ko alam kung ang naging problema ay schedule. Hindi ko alam kung matutuloy pa, pero sana matuloy.
"Nabasa ko yung script, nagkuwentuhan kami mismo nung writer tungkol dun sa script kaya kasama ako sa pagde-develop nung script.
"Kaya lang ako mismo nagkaproblema sa schedule tapos nag-pandemic. Before pandemic siya, right before pandemic."
Isa pang proyekto na gusto ni John na matuloy ay ang pagkakaroon ng concert.
"I'm still praying na magkaroon ako ng oras, gusto kong lagyan ng oras.
"Gusto ko talagang matuloy pero heto nga pag palagi kang puyat kasi may darating akong apat na pelikula after Dirty Linen."
READ: John Arcilla to headline first major solo concert in September
