Nagkamit ng limang medalya – dalawang gold at tatlong bronze – at limang finalist certificates ang Pilipinas sa New York Festivals TV and Film Awards 2023.
Sa sampung karangalang nakuha ng Pilipinas ay siyam ang mula sa GMA-7 at isa naman mula sa ABS-CBN.
Ginawaran ng Gold ang GMA-7 programs na Kapuso Mo , Jessica Soho (KMJS) at The Atom Araullo Specials.
Kinilala ang KMJS sa Health/Medical Information category para sa episode nitong “Mga Sugat ng Pangungulila”, habang ang documentary special ni Atom na “Mata Sa Dilim” ay nagwagi sa Social Issues category.
Dalawang programa rin ng Kapuso network ang nakakuha ng Bronze: ang primetime series na Maria Clara At Ibarra sa Drama category at ang Stand For Truth (“Runaway Child Brides”) sa Cultural Issues category.
Nakakuha rin ng Bronze ang ABS-CBN program na KBYN (Kaagapay ng Bayan) sa Best Public Affairs Program category. Ang programa ay hinu-host ni Noli de Castro.
Bukod sa limang medalyang nakopo ng Pilipinas ay naging finalist din sa documentary category ang limang programa mula sa GMA-7: Born To Be Wild (“Primate Planet”) – Environment & Ecology; I-Witness (“Black Soldier Fly”) – Science & Technology; Kapuso Mo Jessica Soho (“Eleven”) – Human Concerns; Reporter’s Notebook (“Our School Is Sinking”) – Community Portraits; at The Atom Araullo Specials (“The Missing”) – Human Concerns.
Ang New York Festivals TV & Film Awards ay taunang isinasagawa upang kilalanin ang lahat ng uri ng content sa higit 50 bansa.
