Nadulas si Vic Sotto sa pagsabing Eat Bulaga! bilang pantukoy sa bagong noontime show ng TVJ sa TV5.
Read: Eat Bulaga! war and how it changes Philippine TV: A Timeline
Nangyari iyon sa segment kunsaan namimigay siya ng papremyo sa isang studio audience member.
Bago ito ay tinanong kasi ni Vic ang male studio audience member: "Juanito, ikaw ba ay nalungkot nang mawala kami sa telebisyon?"
"Siyempre, Bossing!" sagot ng lalaking nagngangalang Juanito.
Fan daw si Juanito ng Eat Bulaga!, at para aliwin ang sarili, bumuo raw siya ng kanta sa saliw ng original Eat Bulaga! theme song. Nag-viral pa nga ito sa social media.
Pinasampol ni Vic si Juanito ng kanta nito.
Sabi sa lyrics ng kanta ni Juanito, "Mula Batanes nagkagulo / Lahat sila nagtalu-talo / Isang linggo walang tuwa / Buong bansa / Nabulaga!"

Sa tuwa ni Vic ay napabulalas ito habang inaabot ang papremyo: "Galing sa Eat Bulaga!, PHP5,000, at mga T-shirt!"
Hindi pa kaagad napagtanto ni Vic na Eat Bulaga! ang nasabi niya. Pero napangiti sa tabi niya sina Jose Manalo at Wally Bayola.
Natatawang hirit ni Wally, "Galing sa?"
Napangiti na rin si Vic nang ma-realize na nasabi niya ang pamagat ng pinanggalingang show sa GMA-7.
Pagbalik sa stage, nagtuksuhan ang Dabarkads sa blooper ni Vic sa pangunguna na rin niya.
Hirit ni Vic na sadyang binitin ang salita: "Magbabalik tayo dito sa..."
Huminto pa si Vic at hinintay kung anong isasagot ng studio audience.
Sumagot naman ang Dabarkads na sina Paolo Ballesteros, Ryan Agoncillo, Maine Mendoza na, "E.A.T.!"
Sabay natatawang tanong ni Jose kay Vic, "Saan ba talaga Bossing?!"
Segunda ni Wally tungkol sa pamagat ng show nila sa TV5, "So, ano na?! Kasi isusulat ko ito!"
Nagtawanan uli ang Dabarkads bago humirit si Wally ng "Isang buwan na!" at saka nag-cut para sa commercial gap.
Isang buwan na mula nang magpaalam ang TVJ at legit Dabarkads sa Television and Production Exponents Inc. noong May 31, 2023.
Hindi na sila umere sa telebisyon, at nagpaalam na lang sa Facebook livestream ng Eat Bulaga!, ang longest-running noontime show kunsaan co-founders at pioneer hosts ang TVJ.
Ngayong Sabado, July 1, 2023, ang unang araw ng TVJ at legit Dabarkads sa bagong tahanan ng kanilang noontime show sa TV5.
"E.A.T." ang bukambibig ng Dabarkads bilang pantukoy sa kanilang show, pero wala pang opisyal na title card sa opening billboard na pinakita ang show.
Tanging "TVJ" ang nakalagay sa LED screen sa background ng stage.
Hindi lingid sa kaalaman ng publiko na parehong nanindigan ang TVJ at ang bagong management ng TAPE Inc. na kanila ang pangalang Eat Bulaga!
Read: Vic Sotto on Eat Bulaga! trademark: "Kukunin lang ng kung sinu-sino? Aba! Hindi puwede."
Ang TAPE ang producer ng Eat Bulaga! sa GMA-7, habang si Joey de Leon ng TVJ ang nakaisip ng pamagat na Eat Bulaga! at ang TVJ din ang nagpasikat sa show sa loob ng 44 taon.
