Alden Richards to sing "God Gave Me You" live for Maine Mendoza tomorrow

Wala nang makakapigil sa unang pag-akyat ng ligaw ni Alden kay Yaya Dub bukas, September 26, sa Kalyeserye ng Eat Bulaga. Pero bago ito ay may tatlong hiling o kundisyon na ibinigay si Lola Nidora kay Alden.


Handa na ang lahat para sa unang pag-akyat ng ligaw ni Alden Richards kay Yaya Dub (Maine Mendoza) bukas, September 26.

Sa episode ng Kalyeserye ng Eat Bulaga! ngayong araw, September 25, ipinahanda na ni Lola Nidora (Wally Bayola) ang mansion para sa pagdalaw ni Alden kay Yaya Dub bukas.

Ipinalinis na ni Lola Nidora sa mayordomang si Rihanna ang lahat ng kuwarto sa mansyon at pinapinturahan na rin niya ang bubong.

Maging si Lola Nidora ay handang-handa na rin dahil nagpa-manicure at nagpa-pedicure pa siya.

Si Maine naman ay tila hindi na talaga makatulog dahil tinubuan ng pimple sa ibabaw ng kanyang labi.

Pero sabi ni Alden, maganda pa rin si Maine kahit may pimple siya.

Tukso naman sa kanila ni Allan K: "Dimple and pimple."

Sa kabilang banda, binigyan naman ng tips ng Dabarkads si Alden sa pagdalaw niya kay Maine bukas—mula sa pananamit, diskarte, sasakyan, at panunuyo sa mga kasama ni Yaya Dub sa mansyon.

Pareho na ring excited sina Alden at Maine para sa pagkikita nilang muli bukas.

Sa fan signs nga nila ay tinawag nila ang isa’t isa sa kani-kanilang mga palayaw.

Alden: “See you tomorrow, ah.”

Maine: “See you, Tisoy.”

Alden: “Ano gusto mo dalhin ko, Meng?”

Maine: “Ikaw lang sapat na.”

TATLONG HILING. Samantala, may tatlo namang kahilingan si Lola Nidora kay Alden para sa pag-akyat ng ligaw nito kay Yaya Dub bukas.

Una, mariin pa rin niyang ipinatutupad ang “no touch” rule at kailangang six feet ang layo nila sa isa’t isa.

Pero umalma sina Lola Tidora (Paolo Ballesteros), Lola Tinidora (Jose Manalo), at maging ang Dabarkads dahil napakalayo naman daw ng six feet sa dalawa.

Kaya sa huli ay pumayag na si Lola Nidora na one foot away na lang sina Alden at Yaya Dub, pero no touch pa rin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pangalawa, naglambing din si Lola Nidora kay Alden ng chicharon.

At pangatlo, kailangang kantahin ni Alden nang live ang “God Gave Me You” na magsisilbing pangharana niya kay Yaya Dub.

Ang "God Gave Me You," na original na kinanta ni Bryan White, ang pinakasikat na Dubsmash song ni Alden para kay Yaya Dub.

Ayon pa kay Lola Nidora, kapag nasunod ang kanyang tatlong kahilingan ay may regalo pa raw siya kina Alden at Yaya Dub.

Nag-iwan din ng mga aral si Lola Nidora para kina Alden at Yaya Dub:

“Walang maiinip sa taong matapat ang hangarin.

“Walang susuko sa taong totoo ang tibok ng puso.

“Ang pag-ibig na hinihintay sa tamang panahon ay pag-ibig na magtatagal sa mahabang panahon.”

Sabi pa ni Lola Nidora kay Alden, bagong simula ito para sa kanila ni Yaya Dub kaya sana raw ay huwag nitong sayangin ang pagkakataong ibinigay niya.

At gaya nitong mga nakalipas na araw, muli na namang narinig na sumigaw si Yaya Dub.

Sa pagkakataong ito, narinig siyang sumigaw ng: “Lola, thank you!”

Pero sa pagtatapos ng Kalyeserye ngayong araw ay nakatanggap ng tawag si Lola Nidora mula kay Rihanna.

Nag-aalalang tanong ni Lola Nidora: “Ano nangyari, bakit nagkaganun?”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN