Hindi napigilang maglabas ng kanyang frustrations ang Kapuso resident director na si Dominic Zapata dahil sa nababasa niyang pamba-bash ng mga netizens sa GMA-7 fantaserye na Victor Magtanggol.
Ang nasabing telefantasya na pinagbibidahan ng Pambansang Bae na si Alden Richards ay bina-bash dahil ginaya lang daw nito ang Marvel movie na Thor na pinagbidahan ng Australian actor na si Chris Hemsworth.
Kilala si Direk Dom sa pagdirek ng mga top-rating telefantasya ng GMA-7 tulad ng Mulawin, Darna, Captain Barbell, Super Twins, Sugo, Zaido: Pulis Pangkalawakan, Mulawin Vs. Ravena at Alyas Robin Hood.
Pinuri rin ang pagdirek niya sa mga heavy dramas na My Husband’s Lover, Hiram Na Alaala, The Rich Man’s Daughter at MariMar.
Sa media launch ng Victor Magtanggol sa Studio 7 ng GMA Annex Studio noong nakaraang July 23, ipinagtanggol ni Direk Dom ang naturang proyekto at sinabing hindi ito isang copycat ng Thor movie.
COPYCAT ISSUE
“Nafru-frustate ako kasi noong ginawa yan ng Marvel, hiniram lang nila 'yan sa Norse mythology.
“Tinira ba sila? Tinira ba sila ng Pinoy? Hindi naman, di ba?
“Pero noong tayo gumawa ng sarili, titirahin natin.
“Pareho lang tayong nanghiram sa Norse culture.
“So, bakit tayo ganun sa sarili natin?” diin ni Direk Dom.
JOB OPPORTUNITIES
Para kay Direk Dom, mas makakabuti siguro para sa mga bashers kung iisipin na lang nila ang kapakanan ng mga taong nagtatrabaho nang maayos sa harap at likod ng kamera para sa Victor Magtanggol.
Dagdag niya, “Sige na, bash it all you want, but for you to tell people na parang indirectly na huwag ito panoorin...
“Para sa mga taong yun, please understand na every show employs about over 200 people.
“Dalawang daang tao po ang umaasa sa kanilang programa para meron po silang kikitain, may madala silang hanapbuhay for the next three to four months...
“Hoping five months, maybe even six months.
“Ganun po yung industriya namin.
“So every time po na gusto ninyo mang-bash ng show and make people not watch, please remember that this show represents not only individuals, but their families as well.”
DIRECTOR'S APPEAL
Confident naman si Direk Dom na makakapag-deliver sila ng isang quality show at sana’y huwag itong husgahan agad ng mga hindi pa nakakapanood.
“We are only trying to make an honest living and we will not shortchange you with something that’s trash.
“It’s quality work, so please give it a shot,” pakiusap ni Direk Dom.