Lagpas isang taon na ngayon simula nang matanggal sa kanyang pagiging main anchor si Kathy San Gabriel sa primetime newscast ng state-run People’s Television Network (PTV-4).
Noong June 29, 2017, umingay ang balitang hindi na ni-renew ang kontrata ng beteranang brodkaster sa PTV pagkatapos ng 11 years niya sa PTV-4.
Kamusta na kaya siya ngayon?
Tugon ng beteranang TV broadcaster, “Okay naman po ako. God has been so good to me, marami naman pong opportunities.
“Actually, sandali lang po akong namahinga, after a month may kumuha na rin po sa akin which is Panahon TV.
"So, I’m a senior correspondent there and ito naman, yung ating bagong show, ang Me and My Town. I consider it as a temporary setback.”
Paano kaya siya nag-move on sa madilim na yugtong ito ng kanyang broadcasting career?
Tugon niya, “Siyempre po nagulat ako. Pero ang inisip ko ano na yung gagawin kong susunod, e.
“Dapat po kasi di ba dapat madali tayong mag-isip kasi kailangan mo ring magtrabaho. Kailangan mo ring ayusin mo pa rin yung buhay mo at yung mga kailangan mo pa ring asikasuhin.
“Siyempre po masakit, pero po ganun po talaga, e. Marami naman pong nangyayari sa ating buhay na minsan, di ba, sinabi nga po na, ‘When God closes a door he might open another opportunities for us,’ so ganun po.”
Hindi ba siya nagtampo sa mga dating namamahala ng istasyon?
Saad niya, “Hindi po kasi magandang mag-dwell sa sama ng loob, e. Well, hindi po maganda ang nangyari pero yun nga po kailangan move forward tayo, e.
“Walang mangyayari kung magdu-dwell tayo ka sa sama ng loob."
Eksklusibong nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kathy sa presscon ng bago nitong show na Me and My Town noong August 8.
NEW SHOW
Sa darating na Linggo, August 12, 9:30 a.m., mapapanood muli sa telebisyon si Kathy sa pamamagitan ng blocktimer show nila sa GMA News TV, ang Me and My Town.
Ano ba ang konsepto ng show?
Paliwanag niya, “Me and My Town is a travel magazine show, but what makes it different from other television shows that came out is because we feature the Philippines one town at a time.
“So, mas may time tayong makilala yung kultura, yung mga tourist spots, and pati yung mga locals nung town na yun.”
Ang pagtuklas sa bayan ng Imus sa Cavite ang mapapanood sa pilot episode.