Bumilib si Alden Richards sa walong taong gulang na batang si Niño Dayon na taga- Negros Occidental.
Ipinanganak siyang walang mga kamay pero sa kabila nito, siya ay pumapasok sa eskuwelahan, tumutulong sa mga gawaing bahay tulad ng paghuhugas ng pinggan at paglilinis ng bahay, at mahusay si Niño sa pagkakarpintero.
Ang paborito niyang gamit ay martilyo.
Dahil hindi siya kayang ibili ng mga magulang niya ng mga laruan, si Niño mismo ang gumawa ng kanyang mga laruang trak at sasakyan.
Pangarap niya na maging isang engineer.
Ang isa pa niyang pangarap ay makita nang personal ang kanyang paboritong superhero na si Hammerman na ginagampanan ni Alden sa GMA-7 prime-time series na Victor Magtanggol.
Sa pamamagitan ng programang Kapuso Mo, Jessica Soho (na ipinalabas noong Linggo, August 26) ay nakilala ng personal ni Niño si Alden at binigyan rin ni Alden ang bata ng replica ng martilyo ni Hammerman.
Nagregalo rin si Alden kay Niño ng isang customized chair na pwede niyang gamitin.
At ang pinakamagandang iniregalo ni Alden kay Niño? Nangako si Alden na pag-aaralin niya ang bata hanggang makatapos ng college!
"Sasagutin ko na po yung pag-aaral niya po hanggang college. Hindi na po kayo mamomroblema sa pag-aaral ni Niño, Ma'am. Ako na pong bahala," sabi ng Kapuso actor.
Tunay ngang hindi lamang sa telebisyon superhero si Alden kundi maging sa tunay na buhay.