Sa Victor Magtanggol ay palaging magkaeksena sina Andrea Torres (bilang goddess na si Sif) at Alden Richards (bilang Victor Magtanggol at Hammerman).
At sa madalas at matagal na pagsasama nila sa taping ng naturang GMA fantaserye ay may mga napatunayan at nadiskubre pa si Andrea tungkol kay Alden.
Lahad niya, “Siguro napatunayan ko talaga kung gaano siya kabait.
“Sobrang bait talaga, e!
“Kasi kahit na 3:00 a.m. ganun pa rin, e.
“Hindi ka talaga makakakita ng simangot or reklamo.
“Tsaka dun ko nakita yung secret niya kung bakit ang daming nagmamahal sa kanya on- and off-cam.”
Ano ang sekretong iyon ni Alden?
Sabi niya, “Ano siya, team player siya. Parang wala siyang pinipiling tao.
“Pinapakisamahan niya ang lahat nang pantay-pantay, parang barkada niya lahat, ganun.”
Sa nakikita ni Andrea, para raw kay Alden, walang taong mababa o mataas, walang maliit o malaki.
Dagdag niya, “Oo, lahat talaga, lahat kinakausap niya, lahat nakikipagkuwentuhan siya, ganun.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertaiment Portal) si Andrea sa taping ng Victor Magtanggol noong October 17 sa Sta. Ana Elementary School.
Alam na ba ni Andrea kung hanggang kailan eere ang Victor Magtanggol?
Pag-amin niya, “Hindi pa nga, e.”
Paano kung ma-extend sila?
Dasal niya, “Sana, sana. Ang gaan dito sa set, e.
“Tsaka na-attach na din ako sa role ko, na-attach na rin ako.”
TEAMWORK
Tinanong naman namin ang Kapuso actress kung ano ang pinakaimportanteng aral na natutunan niya sa pagiging parte niya ng Victor Magtanggol.
Sagot niya, “Biggest lesson? Siguro ano, feeling ko dito na-highlight yung teamwork talaga, e.
“Pag magaan lahat sa paligid mo, and may effort ka rin gawing magaan lahat for you, susunud-sunod na lahat, e.
“Na-enjoy ko siya talaga, sobra.”
NETWORK TRANSFER CONTROVERSY
Kontrobersyal ang isyu ng lipatan ng mga artista sa mga TV networks.
Ano ang opinyon ni Andrea tungkol dito?
“Ako nakikita ko naman na kahit na… like kunwari, si Ms. Iza [Calzado, former Kapuso], nakikita ko friends pa rin sila nila Ms. Lilybeth [Rasonable, lady boss sa GMA].
“Nakikita ko, nakakahalubilo pa rin nila ang isa’t isa.
“Feeling ko ano naman yun, siguro may…
“I’m sure naman lahat naman tayo parang naa-attach sa… lalo na kung matagal ka na dun sa network tsaka sa mga katrabaho mo.
“Maa-attach ka talaga, pero I’m sure may reason silang valid para gawin yun.”
Trabaho ang kalimitang dahilan.
“Oo, ang important naman maganda pa rin yung samahan nila, ng mga nakatrabaho nila 'tsaka ng mga boss, most especially,” pahabol niya.
DREAM PROJECT
Samantala, dream project ni Andrea na makagawa ng love story.
“Alam mo yung mga love story na parang sa Hollywood.
“Kunwari, 500 Days of Summer.
“Yung umiikot sa kanilang dalawa, or The Vow, or The Notebook, yung mga ganun.
“Gusto ko yung ganun, yung romantic movie talaga.”
Hindi pa raw nakagawa ng ganoong genre si Andrea.
At kung sakali, si Dennis Trillo ang nais maging leading man ng aktres.