Malaki ang utang na loob ni Coco Martin sa Philippine National Police (PNP) kung kaya gusto niyang maayos ang reklamo ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde tungkol sa Ang Probinsyano.
Ayon kay Albayalde, may "bad impression" ang mga manonood tungkol sa mga pulis dahil ginawang kontrabida ang PNP chief sa naturang ABS-CBN prime-time series.
Ani Coco, "Sabi ko nga sa simula't simula, sila ang gumabay at sumuporta sa amin sa pagbuo ng Probinsyano.
"Nagkataon lang na hindi nagkaroon ng pag-uusap, lalo ngayon na tumatakbo nang tatlong taong mahigit ang Probinsyano.
"Siyempre, bawat character, bawat kuwento nag-iiba-iba. Ngayon, nagkataon lang na bumaligtad ang kuwento.
"Mahaba pa ang proseso, mahaba pa kasi ang lalakbayin ng kuwento."
Dahil sa controversial issue na ito, humingi ng dispensa si Coco na siyang bida at creative consultant ng Ang Probinsyano.
"Siguro dahil bago ang PNP chief natin...nauunawaan naman natin sila kaya ako mismo humihingi ng paumanhin sa nangyayari ngayon.
"Sana magkaroon kami ng pagkakataon na makipag-usap para maayos ang lahat ng ito."
Dumalo si Coco sa advanced screening ng Glorious na pinagbibidahan nina Angel Aquino at Tony Labrusca. Ginanap ito kagabi, November 15, sa Santolan Town Plaza sa San Juan.
Ang Glorious ay original digital movie production ng Dreamscape Digital para sa streaming site ng ABS-CBN na iWant.
Si Angel ay co-star ni Coco sa Kapamilya prime-time series na Ang Probinsyano.
Nang tanungin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung magbabago sila ng istorya dahil sa reklamo ng PNP, sagot ni Coco:
"Hindi naman. Siyempre, kailangan pa naming pag-usapan iyon.
"Honestly, hindi naman siya ngayon lang nangyari. Sabi ko nga, kuwento siya.
"Ayoko na sana siya palalimin pa, pero sa ikatatahimik at ikakaayos ng lahat, sana makapag-usap at maayos ang mga bagay na hindi pinagkakaunawaan.
"Sobra ang respeto ko sa kanila, sa ating mga kapulisan at lalong lalo na sa ating bagong PNP chief."
Negative nga ba ang impression na ibinibigay ng Ang Probinsyano sa mga pulis?
"Kung titingnan natin ang pinapalabas namin ngayon, maaaring ganun ang tingin nila pero kung papanoorin nila ang kabuuan ng Probinsyano, malayo na ang tinakbo.
"Unang-una, hindi lang naman ang karakter ni Soliman Cruz ang PNP chief.
"Si Eddie Gutierrez ang una diyan. Isa siyang maayos at matinong pulis. Tapos si Tito Jaime Fabregas, si General Borja.
"Kumbaga, pinapakita naman natin ang both sides. Mayroong masasama, pero mayroon ring mabubuting mga pulis."
COMPETITION WITH NEW GMA-7 SERIES
Kinakabahan ba si Coco na may bagong prime-time series ang GMA-7? Ito ang action series na Cain at Abel na pinagbibidahan nina Dingdong Dantes at Dennis Trillo.
Ani Coco, "Hindi ko actually iniisip yung mga...
"Sa akin kasi trabaho namin ito pare-pareho. Hindi ko siya tinitingnan na, 'Uy, may bagong show.' Sa haba na namin, hindi na yun ang...
"Ang gusto naming focus ay yung mabigyan ng magandang kuwento ang mga manonood at mabigyan ng moral values ang mga ginagawa natin.
"Alam naman namin ang responsibilidad namin sa teleseryeng ginagawa namin."