Binawi na ng Philippine National Police (PNP) ang suporta at assistance nito para sa ABS-CBN primetime series na FPJ's Ang Probinsyano.
Sa pamamagitan ng isang memorandum na inilabas noong Biyernes, November 16, inatasan ang lahat ng units, offices, at personnel ng PNP na ihinto na ang pagbibigay ng assistance at resources para sa produksiyon ng teleseryeng pinagbibidahan ni Coco Martin.
Ito ay matapos ipahayag ni PNP chief Director General Oscar Albayalde ang pagkadismaya sa portrayal ng FPJ's Ang Probinsyano sa ibang kapulisan, dahilan upang mabigyan ng "bad impression" ang mga pulis sa mata ng mga manonood.
Ayon kay Police Community Relations Director Eduardo Garado, "All units, offices, and personnel are advised to immediately refrain from assisting, to withdraw their support to the production of the said teleserye in terms of PNP resources like patrol cars, firearms, personnel, venues, and other items and gadgets being used in the teleserye."
Nakasaad din sa memo na nagkaroon na ng pag-uusap ang Police Community Relations Group (PCRG), Movie Television Review and Classification Board (MTRCB), at ang produksiyon ng FPJ's Ang Probinsyano noong October 17 at 23, 2018.
Dito raw ay ipinangako ng produksiyon "to make the necessary corrections on the issues raised by the PNP in a week's time."
Diumano, dalawang linggo na ang nakakalipas pero wala pa ring "visible correction" na nagagawa ang palabas.
Sa halip ay tuluy-tuloy pa rin daw ang "daily wrong portrayal of PNP officers as corrupt and ineffective."
Nakalagay rin sa memo na nirerespeto ng PNP ang "freedom of expression" ng mga manunulat at movie makers, pero may limitasyon din daw ito.
Mayroon din daw dapat "need to correct the situation" dahil nagkakaroon na ng "wrong perception" ang publiko sa mga pulis, bunsod ng "unfair portrayal" ng FPJ's Ang Probinsyano sa kanila.
Sabi pa ni Gerado, "While our PNP legal officers are studying our legal options, there is a need to immediately withdraw the PNP's assistance, if there is any, in the production of the teleserye."
Samantala, nauna nang sinabi ng ABS-CBN—sa pamamagitan ng isang official statement—na lahat ng nakikita sa palabas, maging ang mga karakter at pangyayari rito, ay "purely fictitious," na nakasaad din sa disclaimer na nakikita sa palabas.
Humingi na rin ng paumanhin sa PNP ang bida, creative consultant, at isa sa mga direktor ng FPJ's Ang Probinsyano na si Coco Martin.
Sinabi naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Biyernes na tinitingnan nito ang posibilidad na mag-file ng charges laban sa teleserye kapag nagpagtuloy pa ang "grossly unfair and inaccurate portrayal of our police force."