Nabibigyan ngayon ng pagkakataon ang TV5 star-turned-GMA-7 talent na si Sophie Albert na gumawa ng iba’t-ibang karakter na malayo sa dati niyang ginagawa.
Isa na rito ang ang karakter niya sa bagong pelikula ng Regal Films, ang Recipe For Love na pinapalabas na sa mga sinehan.
Ayon kay Sophie, “First time ko ngang mag-kontrabida so magandang exercise ang movie na ‘to. First time kong mag-try ng medyo mataray, medyo palaban. So medyo tinuturuan ako ng movie na ‘to for Pamilya Roces din.”
Sa GMA-7 primetime series niya na Pamilya Roces, masasabi talagang isa siya sa pinaka-napapansin at napag-uusapan dahil sa kanyang wacky character.
“Nakakatuwa,” masayang sabi niya.
“Kasi in the beginning, sobrang kabado ko rito sa role na ‘to. Kasi una, it’s very daring. Pangalawa, medyo may pagka-comedy siya. And never pa kong nagdu-do ng anything comedy.
“Dati sa TV5, naglo-Lokomoko na kami pero hindi naman kami nabibigyan ng lines doon. Patawid-tawid lang kami ro’n kaya wala talaga kong experience.”
Ngayon lang daw sa Pamilya Roces niya napatunayan na may talento pala siya sa pagpapatawa.
“Nakakatuwa naman na natatawa pala sila sa akin,” lahad niya.
“Ang sarap ng feeling na hindi ko naman tina-try na magpatawa, nagiging nakakatawa naman pala siya so ang saya.”
Naging kumportable rin daw siya agad na ka-trabaho si Rocco Nacino.
Sabi ni Sophie, “Una pa lang parang na-feel ko na kasi may scene na agad kami na kissing scene na medyo intense.
“Ang maganda kay Rocco since first time ko siyang na-meet, naggawa talaga siya ng effort na kausapin ako na, 'O, hi! Ano ang atake mo rito sa ano?'
"Parang kinausap niya ko sa scene. Because of that, naging comfortable ako sa kanya.”
Sobrang dami na ang mga kissing scenes na ginawa nila ni Rocco.
“Ang dami, sobrang dami!” natawang sabi niya.
“Siyempre in the beginning, may ilang kasi first time ko pa siyang na-meet noong araw na yun. Pero naitawid naman. Natuwa naman si Direk.”
Natutuwa rin siya na para siyang nagsisimulang muli at sa Kapuso Network siya nabibigyan ng pagkakataon na mapansin talaga.
“Yun nga po at nakakatuwa kasi yung role hindi naman para sa akin pero naisip nila akong ilagay sa role na yun even without showing myself as a comedic actress.
“Kaya talagang feeling ko sumugal sila sa akin.”
Nakikita ba niyang magtutuloy-tuloy na siya sa mga ganitong karakter?
“Well, sana po paiba-iba kasi, di ba, ang sarap din ng feeling na fresh palagi ang ginagawa mo. Like this one, feeling ko natuwa ang mga tao kasi hindi pa nila nakikita yung side ko na nakakatawa.
“Mostly, parang kawawa siya, ganyan.
“So parang may gulat factor.
“Gusto ko rin sana na tuloy-tuloy to do things that are unconventional or more challenging para naman maiba.”
Natutuwa rin siya sa mga mixed comments na nababasa niya mula sa netizens.
Sabi ni Sophie, “Kasi may natutuwa, pero may mga naiinis! Naiinis sila kasi inaapi ko ang idolo nila, si Carla Abellana, so naiinis sila sa akin.
“Pero nakakatuwa rin kasi tawang-tawa sila sa mga linya, sa mga ginagawa kong kalokohan.”
Gayundin daw ang pamilya niya dahil ngayon ay pinapanood na siya.
“Ang mommy ko, first time niyang sinabi na, 'natutuwa talaga ko sa ‘yo, natatawa ko.' Kasi usually, very critical ang mom ko. Palagi siyang dapat ganito ang ginawa mo, dapat ganyan.
“Pero first time na natutuwa siya at gabi-gabi talaga niyang pinapanood, pati ang mga kapatid ko. E, paminsan-minsan lang dumadaan sa mga Filipino channels ang mga TV nila. Ginagamit na nila ang cable nila para mapanood ang Pamilya Roces. Nakakatuwa sa pakiramdam.”
Simula nang magkabalikan sila ng boyfriend niya na si Vin Abrenica, pareho silang nagkakaintindihan pagdating sa mga priorities nila.
“I think same lang naman. Yun lang naman, time lang naman to focus on what we really need to focus,” saad niya.
Ang naging realization naman daw niya ay hindi sa kung ano ang relasyon nila kung hindi sila mismo sa sarili niya.
Ayon kay Sophie, “Hindi talaga siya in terms of relationship, it’s more for ourselves. Like me, we both have time to focus on our work and maganda naman yung nangyari dahil nagkaroon kami ng respective naming trabaho because we’re able to give time to ourselves.”
Kahit na may mga kissing scenes siya ngayon, hindi raw niya ito kailangang ikonsulta o ipagpaalam pa sa boyfriend.
Ayon kay Sophie, “Wala talaga kaming paalam-paalam. Wala kaming ano when it’s regards to work. Work is work.”

Kamakailan ay nag-post si Sophie ng throwback picture niya noong bata siya habang nasa Hacienda Luisita.
Ang caption niya dito: “This is my happiest place on earth. Brought me back to so many fun childhood memories!? I wish I had more baby pics!!”
Marami pa rin ang hindi nakakaalam na isa siyang Cojuangco.
“Actually, kaya ang name ko also is very far from my ano... I really chose my name Sophie Albert from my father side. It’s also to steer away from ganun.”
Pakiramdam ba niya magiging negatibo kung maa-associate siya talaga bilang isang Cojuangco?
“No, nothing negative naman,” saad niya.
“For my sake lang na gusto kong makarating kung saan ko kayang makarating on my own without making sabit with anybody’s name. Kasi siyempre, gusto ko na sa effort ko manggaling kung ano man ang naibibigay sa aking blessing.”
In real life, tiyahin ni Sophie sina Kris Aquino at Mikee Cojuangco.
Sa nakaraang interview kay Sophie, pinaliwanag niya kung paano naging Cojuangco ang daddy niya:
“Yung mom ng daddy ko, yung lola ko po, sister siya ni the late President Cory Aquino.
“So, magkapatid ang mommy ng dad ko at si President Cory po.”