Sa darating na December 7 ay lilipad papuntang Singapore si Kyline Alcantara upang dumalo sa kauna-unahang Asian Academy Creative Awards Night, na gaganapin sa historic Capitol Theatre.
Sa gabing iyon ia-announce kung sino ang mananalo sa iba’t ibang kategorya.
Si Kyline ay finalist sa Best Actress in A Supporting Role category para sa pagganap niya sa Kapuso teleserye na Kambal, Karibal.
Makakalaban niya rito ang ilang mga aktres mula sa iba’t ibang rehiyon ng Asia.
Nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kyline sa kanyang out-of-town show sa Pampanga noong Linggo, November 25, hindi niya maitago ang sobrang excitement sa kanyang paglipad at pagdalo sa nasabing awards night.
Bulalas ng 16-year-old Kapuso actress na halos mapasigaw na, “Kinakabahan po ako. Kinakabahan ako!
“Like, hindi lang yung kapwa Pilipino ko ang makakalaban ko, kumbaga, international.
“Kumbaga, iba rin yung skills ng mga taga-ibang bansa.
“Iniidolo ko rin sila kasi, like, iba rin sila mag-delve into the character, into their characters.
"Iba sila, iba yung training nila."
Bukod sa pagdalo sa awards night, ang isa pang nakaka-excite kay Kyline ay dahil ito ang kauna-unahang biyahe niya sa ibang bansa.
Aniya, “Yes po, first trip ko po abroad. First trip ko ‘to!
“As in, never pa akong nakakapag-out of the country, kaya pupunta talaga ako sa Universal Studios.
“I like extreme rides. Grabe kasi talaga ang adrenaline rush ko, kaya gusto talagang lahat ay sakyan.
“Yeah, I’m excited.”
KYLINE'S AWARDS
Sa taong ito, sunud-sunod ang naging awards ni Kyline.
Nanalo siya sa PMPC Star Awards for Television bilang Best Drama Supporting Actress of the Year, at bilang Best New Female Recording Artist of the Year sa PMPC Star Awards for Music.
Tinanggap din niya ang tropeyo bilang Most Promising Female Star for TV ng ALTA Media Icon Awards.
Nominated din siya sa darating na Aliw Awards sa kategoryang Best New Female Artist.
Sa tingin ba niya, katuparan na ito ng kanyang pangarap kung saan siya ay nagsimula bilang child star sa ABS-CBN teleserye na Annaliza?
Saad ng tinaguriang La Nueva Kontrabida, “Opo, pero katulad po ng nasabi ko, wala naman akong specific na... basta yung maging successful ako, yung happiness ko at ng pamilya ko.
“Sa totoo lang po, nagugulat din nga po ako kasi parang... basta nag-audition po ako sa Kambal, Karibal na wala akong ibang expectations kundi ang magkaroon ng work.
“'Tapos heto na nga ako. Super thankful talaga po ako siyempre sa Itaas, sa sunflowers ko [her fans], at sa lahat ng tumutulong sa akin.
"Siyempre po sa GMA-7 for giving me another chance sa aking career ko. Yun po.”
Dahil sa magagandang opportunities na ito na dumarating sa kanya, kinaiinggitan na raw siya ng ibang Kapuso stars.
Ano ang masasabi niya rito?
Ani Kyline, “Naku po! Sana po wala.
“Kasi, ginagawa ko lang naman po ang yung trabaho ko. Ginagawa ko lang naman po yung passion ko, kung ano yung mahal ko.
“Sana po wala talaga. Negative po yun, e. Ayoko po!
“Kung anuman yung opportunities na dumarating sa akin, siguro po alam niyo naman ang pinagdaanan ko, yung paghihirap po before.
“I’m sure naman po, ganun din naman ang mangyayari sa iba.
"As long as wer’re all working hard, darating at darating po talaga yung chances na ‘yan.
“Sabi ko nga lagi, 'Always attract positivity.' I-spread po natin ‘yan kasi, yun naman po talaga ang dapat.”