Ang isa sa mga bagong teleserye ng GMA-7 ay ang Inagaw Na Bituin.
Kung pagbabasehan ang kuwento, parang naaalala namin dito ang mga pelikula noong araw tulad ng Bituing Walang Ningning at Sana’y Wala Nang Wakas.
Nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang isa sa mga bida ng serye na si Sunshine Dizon bago mag-Bagong Taon sa taping ng Inagaw Na Bituin sa Kamuning, Quezon City, hindi naman niya itinanggi ang posibilidad.
“Siguro it’s safe to say na medyo peg,” saad niya.
“And I think, it was written like komiks naman. So parang in the line of...”
Bukod sa batch nina Sunshine, Angelika dela Cruz, Angelu de Leon, Marvin Agustin at Gabby Eigenmann, pinagbibidahan din ang Inagaw Na Bituin ng mga Kapuso young stars na sina Therese Malvar at Kyline Alcantara.
Anak daw ni Sunshine rito si Kyline kay Marvin.
Si Therese naman ay anak ni Angelika.
Natatawang kuwento pa ni Sunshine, “Sabi nga ni Direk Mark Reyes parang all the decades of his life raw ito—the T.G.I.S. one, the second, to Encantadia to Pintados.”
Pero kung may kapansin-pansin sa cast, pinagsama-sama ang mga artista ng Kapuso network na pinagkakatiwalaan talaga pagdating sa pag-arte.
“Oo naman, hindi naman matatawaran ang cast.
“Interesting siya in a way.
“Well, the story is not new.
“We heard the story, we’ve seen the story like this, pero siguro ang bago lang dito, ano ba?
“Ako! Kakanta ko rito,” natawang sabi niya.
Totoong mga boses daw nila ang gagamitin at posibleng mga orihinal na kanta ang gagamitin nila.
POSSIBLE PRIMETIME BET?
Sa laki ng cast at kuwento, parang puwedeng maging pang-primetime slot na ng GMA-7 ang bago nilang serye.
Lahad niya, “Well, parang it has been the trend na sa afternoon talaga, pinapabongga na parang pareho na lang siya with the evening.”
Nag-reyna na si Sunshine sa afternoon slot nang hindi halos mapantayan sa taas ng ratings ang dati niyang serye na Ika-6 Na Utos.
NO PRESSURE
Kaya tinanong namin siya kung kasama ba sa challenge sa kanya na magawa muli ang ganung kataas na rating sa Inagaw Na Bituin.
“Ayokong masyadong pine-pressure ang sarili ko,” mabilis niyang sagot.
“Basta ako, sure lang naman ako na maganda ang story at saka ngayon actually, it’s very unpredictable.
“Hindi mo naman na puwedeng i-claim na spot mo yun or what kasi napaka-unpredictable ng mga tao ngayon.
“Minsan, gusto nilang panoorin dahil dun sa artista.
“Minsan naman kahit gusto nila ang artista, kung ayaw nila ng story, hindi nila panonoorin.
“It’s very unpredictable.
“Siguro, the challenge is how you will engage them story-wise, lalo na yung mga oras na sume-siesta sila or marami silang ginagawa sa bahay.
“Pero ako naman, panatag naman ang kalooban ko.
“I mean, Direk Mark naman has made his mark in the afternoon slot and with God’s grace, I made my mark din naman in the afternoon din.
“I think, the story naman has the captured audience.
“At yung dalawang bagets naman, magaling din.”
GOOD START FOR 2019
Sinalubong ni Sunshine ang 2019 sa Bali, Indonesia kasama ang dalawa niyang anak na sina Doreen at Anton.
Masasabi raw niyang naging maganda naman ang taong 2018 para sa kanya.
Saad niya, “Oo naman, happy kami.
“Parang lahat naman kami busy.
“Happy si Perry [Lansigan, manager niya sa PPL Entertainment, Inc],” natawang sabi niya.
“Katatapos lang din namin yung Sangre Productions, yung project namin for iflix and we’re on editing na.
“Super happy naman.”
Sabi pa niya, “Ito naman kasi, this is really work for me.
“This is my normal job pero yung sa production side naman namin ng Sangre, nag-e-enjoy naman kaming apat and sobrang tutok din naman kami.”
Ang Sangre Productions ay binubuo ng mga kaibigan niyang artistang gumanap bilang apat na orihinal na Sangre ng fantaseryeng Encantadia ng GMA-7.
Kabilang dito sina Karylle, Iza Calzado at Diana Zubiri.