Epektibong kontrabida ang GMA-7 star na si Kate Valdez, na napapanood ngayon sa teleseryeng Onanay.
Ngunit kahit na kinakikitaan siya ng husay ngayon sa pagiging kontrabida, tahasang sinasabi ni Kate na gusto niyang gumawa pa ng ibang karakter.
“Gusto ko pa rin po, ayokong ma-stuck ako na kontrabida. Gusto kong makita nila ko sa iba rin po,” pahayag ni Kate nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kamakailan lang sa taping ng Onanay.
Tanong namin sa kanya, paano kung kontrabida muli ang susunod niyang serye?
“Wait lang po, pag-isipan ko muna po,” natawang sabi niya.
Pero inamin ni Kate na nag-aalala rin daw siya na ma-typecast na lang siya sa mga kontrabida roles kahit matapos na ang Onanay.
“May part din po sa akin na natatakot ako. Kasi, nakakatanggap din po ako ng mga message, yung mga viewers.”
Naba-bash ba siya dahil sa pagganap niya bilang Natalie?
“Actually, to be honest, opo. Yung pangba-bash nila, siguro nadadala sila sa character kaya sila nagagalit sa akin. Kaya sila nagme-message. Pero may part din sa akin noong mga una akong nakakatanggap, na-i-stress ako.
“Opo, na-i-stress ako,” pag-amin niya.
“Parang ako po, bakit sila ganun? Bakit sila nagagalit sa akin? I’m just doing it for work.”
Kabilang sa pambabash na natatanggap ni Kate ay mga mensaheng sinasabihan siyang salbahe, at may kasama pang mura.
“Ayoko na lang pong banggitin ang word, basta yung toot!”
Halatang natuwa rin naman ito nang sabihan na epektibo kasi ang pag-arte niya kaya may mga nagagalit sa kanya.
CONFRONTATION SCENES
May nangyari rin sa kanila ni Mikee Quintos, kunsaan nasaktan daw niya ito nang todo nang sampalin niya. Umabot daw hanggang sa tainga ni Mikee ang sakit.
Nagkaiyakan daw sila kahit tapos na ang eksena.
Pag-amin ni Kate, “Opo, kasi po yung pagkasampal ko sa kanya, pati kamay ko namanhid. Sobrang bigat din nung eksena na yun.”
May mga matitinding pisikalan pa rin sila?
“Opo, siyempre, kinausap po kami after nung eksena. Iyak-iyak, sorry. Pero kinausap din po kami na wala pa ‘yan. Marami pa kayong away. So kami, naging aware na rin po.”
Mas naging maingat na lang daw silang pareho kapag may sakitan na ang eksena nila.
“Nag-usap na lang po kami,” sabi niya.
“Kasi, nung kinunan namin yun, wala talaga kaming alam. Ang alam lang namin, kailangan naming totohanin. Noong nangyari yun, everything happens for a reason.
“Doon kami natuto na kailangan, alalay lang pala talaga. First time po kasi naming magkaroon ng ganung eksena na away talaga. Ngayon naman po, medyo alalay na. Tinginan lang, alam na namin.”
Nagkatampuhan daw sila pagkatapos?
“Never, never,” tanggi niya.
“Nakakatawa nga po kasi, may mga fans na nagagalit. Hindi nila alam, okay lang kami off-cam.”
CHOICE FOR LEADING MAN
Nakapasok sa showbiz si Kate na hindi dumaan sa kahit anong reality show. Nag-VTR lang daw siya sa GMA Artist Center hanggang sa makuha na nga siya at ma-cast sa ilang serye ng GMA-7 at unang malaking break niya ang Encantadia.
Pero sa mga roles na nakukuha niya, puwedeng sabihin na daig pa niya ang mga nanalo sa mga pa-contest tulad ng StarStruck, at naikukumpara rin siya kay Klea Pineda.
“Siguro po, kanya-kanyang pagkakataon lang. And yung hinanap na character, nag-fit po sa akin."
Dugtong pa niya, “Lahat naman po, may opportunity na ibinibigay.”
Ang bagong Kapuso star na si Manolo Pedrosa naman ang binanggit ni Kate na gusto niyang maging leading man kung siya ang papapiliin.
“Kasi siya talaga yung nagsabi na gusto niya akong maka-work. Kaya sabi ko, why not? Let’s give it a chance.”
Sabi pa ni Kate, “Mabait naman siya.”