Nagte-taping na ngayon si Judy Ann Santos para sa Starla, isang upcoming teleserye sa ABS-CBN. Iisa ang tanong ng marami: kailan siya magbabalik-telebisyon?
“Sabi naman nila this year. Sure naman ako this year, ayoko namang magdikta ng buwan, kasi anything can happen, anything can change with ABS-CBN.
“Kung ano yung feel na puwedeng ikasa, yun yung ikakasa."
Dagdag pa niya, “Ako happy lang ako na nakakapag-ipon kami ng episodes, nagagawa nang maayos yung editing, yung graphics, lahat.
"Kumbaga napupulido, so sana ma-maintain namin yung ganung klaseng presentation ng teleserye, hanggang maipalabas, hanggang maitapos.”
BACK TO THE TELESERYE GRIND
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Juday, palayaw ni Judy Ann, sa shoot ng Season 11 ng kanyang online cooking show na Judy Ann’s Kitchen, sa San Juan, Batangas, noong February 1.
Dito ay nagkuwento ang aktres tungkol sa kanilang set life sa Starla.
“Masaya, masaya, nakikita mo naman kung gaano tayo kakumportable sa set, it’s always nice to work with people that you’ve worked with before, and new people na ngayon mo lang din nakasama.
“Ang tagal kong hindi nag-teleserye, so nung unang sabak medyo nanibago ako na may regular schedule ako ng taping ng teleserye. Dati kasi walang bakante, alam mo 'yan, nagtatapos yung isa, nagpa-pilot yung isa.
“So ngayon after five years, ang dami nang bago. Para nga akong sirang plaka na paulit-ulit na pagsasabi na iba na yung mga ilaw, maninipis na yung mga ilaw, hindi na sila mainit. Yung mga camera iba na din, maliliit na sila and lipat-lipat na yung… parang pelikula na yung paggawa talaga sa kanya."
Patuloy pa ni Juday, “So dun medyo nag-adjust ako sa phase na yun, kasi ang alam ko dati pag-teleserye pik-pak lang lahat, isang tuhugan, puwede mong ituhog-tuhog lahat ng eksena kasi nga isang camera set-up, palit ka na ng costume sa set, mabilis kaming natatapos.
“Ngayon lang mas organized, it’s my first time to work with Direk Onat [Diaz], my first time to be directed by Direk Darnel [Villaflor]."
Kuwento ni Juday, si Direk Darnel ay dati niyang production assistant, at naging production manager at executive producer din ng mga nakaraang shows niya.
"Kumbaga nakita ko yung pag-akyat niya, yung pag-transition niya from one position to another."
SUPPORTIVE STAFF & CREW
Pinaliwanag din ni Juday kung ano ang importante sa kanya tuwing gumagawa ng teleserye.
“Sa bawat teleserye na ginagawa ko, dinadasal ko palagi na I’d be blessed with a good staff, with a good cast, kasi dun ka bubuo ng bonding, e. Dun ka bubuo ng pamilya with them, dun ka kukuha ng rapport.
"Ang hirap magtrabaho ng isang project na may kinabubuwisitan ka, na mabigat ang dugo mo, especially pag bagong teleserye kagaya nung sa akin, ang dami kong kapa na ginagawa."
Inilahad din ni Juday ang pagkakaiba ng role niya ngayon sa Starla, kumpara sa mga dati niyang teleserye.
“First taping day namin sobra kong na-appreciate lahat ng pag-suporta ni Direk Onat sa akin, talagang sinusuportahan niya ako along the way, ginagabayan niya ako sa character ko.
“Kasi first time na ganito ang role ko, akala ko nung una petiks lang, e, yung medyo kakaibang role… 'Day, hindi!
“Umuuwi ako may stiff neck ako lagi. Nung mga first three weeks ng taping, lagi akong may stiff neck, kasi tigas ng leeg mo, hindi ka puwedeng masyadong tawa nang tawa. Hindi ka puwedeng mag-punch line, basically wala kang puwedeng i-adlib masyado dun sa character, kasi masyado ngang strong yung character ko.
“Na-e-enjoy ko naman, kasi iba, ibang-iba siya, parang it’s a nice comeback na at least hindi ito yung api-api. Ang dami lang effort kasi abogado, mayaman, naka-make-up lagi, naka-blower lagi.”
First time ni Judy Ann ang papel niya sa Starla na sa ngayon ay hindi pa puwedeng i-reveal ang kabuuang detalye.
"Oo, may naging ganito akong role sa Basta’t Kasama Kita, attorney din ako, naka-awra din ako dun. Pero wala akong glam team, hindi pa naman uso ang glam team before, kanya-kanya na yun.”
Dugtong niya, “Ito talagang sopistikada na mataray na shala-shala, lahat na ng hindi ko naisip na magagawa ko andito siya, so may pressure ng slight, may kaba ng bonggang-bongga.
“Kasi hindi ko alam kung paano siya tatanggapin ng mga tao. But then again, inisip ko nakakaloka forty na ako, kailangan ko pa ba itong isipin? Basta ine-enjoy ko na lang yung ride, kasi maganda yung premise nung soap, e. May aral, may values para sa mga viewers, hindi lang para sa mga bata, sa pangkalahatan.”
At pinaghahandaan talaga ito ng ABS-CBN at talagang binubusisi.
“Oo, yun yung nakaka-ano naman, in fairness naman sa ABS, wala naman silang teleseryeng hindi nila pinagtuunan ng pansin at pinagtuunan ng gastos,” kuwento pa ni Judy Ann.