Carla Abellana teams up anew with Dennis Trillo in her next project


"Pareho silang mahusay umarte. Si Dennis, tahimik lang, at alam ko, marami siyang pinaghuhugutan ng emotions niya. Si Geoff, makulit, hindi lang sa akin kundi sa staff and crew na rin," says Carla Abellana about leading men Geoff Eigenmann and Dennis Trillo.


Intriga agad ang isinalubong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press kay Carla Abellana sa set visit ng Basahang Ginto noong August 25 sa Victoria Place sa Potrero, Malabon.

May nasulat kasing inisnab daw niya ang isang fan na tumawag sa kanya ng "Orang" (ang character na ginagampanan niya sa afternoon soap ng GMA-7), sa premiere night ng pelikulang Mamarazzi, noong Linggo, August 22, sa Cinema 9 ng SM Megamall.

"Hindi naman po ’yon totoo," natatawang tanggi ni Carla. "Ang dami pong tumawag sa akin ng ’Orang’ kaya naman nginitian ko sila at kumaway pa ako sa kanila."

Nang datnan namin si Carla sa taping ng Basahang Ginto ay kaeksena niya si Aiko Melendez, na gumaganap bilang tunay niyang ina sa serye. How is it working with Aiko?

"First time ko lang pong makakatrabaho si Ms. Aiko, pero sabi ng staff, hindi pa rin daw nagbabago ang husay niya sa pag-arte. At nakikita ko naman, mahusay siya talagang umarte. Kaya kapag kaeksena ko na siya, lalo kong pinagbubuti ang ginagawa ko," sagot ng 24-year-old actress.

Marami ang nakakapansin sa husay na ipinapakita ni Carla sa Basahang Ginto. Ito ba ay dahil inspired siya sa mataas na ratings ng kanilang Sine Novela?

"I wasn’t thinking of ratings, ang iniisip ko lagi ang sarili ko," sabi niya. "Ayaw kong masayang ang mga itinuturo sa akin ni Direk Joel [Lamangan], ayaw kong masayang ang sigaw niya sa akin para ako matuto. Tinupad niya ang sinabi niya sa akin noong una kaming magsama dito—na magtiwala ako sa kanya at gagawin niya akong mahusay na artista."

GOODBYE GEOFF, HELLO DENNIS. Ano ang naramdaman ni Carla na pagkatapos ng apat na projects (Rosalinda, Carinderia Queen, The Last Prince, at Basahang Ginto) ay paghihiwalayin na sila ng ka-love team niyang si Geoff Eigenmann?

"Sad po kami ni Geoff," sagot niya. "Pero nandito rin naman ang opportunity namin to work outside the love team, chance to work well without each other."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Dennis Trillo ang bagong leading man ni Carla sa project na isusunod niya sa Basahang Ginto. Una silang nagkasama bilang co-hosts sa reality-based artista search na StarStruck V, at nasundan ito sa "Last Romance" episode ng Lovebug. Magkasama rin sila sa TV commercial para sa isang sikat na coffee brand.

Paano niya ikukumpara sina Geoff at Dennis bilang leading men?

"Pareho silang mahusay umarte. Si Dennis, tahimik lang, at alam ko, marami siyang pinaghuhugutan ng emotions niya. Si Geoff, makulit, hindi lang sa akin kundi sa staff and crew na rin," sabi ni Carla.

Si Geoff ay magsisimula nang mag-taping ng Grazilda, kung saan si Glaiza de Castro ang katambal niya. Sila ni Dennis, kailan magsisimula ng project nila?

"As soon as matapos si Dennis ng taping ng Endless Love, magsisimula na rin kaming mag-taping," sagot ni Carla.

Telefantasya ba ang gagawin nila ni Dennis?

"Hindi po, original story daw," sagot niya. "Ayaw po ng manager ko, si Tito Arnold [Vegafria], na fantasy ang gawin ko. Ako, okey lang po sa akin kahit telefantasya. Nag-enjoy po naman ako nang gawin namin ni Geoff ang The Last Prince, although normal naman ang character ko doon. Siguro nga po, mahirap ang telefantasya dahil nasanay ako sa real world. Pero hindi po ako namimili ng project, basta may trabaho, okey sa aking lahat ’yon."

FIRST HORROR MOVIE. Pagkatapos ng first movie ni Carla na Mamarazzi, na palabas na ngayon sa mga sinehan, may sisimulan na siya ulit na pelikula. Ito ay ang Shake Rattle & Roll XII, kung saan makakasama niya sina Nash Aguas, Mart Escudero, at Sid Lucero. Si Jerrold Tarog ang magdidirek nito.

"Happy po ako kasi I’m a huge fan of horror films, and this is my first horror film," sambit ni Carla.

Magpapahinga ba muna siya pagkatapos ng taping nila ng Basahang Ginto, na tatagal pa ang airing hanggang sa September 24?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Time po ’yon na makapaglipat na ako sa bago naming bahay," nakangiting sabi ni Carla. "Excited na nga po ako na makalipat, pero hanggang sa ngayon, hindi pa ako nakakapag-impake ng mga gamit na ililipat ko."

Ano ang sabi ng lola niya, ang aktres na si Delia Razon, sa paglipat nila ng bahay?

"Wala po siyang sinasabi sa akin, baka po kay Mommy ko [Rhea Reyes], may sinabi siya. Hindi po kami nagkakausap ng lola ko dahil sa busy schedule ko," sabi ni Carla, na gaya ng dati ay nakangiti.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN