Lightweight ang weekly shows ni Korina Sanchez na Rated Korina, Korina Interviews, at ang forthcoming TikTalks kumpara sa hard news na idine-deliver niya noon, at pagiging commentator sa maiinit na isyu ng bayan.
Read: Korina Sanchez, tatlo na ang weekly shows; may time pa kaya sa mga anak?
Mas nae-enjoy na ba niyang talakayin ang lighter side? Wala bang tawag sa kanya ang hard news at all?
“Meron naman. Forever yun,” sambit ni Korina sa mediacon ng TikTalks noong Nobyembre 16, 2022, Miyerkules, sa TV5 Studio sa Reliance St., Mandaluyong City.
“Hindi naman nawala yun. Kumbaga parang… ahhm, parang kasi dun ako tumatak ng dalawampu’t limang taon, di ba? Hard news.
“Kaya siguro medyo walwal ako ngayon. Ha! Ha! Ha! Ha! Ano bang ibig sabihin nung salitang yun? Nagwawala? Ay, sorry! I use the term loosely.
“I’m really enjoying the lighter side of things because, honestly, I really don’t take myself that seriously.
“I mean, oo, sa news, siyempre kailangan seryoso, factual. A whole organization is behind every news item.
“But as a person, if you take yourself that seriously — talagang life is short. Right? And I wanna live very long.
“Kasi, maliliit pa yung mga anak ko. Two years old pa lang sila. I have to live to be 120 years old. Kaya kailangan, maraming tawanan.”
Magpa-pilot ang TikTalks sa Disyembre 3, Sabado ng 8:00 p.m. sa OnePH, na available sa Cignal Channel 1, SatLite Channel 1 at sa Cignal Play app. May simulcast ito sa TV5 at Radyo Singko 92.3 News FM.
Ang replay ay tuwing Linggo ng 7:00 p.m. sa One News, na available sa Cignal Channel 250 HD at 8 SD, SatLite Channel 60 at Cignal Play app.
Co-hosts ni Ate Koring sa TikTalks sina G3 San Diego, Kakai Bautista, Pat-P Daza, at Alex Calleja.

TV LANDSCAPE
Si Korina mismo ang producer ng TikTalks.
Aniya, “The landscape in the industry has changed so much. Maraming mga nangyari and merong mga bagay na nakakalungkot pero maraming bagay din na masaya.
“And one of those positive developments in the change of that landscape is parang content creators are now having a grand time because andaming platform on so many avenues like social media, streaming, networks.
“So, nagbukas ang lahat ng iyan sa lahat ng mga ideas. And I guess dahil malikot din naman ang mga isip namin, my co-producer here under Media Queens is Joji Dingcong, and we’ve always wanted to do something different.
“So sabi ko, e, ang forte ko naman, daldal… ano bang puwedeng daldal na hindi ko pa nagagawa, hindi ba? Merong radio, merong interview show na puro seryoso.
“Parang gusto ko namang makasama yung mga medyo sira. Yung may konting maluwag. Sorry, ha, is that politically correct?
“Medyo konting maluwag na medyo konting sira na, you know, ahh the way we talk pag nagma-mahjong.
“Ay! Napaka-tita! Ang tita! Teka muna, huwag yun. Kapag medyo may wine kayo diyan, or nagkita kayong magbabarkada.
“Paano bang magkuwentuhan ang mga totoong tao? Yun!”
THE MODERATOR
Si Korina na rin ang moderator ng TikTalks hosts sa kanilang talastasan at balitaktakan sa limang episodes na nakunan na nila.
“I have to moderate! Otherwise, we’ll end up in jail. Alam ko kasi ang batas, e!” bulalas ni Korina.
“So pagka yung batas, alam kong… ‘Maba-bash tayo diyan!’"
Paano ba nabuo ang kumbinasyon nilang lima? Paano sila nagkaroon ng chemistry?
Napangiti si Korina, “Nag-uusap kami ni Joji siyempre because we’re line producing the show. Sabi namin, kailangang iba-iba ang representasyon ng bawat isang tao, OK?
“So, ahhm, dapat iyan limang babae. Limang babae na iba-ibang korte, iba-ibang pinanggalingan sa buhay, iba-ibang propesyon.
“Tapos in the end, after much consultation, of course we have Kakai who is a comedienne but has a good head on her shoulders. Makulay din ang kanyang nakaraan, at siguradong ang hinaharap.
“Pinag-usapan na rin namin ang nakaraan niya sa isa sa mga episode.
“I really wanted a singer na bigla na lang kakanta kung ano man ang hugot ng pinag-uusapan namin. Gusto ko yung ganun, biglang magko-concert mag-isa diyan sa gitna. So, that’s Kakai.
“Of course, we have a radio journalist who is Pat-P Daza. E, si Pat-P, barkada ko talaga sa kainan ito. Kaya alam ko na hindi na niya kailangang magsalita, kailangan lang niyang tumawa.
“Yung tawa lang niya ang ambag niya, pero sa totoo lang, iyan ang Tita Marites sa aming lahat. Siya ang nakakaalam ng lahat ng tsismis. Na hinihimay naman namin para maging fact from fiction, OK.
“And then we wanted of course a vocal and unabashed LGBTQIA+ ABCDEFGHIJKLMNOP na representante, and that’s G3 San Diego na isang kolumnista rin at writer.
“Siyempre gusto natin yung medyo ano rin, di ba? Yung palaisip, may opinyon. Wala kaming maisip na panlima!
“Biglang… may sumilip. May sumilip sa pinto, di ba? Sabi ko, ‘Sino yun?’ Nakataas ang kilay. O, ayun!
“No, of course I was already coordinating with other shows, with Alex Calleja on other projects. Sabi ko, ‘Nakakatawa siya and yung humor niya, yung pan-tunay na lalaki talaga!’
“I think I want a guy, a man with that kind of humor in the mix. And we were not mistaken.”
