Dahil sa tagumpay ng First Yaya, masasabing mas tumaas ang premium ni Sanya Lopez bilang isang Kapuso star.
Umere ang First Yaya mula March hanggang July 2021. Consistent na mataas ang ratings nito at hindi nataob ng dalawang Kapuso series na sumunod dito.
May napansin bang pagbabago si Sanya sa sarili dahil sa tagumpay ng pinagbidahang teleserye?
"Actually, hindi ko alam kung ano ba talaga ang nabago sa akin," sagot ni Sanya.
"Siguro kung meron man, yung mas ikagaganda at ikaka-improve ko pa bilang si Sanya or pagiging artista ko or dito sa trabaho natin.
"Pero ganun pa rin po, tingin ko po, wala namang nagbago, ganun pa rin po ako."
Mula sa pagiging First Yaya, aminado ang Kapuso leading lady na mas mahirap ang bagong karakter niya bilang First Lady.
Parehong title role ang proyektong ito ni Sanya. Ang First Lady, na nagsimulang umere sa GMA-7 kagabi, February 14, 2022, ay book two ng First Yaya.
Katambal dito ni Sanya si Gabby Concepcion na gumaganap bilang si President Glenn Acosta.
"Mas challenging po talaga ang maging First Lady. Sa First Yaya kasi, medyo malapit-lapit pa talaga kay Sanya ang character. Unlike sa First Lady, medyo inaaral-aral ko pa po.
"Of course, nandiyan rin naman po si Direk LA [Madridejos] to guide me. Nanonood-nood din naman ako para kung ano ang puwede kong i-apply sa character ni Melody now na First Lady na siya ngayon," pahayag ng Kapuso actress.
Nagkaroon ng preparasyon si Sanya ngayong First Lady na ang karakter niya.
"Before po akong mag-start ng taping for First Lady, nagkaroon ako ng workshop sa GMA.
"May mga hinanda sila sa akin na ganun. May mga bagay rin akong pinanood para maka-help sa akin para kay Melody Reyes-Acosta."
May ilang female personalities sa mundo ng pulitika na pinag-aralan ni Sanya para may ideya siya kung paano ang galaw ng isang First Lady.
Sabi ni Sanya, "Before kaming mag-start nitong second lock-in, nag-uusap-usap kami nina Thou Reyes, Ate Kakai Bautista.
"Kasi, sabi ko, 'Si First Lady, hindi na biro ang responsibility niya. Hindi lang siya asawa... Ina na rin siya ng buong sambayanan.'
"So, yun ang inaabangan kay Melody ngayon.
"Nag-uusap kami kung sino ba ang mga puwede kong gayahin. So, meron akong mga papanoorin na makaka-help sa akin.
"Hindi ko naman po gagayahin na gagayahin sila, pero kung may makakatulong po sa akin para kay Melody, kukunin ko po yun."
GABBY COMMENDS GMA-7 CREATIVES
Wala naman sa hinagap ni Gabby Concepcion na ang First Yaya ay sobrang mamahalin ng mga manonood.
Ayon kay Gabby, "Hindi naman namin inisip na magkakaroon ng book two. Although yung first book, talagang napakaganda.
"Binabasa ko pa lang ang storyline nun, script, sabi ko, meron nang kapupuntahan.
"Doon lang kasi ako nakarinig ng Presidente na na-involve sa kanyang member of the household.
"At marami naman sa atin na may yaya, pero bihira lang naman or wala pa ‘kong naririnig na nagkaroon ng relationship.
"So, dun pa lang, masaya na. Comedy naman ang approach na may konting drama, konting puso.
"Kaya maraming puwedeng gawin ang Creatives. And I commend them, napakagaling din naman talaga, we have a good team that brought us where we are now."
NO PRESSURE FOR GABBY
May expectation man ang publiko na mapantayan ng First Lady ang First Yaya, ayaw magpa-pressure ni Gabby.
"Wala naman akong pressure rito kasi hindi naman talaga ako tatakbo!" natawang sabi niya.
"Kaya ang gusto natin talagang ipakita rito kung ano ang nangyayari behind the scenes na mga nakikita nating politician, kampanyang ginagawa. Scripted lahat ng mga sinasabi nila bago sila humarap.
"Of course, ito rin naman, may script din, pero ito yung nangyayari sa bahay nila, sa personal na buhay nila. So, wala naman akong pinagbabasehan na presidente na dapat kong gayahin.
"Iba-iba naman sila kapag nasa bahay na. So, interpretation ko na lang dahil marami naman akong pinanood, pero hindi ko nakikita kung ano sila sa bahay nila."
Dahil nagampanan na niya ang pagiging isang Presidente at ngayon ay panahon na ng kampanya para sa May 2022 elections, tinanong si Gabby kung hindi ba niya napag-iisipang pasukin din ang pulitika.
"Bata pa ho ako!" natawang sagot niya.
"Siguro kung magkaroon ako ng konting experience diyan, pero sa ngayon, wala po.”
