Carla Abellana sheds ten pounds through dance workouts and a low-calorie diet

Bagamat mas naging sexy ngayon si Carla Abellana dahil sa diet at Zumba dance workout, iginiit nito na hindi siya naghahanda para mag-pose ng sexy para sa kahit anong men's magazine.


Ang laki ng ipinayat ni Carla Abellana ngayon, at lahat ng makaharap niya ay napupuna kung gaano siya ka-sexy.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa aktres sa set ng Party Pilipinas sa GMA-7 noong January 27, inamin nitong sinadya niya talagang magpapayat, bilang paghahanda sa ilang proyekto.

“Kasi meron akong mga bagong endorsements na gusto kong paghandaan.

“Para maganda lumabas iyong mga photo shoot lang… Iyon lang naman,” sabay ngiti ni Carla.

Sa winikang ito ng Kapuso star, tila napaisip ang ilan na hindi kaya isa sa pinaghahandaan niya ngayon ay ang pag-pose ng sexy para sa isang men's magazine.

May offer ba sa kanya para gawin ito?

“Wala pa. Wala pa,” sabay ngiti ulit ni Carla.

Pero kung may mag-alok sa kanya, papayag ba siya?

“E… saka na natin pag-usapan kapag meron na, di ba?"

Handa na ba siya kung saka-sakali?

“Hindi pa!” natatawang sagot niya.

“Hindi pa talaga. Ayoko talaga. Promise!

“Sinabi ko na ‘yan before. Ayoko talaga, kasi… ayoko lang magkaroon ng ganoong klaseng attention.”


Nabanggit sa panayam kay Carla na noong araw ay sinabi rin ng aktres na si Marian Rivera na ayaw niyang mag-pose sa isang men’s magazine.

Pero nito lamang Enero ay lumabas ang kauna-unahan niyang pictorial para sa FHM Philippines, at naging maganda naman ang feedback sa sexy pictorial at cover photo na ito ni Marian sa FHM.

Hindi kaya ganito rin ang mangyari kay Carla pagdating ng panahon?

“Korek!” wika ni Carla.

“Pero siyempre, di ba? May time na naging ready na siya [Marian].

“At nakita naman kung gaano pinagkaguluhan, di ba? Pati iyong autograph signing niya.

“Pero… hindi ko alam. I guess hindi ko rin masasabi.

"Sa ngayon, parang ayoko muna,” klaro ng dalaga.

Hindi naman kaya ang boyfriend niyang si Geoff Eigenman ang may ayaw?

“Ako,” pagtuligsa ni Carla sa tanong.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ako, daddy ko, mommy ko, lola ko… lahat!” sabay tawa ulit niya.

“Si Geoff, he reads mga men’s magazine, pero never ko pang natanong kung okey lang sa kanya.

“Pero kung ako… ayoko talaga.”

Ayon kay Carla, posible raw siyang magpakita ng konting skin sa bago niyang endorsement project.

Hindi naman daw siya tuluyang maghuhubad pero, “Kasi parang magkakaroon ng bagong skin.

"Pinag-uusapan pa.

"So, may skin, tapos, may casual wear. Iyon lang naman.”

LOSING WEIGHT. Tungkol naman sa kanyang pagpapayat, ayon kay Carla ay hindi ito naging madali at mabilis.

“Mahirap talagang magpapayat,” aniya.

“The best way is really to diet and exercise.

“Last year, bago pa mag-Pasko, nag-Zumba ako kapag tanghali, tapos boxing sa hapon."

Ang Zumba ay isang Latin-inspired dance workout na patok na patok ngayon sa maraming kababaihan.

Madalas itong ginagawa kasama ang isang malaking grupo at tinatawag itong Zumba Party.

Ayon sa website na zumbacalories.com, kayang mag-burn ng 500 hanggang 1,000 calories sa loob lamang ng isang oras na Zumba session.

Pagpapatuloy ni Carla, “Then, sinabayan ko ng low-calorie diet.

“Nag-1,200 calories ako a day na diet.

“Ngayon, hindi na ako masyadong nage-exercise.

"Sa diet na lang, kasi kahit papaano, nakapag-lose na ng inches. Iyon… tuloy-tuloy na lang."

Ipinaliwanag ni Carla kung bakit naisipan niyang seryosohin ang pagpapapayat.

“Nag-gain talaga ako ng weight talaga last year. Malaki iyong weight na na-gain ko last year.

“Na-lose ko na iyon, plus mga six pounds pa, so mga over ten pounds na rin ang na-lose ko,” masaya niyang saad pangwakas.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN