Ginanap ang taunang thanksgiving party ng Regal Films matriarch na si Mother Lily Monteverde sa kanyang bagong renovate na bahay sa Northeast Greenhills sa San Juan noong January 3, 2009.
Sa text-invite na ipinadala niya sa kanyang malalapit na kabigan sa loob at labas ng showbiz, kabilang na ang PEP (Philippine Entertainment Portal) at YES! magazine, sinabi niyang:
"I am inviting you to my house to celebrate our new year 2009 with a big bang plus thanksgiving party. And of course, I owe it all to you. Please be here. Thank you."
Nang dumating ang nasabing araw, dumagsa ang mga inimbitahan ni Mother Lily kahit sabihin pang hilo na ang mga tao sa showbiz dahil sa dami ng parties nitong nagdaang kapaskuhan.
Itsurang premiere night ng pelikula, naroon ang mga malalapit na artista kay Mother—kabilang ang mag-asawang Richard Gomez at Lucy Torres, ang magkasintahang Ogie Alcasid at Regine Velasquez, sina Annabelle Rama at Eddie Gutierrez, Lorna Tolentino, at marami pang iba, pati mga managers and members of the movie press.
Marami ngang dapat ipagpasalamat ang maituturing na isa pa rin sa pinaka-aktibong movie producer sa bansa. Kabilang na rito ang pagtabo sa takilya ng marami sa kanyang mga pelikula noong nagdaang taon, gaya ng mga co-produced films niya with GMA Films na My Best Friend's Girfriend (Richard Gutierrez-Marian Rivera), Monster Mom (Annabelle Rama-Ruffa Gutierrez), at My One True Love (Dingdong Dantes-Marian Rivera).
Bukod pa rito ang Kulam ni Judy Ann Santos na isang surprise hit noong Oktubre 2008.
Maganda rin ang naging resulta para sa Regal ng dalawa nitong official entry sa Metro Manila Film Festival-Phippines 2008, ang Desperdas 2 nina Ruffa Gutierrez, Marian Rivera, Iza Calzado, Rufa Mae Quinto at Ogie Alcasid; at ang Shake, Rattle, and Roll X na pinagbidahan nina Kim Chiu, Gerard Anderson, JC de Vera, Roxanne Guinoo, at muli, ni Marian Rivera.
Ayon sa pinakahuling estimate ng box-office results, nag-number four and five respectively sa over-all ranking sa takilya ang nasabing dalawang pelikula.
Sa usapaing personal naman ay ipinagpapasalamat ni Mother Lily na halos tapos na ang ipina-renovate niyang 14-bedroom mansion sa Northeast Greenhills na halos apat na taon na niyang ipinapagawa.
"'Pagawa ako pag may pera," laughs the owner of the 48-year old Regal Films. "Pag wala, hinto muna. Hahaha!"
Fourteen bedrooms ang nilalaman ng nasabing bahay dahil kasama rito ang kanya-kanyang kuwarto ng kanyang limang na anak—Meme, Roselle, Dondon, Goldwyn, at Winnie—at ang kanyang mga apo sa bawat isa rito.
Hiniling niya raw sa kanyang mga anak na makapiling sa bahay ang kanyang mga apo sa mga susunod na taon habang siya'y buhay. Ipinangako rin niya sa kanyang mga anak na sa loob ng lima o anim na taon ay bibigyan niya sila ng kani-kaniyang bahay.
Ngayong taong 2009 ay tumatakbo na sa ika-49 years ang Regal Films ngunit tila hindi naman nakikitaan ng kapaguran si Mother Lily.
Kabaligtaran sa palagi niyang sinasabi na magreretiro na siya, aktibo pa rin si Mother Lily at panay pa rin ang pagbuo niya ng konsepto para sa upcoming projects ng Regal, solo man o co-production.
Sa ngayon ay ayaw pa niyang magbigay ng detalye sa mga bagong proyektong niluluto, liban sa gumigiling na ngayon, ang When I Met You ni Richard Gutierez at KC Concepcion, kung saan ay muli siyang nagkipag-co-production sa GMA Films.