"Bente singko" o dalawampu't limang taon na sa showbiz ang dating child star, aktres, mang-aawit, at gitarista na si Aiza Seguerra.
Mula sa pagiging isa sa mga contestant sa child pageant segment na "Little Miss Philippines" ng longest-running show na Eat Bulaga!, malayo na ang narating ng bibong batang humuli sa kiliti ng mga manonood at tagasubaybay ng nabanggit na show. Matapos makagawa ng mga pelikula at iba't ibang proyekto sa telebisyon, ngayo'y isa na si Aiza sa mga aktibong acoustic artists ng OPM. Pinasikat niya ang mga kantang "Pagdating ng Panahon," "Para Lang Sa 'Yo," "Pakisabi Na Lang," at "Akala Mo."
Inalay ni Aiza noong Biyernes ng gabi, Setyembre 28, ang kanyang BENTE SINGKO Anniversary Concert para sa mga taong naniwala, nagtiwala, at gumabay sa kanya sa loob ng 25 taon. Taos-puso niyang inawitan at tinugtugan, kasama ng Philharmonic Orchestra, ang mga nanood sa kanyang concert na ginanap sa Smart-Araneta Coliseum.
Naging mas espesyal pa ang gabi para sa lahat, dahil sa pagdalo ng kapwa niya OPM artists at pakikidiwang sa kanyang 25th anniversary ng mga taong malapit sa kanyang puso.




































