Pinagtawanan na lang ni Cesar Montano ang intriga tungkol sa kanila ni Rachelle Ann Go.
Nagsimula ito sa blind item tungkol sa isang magaling na aktor at female singer—na kabi-break lang daw sa kanyang kasintahan—na nakitang sweet sa isa't isa mula pa lang sa eroplanong sinakyan nila hanggang sa Vancouver, Canada na dinaluhan nila para sa isang event ng GMA Pinoy TV.
Nagsimula nang kumalat ang intrigang ito na ang tinutukoy ay sina Cesar at Rachelle Ann.
Napilitang sagutin ito ni Cesar nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Enchanted Kingdom kaninang hapon, August 7, na kung saan nag-story telling ito sa mga bata ng kuwento ng buhay ni Dr. Jose Rizal.
Ayon kay Cesar; "Unang-una, it has to be [made] clear na it was an event in Vancouver of GMA PinoyTV.
"Pumunta kami ni Rachelle... Kahit saan magpunta, magkasama kami lagi ni Rachelle promoting it, lahat ng pictures magkasama kami.
"Of course, it will attract speculation; inaasahan ko na yun, at naisulat nga ni Mr. Ricky Lo.
"Pero you know, if I don't hold her hand, kung siya naglalakad o may gagawin, parang hindi naman ako gentleman nun.
"Kaya nga ako, e, sabi ko, wala na akong choice nito. Naku-korner na sa sitwasyon na ito kaya kailangan alalayan ko ito, dahil siyempre, siya lang ang nag-iisang babaeng kasama ko, e," patuloy na paglalahad ng aktor.
Nakarating na nga raw ang intrigang ito sa asawa niyang si Sunshine Cruz na ipinagkibit-balikat na lamang daw nito.
"Si Sunshine, tapos na siya sa mga ganitong ano. Parang graduate na siya sa mga ganitong level. Alam na niya 'yan.
"Sabi nga niya, e, kung kasama siya dun, hindi mangyayari yun. Kaya sabi niya, next time lagi na akong sasama.
"My goodness! Wala talaga akong malisya diyan na kahit gustuhin ko man, hindi pupuwede po!" bulalas pa ni Cesar.
Nag-usap na rin daw sila ni Rachelle Ann tingkol sa mga ganitong intriga at pinagtawanan na lang daw nilang dalawa.
"Sabi ko nga sa kanya, 'Naku, pasensiya ka na.'
"Actually, bago pa lumabas 'yan, nung hinahawakan ko 'yan, inaalalayan ko siya, sabi ko nga, ako kasi masyado akong prone sa ganyan, e.
"Hindi ako inisipan na parang walang malisya, kasi kapag may makitang kasama akong babae, 'Ayan si Cesar Montano may kasamang babae, baka sila na,'" saad nito.
Naikuwento rin ng aktor na minsan ay natsismis pa raw siyang may kasamang babaeng nanonood ng sine na di nila alam ay anak niya yun na si Angela.
Kaya hindi na raw siya nagpapaapekto sa mga ganung intrigang binibigyan ng malisya ang pagiging maginoo niya sa mga babae.
SON DIEGO. Samantala, bukod sa tatlong babaeng anak ni Cesar kay Sunshine, kasama rin nito sa Enchanted Kingdom ang anak niya kay Teresa Loyzaga na si Diego.
Isinama daw niya roon si Diego para makita rin daw nito ang gagawin niyang storytelling sa mga batang karamihan ay galing pa sa kinalakhang lugar sa Sta. Ana.
Isinama na rin niya roon para maipakitang wala silang problemang mag-ama at okay sila.
"Ganun lang naman talaga yun, e. Lilipas din ang mga ganung intriga. It will come and go.
"You know life is 10 percent what's happening around you, and 90 percent how you respond to it," pakli nito.
"Of course, it's bothersome, pero what is important is kung ano ang nangyayari sa circle namin, not outside us.
"Ang importante kami pa rin, nagkakaintindihan kami, we love each other."
Singit naman ni Diego; "You know, lahat naman na mga tao nagkakaroon ng tampuhan. Pero we're still a close and loving family. Ganun naman talaga ang mga tao, e.
"Sana lumipas na yun na wala nang intriga with my Dad."
Doon ay ikinuwento na rin ni Cesar na may pinaghahandaan silang pelikulang pagsasamahan nilang mag-ama.
Action movie raw ito at may isang mahalagang papel na gagampanan si Diego.
Malapit na raw silang magsimulang mag-shooting, kung saan si Cesar ang magdidirek at magproduce ng kanyang CM Productions na idi-distribute ng Viva Films.
"Malapit na kaming magsimula.
"Last night nga nag-workshop kami ni Diego. Tiningnan ko kung kaya niya.
"Kaya naman niya, pero marami pa siyang workshops na kailangang pagdaanan," kuwento ni Cesar.