Kristine Hermosa and Oyo Sotto wish for a baby girl

"Mas naging intimate kami. Kumbaga, parang mas klarong-klaro na talaga na, ’Wow, husband and wife na talaga!’" says Kristine Hermosa about being pregnant with her first baby with husband Oyo Sotto.


Isa sa mga inabangan noong nakaraang Star Magic Ball ay ang mag-asawang Kristine Hermosa at Oyo Sotto.

Ito kasi ang unang pagkakataon na makikita sa publiko si Kristine na pinagbubuntis ang kanilang magiging unang anak ni Oyo.

"I’m okay and I’m happy," bungad ni Kristine nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media sa lobby ng The Peninsula Manila sa Makati noong Sabado, Setyembre 3.

Di tulad ng ibang nagdadalang-tao, hindi umano nakaranas ng paglilhi si Kristine, na ngayo’y limang buwan nang buntis.

"Hindi ako naglihi at all," sabi niya.

"Si Oyo ’ata ang pinaglihian ko, e. Parang gusto ko siyang laging makita."

Dagdag pa niya, "Masarap ang feeling and very thankful naman kami kay God. Alam naman namin kasi na answered prayer talaga."

Nagpapasalamat din si Kristine sa atensiyong ibinibigay sa kanya ng kanyang asawa.

Aniya, "Napakamaalaga naman nito kahit noong hindi ako buntis, e. Sobrang maalaga siya."

Dahil sa kanyang sitwasyon, sinabi ng Kapamilya actress na, "Mas naging intimate kami. Kumbaga, parang mas klarong-klaro na talaga na, ’Wow, husband and wife na talaga!’

"Gano’n naman simula noong wedding. Pero siyempre, nagbabago lang kapag may panibagong member ng family."

"SANA GIRL." Samantala, nang tanungin naman si Oyo tungkol sa kanyang pakiramdam sa pagbubuntis ng asawa, naikuwento niya na, "Hindi ako makapaniwala in the first few months.

"Kahit hanggang ngayon kasi, kapag tinitingnan ko, parang medyo maliit pa siguro.

"Siguro, kapag nagpa-ultrasound si Tin, medyo mag-iiba na ’yong feeling ko kasi sobrang excited, e."

Nang tanungin kung alam na nila ang kasarian ng kanilang magiging anak, nakangiting sumagot si Kristine na, "Mukhang girl."

Ito rin ang naging hiling ng kanyang asawang si Oyo.

Aniya, "Actually, ’yon ang pinagpe-pray namin ni Tin na sana girl."

Sa ngayon, hindi pa raw masabi ni Oyo kung handa na siya sa pagiging ama.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero sa ngayon, halu-halong kaba, saya, at takot daw ang kanyang nararamdaman.

"Sa akin kasi, you’re not ready till you’re there na. Hanggang sa wala pa, hindi ko masasabi," sabi pa ni Oyo.

GOING BACK TO ACTING. Ngayong magiging ina na si Kristine, hindi pa niya masiguro kung kailan siya magbabalik sa pag-arte.

Gusto raw kasi ng aktres na tutukan muna ang kanilang magiging baby bago bumalik sa trabaho.

Pero sabi niya, "Puwede naman ako na once in a while mag-guest or show na parang magaan lang ang schedule."

Tungkol sa paggawa ng teleserye, natawa lang si Kristine at sinabing. "No. kasi parang one week na walang tulugan doon."

Hindi naman magiging problema para kay Oyo ang pagbabalik-trabaho ni Kristine pagkatapos niyang manganak.

Paliwanag niya, "Ayaw ko naman na nalulungkot siya sa bahay. I know that she loves acting, so ayaw ko ’yong tanggalin sa kanya."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN