Aga Muhlach takes oath as Liberal Party member; explains decision to run for Congress

Aga Muhlach on his political strategy: “Sa tingin ko, hindi effective sa akin ang daldal ka lang nang daldal. Mas mabuti pa sa akin na tingnan niyo na lang ang mga nagawa ko, tingnan ninyo kung sino ako. Ito ang kaya ko na ibigay, ang buong pagkatao ko, ang pangalan ko na buong buhay ko na pinangalagaan. Ang tagal ko nang iniingatan ang pangalan ko, hindi ko sisirain ’yan."


Nanumpa ngayong gabi, August 3, si Aga Muhlach bilang bagong member ng Liberal Party.

Ginanap ang kanyang oath taking sa LP Headquarters, Araneta Center, Cubao, Quezon City.

Sumumpa si Aga at ang mga bagong miyembro ng LPG sa harap ni DOTC Secretary at LP President Mar Roxas.

Saksi sa oath taking si Department of Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo.

Bakas sa mukha ni Aga ang matinding kaligayahan dahil sa suporta na ibinigay ng pamilya niya at mga kaibigan.

Dumalo sa oath taking ang kanyang misis na si Charlene Gonzalez, ang anak na si Luigi, at ang mga kaibigan na sina Bayani Agbayani, Joyce Bernal, at Cesar Montano.

Ang pag-anib ni Aga sa LP ang hudyat ng pagpasok niya sa pulitika at kumpirmasyon ng kanyang kandidatura sa 2013 bilang representative ng fourth district ng Camarines Sur.

Diumano, ang fourth district, o Partido district, ay matagal nang kontrolado ng mga Fuentebella, isang kilalang political dynasty sa Camarines Sur.

CAMARINES SUR RESIDENT. Marami ang nagtataka kung bakit naisipan ni Aga na sumabak sa pulitika.

Ang iba pa nga ay nang-iintriga na hindi na raw kasi siya ganun ka-busy sa kanyang showbiz career.

Pero ayon sa aktor, “My show is doing well. May isa pang show that we’re working on. May lalabas din kami na movie this year.

“So, I’m really happy and grateful that I’m still working.

“Sa pulitika naman, siguro everything just fell into place.”

CAMARINES SUR RESIDENT. Sinagot din ni Aga ang isyu na hindi naman daw siya residente ng Camarines Sur.

Aniya, “First, my family is really from Partido, taga-Goa kami. My lola is from there, my dad.

“Parang lahat ng kamag-anak ko doon, nakilala ko na—yung mga Amador, Go, Borja, Romero, Abundabar, Calleja.

“I have a house there, matagal na.

“And as long as I don’t have to travel for Pinoy Explorer, doon na talaga kami ni Charlene and the kids sa San Jose.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Aga, napakaganda ng Partido district dahil meron itong beaches, bundok, at gubat. Pero marami sa mga residente ang mahirap at napapabayaan din ang nabanggit na lugar.

Pinatotohanan ito ng poverty map ng National Statistical Coordinating Board, ang think tank ng University of the Philippines National College of Public Administration and Governance.

Sinabi ng think tank na lima sa mga bayan ng District 4 ang itinuturing na pinakamahirap sa Camarines Sur.


PAYING IT FORWARD. Ipinaliwanag din ni Aga kung bakit nagdesisyon siyang pasukin ang mundo ng pulitika.

“I cannot deny na napakaraming suwerte ang natanggap ko mula sa Diyos.

“At hindi naman gaganda ang buhay ko kung walang mga tao na nagtiwala, nagmahal, at humanga sa akin.

“At ‘yan rin ang dahilan kung bakit ako papasok dito. Dahil sa maraming biyaya na naibigay sa akin.

“Tama lang na ibalik ko ’yan sa mga tao. Kung ano ang dapat sa kanila, ibibigay ko sa kanila.”


MAKING NO PROMISES. Ang kaibahan daw niya sa ibang pulitiko ay hindi siya mapangako.

“Hindi ko kaya na mangako ng kung anu-ano. Lumang kuwento na ’yan.

“Ilang beses nang nangangako ang iba, pero pagkatapos ng eleksyon, parang mabilis na nakalimot.

“Sa tingin ko, hindi effective sa akin ang daldal ka lang nang daldal.

“Mas mabuti pa sa akin na tingnan niyo na lang ang mga nagawa ko, tingnan ninyo kung sino ako.

“Ito ang kaya ko na ibigay—ang buong pagkatao ko, ang pangalan ko na buong buhay ko na pinangalagaan.

“Ang tagal ko nang iniingatan ang pangalan ko, hindi ko sisirain ’yan.”


READY FOR DIRTY POLITICS. Handa na ba siya talagang suungin ang masalimuot na kalakaran sa pulitika?

Ayon kay Aga, “Maraming nagsasabi sa akin na magulo sa pulitika.

“Pero naisip ko rin, marumi ang pulitika kapag marumi ang tao. Magulo ang pulitika kung makikigulo ka.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At saka, okey naman ako. Okey naman ang pamilya ko.

“Meron na rin naman akong naipon. Hindi ko gagawin na hanapbuhay ang pulitika.

“Kung ano ang meron ako ngayon, pinaghirapan ko.

“Sa buong buhay ko, walang makapagsasabi na nanlamang ako, nanulot ako, nandaya o nagnanakaw ako sa kahit kanino.

“Hinding-hindi ko makakaya na gumawa ng ganyan.”


DREAMS FOR PARTIDO. Ano naman ang balak niyang gawin para sa kanilang lugar sa Camarines Sur kung sakaling maluklok siya sa puwesto?

“Ang dami-daming puwedeng mangyari sa distrito.

“Ang pangarap ko lang, ang maihatid sa mga taga-Partido ang tunay at totoong serbisyo ng gobyerno na matagal na nilang hinihintay para maibalik naman ang mga ngiti sa mukha nila.

“Sasabayan ko sila para mangarap silang muli.

“Lahat naman ng malalaking bagay, nag-umpisa sa isang pangarap,” sabi ni Aga, na nakuha na rin ang pananalita ng isang pulitiko.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN