Annabelle Rama confirms Sarah Lahbati has left for Switzerland; dismisses pregnancy rumor

Kinumpirma ng talent manager na si Annabelle Rama na nakaalis na ng Pilipinas ang young actress na si Sarah Lahbati (nasa larawan) at ang ina nito papuntang Switzerland. Mismong si Annabelle ang naghatid sa mag-ina sa airport noong Linggo ng gabi, Enero 13.


Nakumpirma ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) mula kay Annabelle Rama na umalis na si Sarah Lahbati, kasama ang ina nito, patungong Switzerland noong Linggo ng gabi, January 13.

Si Annabelle ang ina ng boyfriend ni Sarah na si Richard Gutierrez.

Hindi na ikinuwento sa amin ni Annabelle ang buong detalye ng pag-alis ng mag-ina.

Sabi lang niya, nasa Cebu pa siya nang sinabi sa kanyang aalis na si Sarah at ang ina nito kaya kaagad daw siyang lumipad pa-Maynila para tulungan ang mag-ina na makaalis.

Natatakot daw kasi ang mag-ina na baka ipa-hold daw sila sa airport.

Dalawang kaso ang hinaharap ngayon ni Sarah: libel case mula kay GMA Films President Annette Gozon-Abrogar at civil case mula sa GMA-7.

Ito ay bunsod ng alitan ng Kapuso talent laban sa kanyang home network.

Kuwento ni Annabelle, “Sabi ko naman sa kanila, wala pa silang kaso, ‘no!

“Wala naman silang pinatay na tao, bakit sila ipapa-hold?

“Siyempre, ‘Dong, hindi naman nila alam ‘yan. Natatakot naman sila dahil network ang kalaban nila, e.

“Ngayon lang sila nakatikim ng ganung mga kaso-kaso.

“Tinulungan ko naman, naawa naman ako, ‘Dong.”

Patuloy ng talent manager, “Alam mo naman ako, ‘Dong, kahit hindi pa siya girlfriend ni Richard… sino pa diyan ang humihingi ng tulong kung kailangan niya ang tulong ko, tutulungan ko talaga.

“Nakakaawa naman, e.”

Ito raw ang dahilan kaya si Annabelle ang naghatid kay Sarah kasama ang mommy nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at tinulungan sa pagpapa-check-in hanggang sa nakapasok ang mga ito sa pre-departure area.

RICHARD GUTIERREZ. Pagkatapos niyang maghatid sa airport, nakausap daw ni Annabelle ang kanyang anak na si Richard. Naramdaman daw niyang parang galing ang anak sa pag-iyak.

Sabi ng talent manager, “Naawa ako kay Chard. Alam ko parang kaiiyak lang niya, malungkot siya.

“Sinabi ko naman sa kanya na okay na sila.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaugnay nito ay nag-post din ng mensahe si Annabelle sa kanyang Twitter account:

“Alam kong malungkot si Chard lately dahil aalis na si Sarah, Alam kong mabigat din ang problema ni Chard dahil ‘yung dalawa sa mga mahal niya sa buhay ay nagkakaroon ng gulo.

“Alam kong nahihirapan siya at ayaw lang niyang magsabi sa akin. Ako nga mismo, di ko rin matiis ang di umiyak sa awa sa mag-ina. Naawa ako at wala silang malapitan.

"Gusto na nilang umalis, pero natakot sila at baka daw ipa-hold sila sa airport. I’ve telling them hindi sila criminal, wala kayong pinatay na tao.”



PREGNANCY RUMOR. Tinanong na rin ng PEP si Annabelle tungkol sa hindi mamatay-matay na isyung buntis si Sarah.

Nabanggit namin sa kanya na pinag-usapan ang ilang eksena ni Sarah sa Indio na nakikita ang tiyan nitong parang malaki.

Sagot ni Annabelle, “Alam mo, ‘Dong, hindi ko tinatanong ‘yan kay Richard kasi nahiya naman ako.

“Sabihin pa niya sa akin, ‘Pati ba naman ikaw naniniwala dun?’

“Medyo mataba pa talaga siya [Sarah] dun, galing sa bakasyon. Pati nga si Chard, tumaba rin.

“Isinama ko talaga siya sa Cebu nung Christmas pati nung New Year. Tiningnan ko talaga.

“Sabi ko nga kay Jun [Lalin, publicist of Gutierrez family], ‘Tingnan mo nga si Sarah, baka buntis nga.’

“Pumayat na siya nun, e. Pa’no naging buntis, pumayat na nga siya?

“Wala talaga kaming nakita na sign na baka buntis nga.

“Ang dami pang fireworks nun, ang kapal ng usok, siguro nasuka-suka na siya nun. Pero wala talaga, e.

“Hindi talaga, ‘Dong!” diin nito.

SARAH’S CASES. Pagdating sa mga kasong isinampa laban kay Sarah ni Annette at ng GMA-7, ayaw pa munang magkomento ni Annabelle tungkol dito.

Basta nung sinabi raw sa kanya ni Sarah na kailangan siyang i-release bilang co-manager at baka kasuhan daw siya ng GMA-7, kaagad daw siyang nagpadala ng release paper para hindi na lumala pa ang gulo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN