Polo Ravales clarifies walkout issue on the set of Unforgettable because of co-star Benjamin Alves

Buo pa rin ang paghanga ni Polo Ravales kay Benjamin Alves kahit na nasaktan siya sa isang eksena nila. Aniya, “He is a very intense actor. Si Ben, alam mo yun, talagang bawat eksena, nakikita ko na pinaghandaan niya. And that’s what is good about him.”


Kumalat ang balitang nag-walk out daw si Polo Ravales sa taping ng GMA-7 afternoon soap na Unforgettable dahil sa galit sa kasama niya sa show na si Benjamin Alves.

Kaya sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Polo kahapon, April 16, sa taping ng Unforgettable sa Tagaytay City, inalam namin ang mga pangyayari.

“Nag-walk out po ba?” balik-tanong niya.

“Hindi! Kasi po, para sa akin, pag nag-walk out ka, ibig sabihin, yung hindi pa tapos ang mga eksena mo, umalis ka.

“Yung sa akin po, tapos na naman yung mga eksena ko, kaso medyo ano lang po ako noon…

“Bad trip po ako noong time na yun, noong nag-exit ako,” pag-amin na ni Polo.



INTENSE. Ang pinag-ugatan daw ng galit ni Polo ay nang totohanin ni Benjamin ang pananakit sa isang eksena nila.

Patuloy ni Polo, “Kasi meron kaming eksena ni Ben na kukuwelyuhan niya ako.

“Kaso, medyo malakas, medyo malakas, siguro dahil sa intensity noong eksena.

“Tapos, talagang intense din siya talaga as an actor, so siguro, hindi naiwasan or hindi niya namamalayan na masakit na yung ginagawa niya.

“At that time, I was so tired already kasi buong araw, eksena ko. Tapos, mabigat pa yung mga eksena… yung ni-rape ko si Kylie [Padilla], mga ganoon.

“So siguro, noong time na yun, medyo nasaktan ako, nag-react lang ako.

“So nag-anuhan kami, parang nagganunan kami ng kamay kasi masakit, e.”

So naging totohanan ang eksena nila?

“Parang ganoon siguro. Tapos yung kuwintas ko, nasira. Tapos, nagkaroon ako ng pasa.

“Alam ko namang hindi sadya, pero siyempre, noong time na yun, pag nasaktan ka, magre-react ka.

“So iyon po yung nangyari.”



APOLOGIES. Pero ayon pa rin kay Polo, agad namang humingi ng paumanhin sa kanya si Benjamin dahil sa nangyari.

“Pero good thing naman kay Ben, he apologized right after.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagkausap na ba sila ni Benjamin pagkatapos ng naturang eksena?

Sagot ni Polo, “Oo, nag-sorry siya.

"Sabi ko, okay lang. Tapos, umalis na ako.

“Pero after that, bago kami magkita sa taping ulit, nag-text naman siya, nag-sorry siya.

“Tapos, ni-reply-an ko naman siya, sabi ko, ‘Don’t worry.’ Sabi ko, ‘Apology accepted.’

“Tapos, noong nagkita kami sa taping, okay na kami.”

Hindi naman daw galit ang naramdaman ni Polo.

“Hindi naman galit, pero parang alam mo yun? Medyo ano lang.”



EXERCISE CONTROL. Si Polo, bilang artista, may mga pagkakataon din na nadadala siya ng eksena.

“Of course! Of course, yes. Kaya lang, pagka po may mga physical, siyempre kailangan pong kontrolin, siyempre.

“Si Ben naman, ang alam ko kasi, siyempre tinuturuan din siya na mag-control, pero siguro dahil bago pa siya, hindi pa niya talaga na-control.

“So yung time na yun, sinabihan ko siya… dapat ma-control niya, ’Hindi porke’t intense, kailangan mong saktan yung co-actor mo.’

“Kasi, di ba? May ibang mga tao, mas salbahe. Na alam mong gagantihan ka talaga or sa ibang eksena, gagantihan ka.”

Napunit din daw ang damit ni Polo sa eksenang iyon nila ni Benjamin.

“Napunit yung polo ko doon sa struggle namin, napunit siya.

“Tsaka yung dakot pa lang niya sa akin, medyo masakit.

“Pero ano, he is a very intense actor, si Ben, alam mo yun?

“Talagang bawat eksena, nakikita ko na pinaghandaan niya. And that’s what is good about him.”

Bago ang eksena ay wala naman silang gap o awayan kaya alam ni Polo na hindi sinadya ni Benjamin na masaktan siya.

“Hindi naman, hindi naman niya sinadya,” sabi pa niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN