Vice Ganda explains why he would prefer to run for President; cites Nancy Binay as example

Vice Ganda says he declined some offers to endorse politicians because, "“Hindi ko naman siya iboboto, e. Ano ‘to, gaguhan?”


Kung gugustuhin, magiging malakas na endorser sana ng pulitiko ang TV host-comedian na si Vice Ganda.

Pero personal na desisyon na rin daw Vice na huwag mag-endorso ng pulitiko para sa darating na eleksyon, kahit marami nang lumapit sa kanya.

“Hindi ko naman siya iboboto, e. Ano ‘to, gaguhan?” natatawang sabi ni Vice sa entertainment media sa presscon para sa kanyang concert na I-Vice Ganda Mo ‘Ko noong Lunes, May 6.

Patuloy na paliwanag niya, “Kung kinuha akong endorser ng isang pulitiko, papayag ako, sasabihin ko sa buong mundo na iboboto kita.

“Pero ‘yong manloloko ako, huwag na.”

Dagdag pa niya, “Puwede akong mag-endorse, basta ‘yong ie-endorse ko ay gusto ko.

“Pero kung hindi ko naman siya iboboto ‘tapos babayaran lang naman niya ako, hindi ko tinanggap.”

Bago mag-eleksyon, ibabahagi raw ni Vice ang kanyang mga napiling kandidato sa kanyang Twitter account.

Aniya, dalawa sa mga senatorial candidate na nag-guest sa kanyang show ang iboboto niya.

CANDIDATES WITH NO TRACK RECORD. Natuwa naman ang entertainment media sa pagiging prangka ni Vice Ganda sa pagsagot ng iba pang mga tanong patungkol sa pulitika.

Nang tanungin kung anong posisyon ang tatakbuhin niya sakaling magkaroon ng pagkakataon, diretsahang sinagot ni Vice na, “Doon na ako sa president.”

Agad na ipinaliwanag ng komedyanteng TV host, “’Yong walang background puwedeng iboto.

“Parang ’yong mga pulitiko ngayon wala ngang background [sa politics].”

Dahil dito, tinanong siyang muli kung sinu-sino ang pulitikong maaaring pasok sa sinabi niya.

“Nancy Binay,” ang isinagot ni Vice nang walang pagdadalawang-isip.

Katuwiran niya, “Walang political background pero senador agad. Puwede naman palang ganun.”

Sabay nagbiro siya, “Nag-SK pala ako. Mayroon pala akong political background.”

Isa ang babaeng anak ni Vice-President Jejomar Binay sa mga senatorial candidate ng United Nationalist Alliance (UNA).

Bago ang pagtakbo bilang senador, nanungkulan si Nancy bilang personal assistant ng kanyang ama sa Office of the Vice President.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kinukuwestiyon din ng ilan ang kakayahan niya dahil sa hindi niya paglahok sa mga pampublikong debate sa pagitan ng mga kumakandidatong senador ngayon 2013 election.

Dahil sa naging sagot ni Vice, maaaring magkaroon ito ng ibang interpretasyon sa ibang tao.

Pero hindi naman ito ikinababahala ni Vice.

Sa hiwalay na interbyu sa kanya ng media pagkatapos ng press conference, sinabi niya, “Wala naman akong sinabing masama.

“I am only responsible [for] what I say. I’m not responsible [for] what people understand.

“Kasi, kahit naman gaano ka-safe ang salita mo, bibigyan at bibigyan pa rin ng ibang interpretasyon ng taong nakarinig.

“Pero ako, sinasabi ko na malinis naman ang sinabi ko.

“Ako ay nag-state lang naman ng fact.”

WILL SUPPORT KRIS AQUINO BID. Samantala, kamakailan lang ay nagpahayag si Kris Aquino ng planong pagtakbo bilang gubernador ng Tarlac sa susunod na eleksyon 2016.

(CLICK HERE to read related article.)

Dahil malapit niyang kaibigan si Kris, natatawang sinabi ni Vice, “Sa ayaw at sa gusto ko, mangangampanya ako kaysa sa bungangaan ako.

“Pero siyempre, susuportahan ko kasi matinong tao naman ‘yon.

“Matinong tao si Kris Aquino, matalinong tao.”

Dagdag pa niya tungkol sa kapwa TV host, “Lumaki na siya sa ganyan. Alam na niya ang kalakaran sa pulitikang ‘yan.

“Ang pamilyang pinatunayan niya ay napatunayan naman na nating may moralidad para magsilbi nang tapat sa Pilipinas.’

Pagdating naman sa mga taong nagdududa sa kakayahan ni Kris bilang isang public servant, sabi ni Vice, “We all have to expect that na mayroon siyempreng pabor at hindi pabor.”

Ang tanging payong ibibigay niya sa mga botanteng ayaw kay Kris, “Madali lang naman ‘yon, kung di mo bet, huwag mo iboto kaysa naman i-stress mo ang sarili mo sa kaiisip. Puwede namang huwag mong iboto.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN