JC de Vera asks for "time-out" from talent manager Annabelle Rama

Pagkatapos ng sampung taon ay nagdesisyon si JC de Vera na humiwalay muna sa kanyang talent manager na si Annabelle Rama. Pero hindi pa naman daw ito nangangahulugan na hindi na siya babalik sa poder nito. Pagkatapos daw ng dalawa hanggang tatlong buwan ay malalaman na niya kung lilipat na siya ng ibang manager o mananatili rito.


Humingi muna raw ng “time-out” ang aktor na si JC de Vera mula sa kanyang talent manager na si Annabelle Rama.

Ito ang inamin ni JC nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng fifth anniversary ng Lokomoko U kaninang tanghali, June 7, sa Broadway Centrum, Aurora Blvd., Quezon City.

Sa presscon proper, nagtaka ang lahat nang hindi sinagot ni JC ang katanungan kung nasa pangangalaga pa rin ba siya ngayon ni Annabelle.

Kaya naman nang makausap siya ng press pagkababa niya sa stage, pagkatapos ng presscon proper, ay ito ang agad na inusisa sa kanya.

Sabi ni JC, “E, kasi, wala pa akong concrete plan. Wala pa akong final decision.”

Ano ang ibig niyang sabihin sa “final decision”? Hindi na siya magre-renew sa Royale Era Management o siya ang hindi na ire-renew ni Annabelle?

“Wala pa akong final decision kung ako ba ang magre-renew sa kanya.

“Choice ko. Choice ko na,” sagot ni JC.

Noong isang buwan, May, nagtapos ang kontrata ng aktor kay Annabelle at nagkaroon na raw sila ng pag-uusap tungkol dito.

Kuwento ng aktor, “Medyo emotional. Kasi ano, isipin ninyo, for ten years, naalagaan niya ako.

“Parang family. Parang anak-anakan. Siyempre, siya ang nagha-handle ng lahat sa akin.

“Medyo emotional lang.”

Bakit naging emotional ang pag-uusap nila?

“Nagpaalam ako sa kanya. Nagpaalam lang ako na magta-time-out,” pagsisiwalat ni JC.

Nilinaw ng PEP kay JC kung ano ang ibig niyang sabihin sa “time-out. Time-out sa pagma-manage sa kanya ni Annabelle o time-out sa showbiz?

Sabi niya, “Time-out from her. Baka puwedeng bigyan lang ako ng time to think.”

Wala raw ideya si Annabelle sa planong ito ni JC kaya nagulat daw ang talent manager nang magkausap sila at magsabi si JC ng gusto niyang mangyari sa pagtatapos ng management contract nito sa kanya.

“Nagulat siya, nagulat siya,” sambit ni JC.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siyempre, hindi ko naman masabi noon kasi preoccupied ang isip niya sa campaign.

“Ayoko naman isabay at sabihin sa kanya na ganito na pala ang gusto kong mangyari tapos sasabihin ko sa kanya.

“So, hinintay ko munang matapos ang eleksyon.”

Tumakbo si Annabelle bilang kongresista sa first district ng Cebu noong nakaraang eleksyon ngunit hindi pinalad na manalo.



THE CONVERSATION. Sa loob ng sampung taong pamamalagi ni JC sa poder ni Annabelle ay ilang isyu na ang pinagdaanan nila. Kabilang na ang kontrobersiyal na pag-alis ni JC sa bakuran ng GMA-7 upang lumipat sa TV5 noong 2010.

Pero ngayon ay humingi muna ng “time-out” si JC mula kay Annabelle.

Ano ang pinanggagalingan ng desisyon niyang ito?

Saad ni JC, “Ano lang, siguro it’s time to grow.

“Alam mo yun… ayokong kung anuman ang lumabas sa sasabihin ko, mapasama ako. Yun ang iniiwasan ko.

“Ano ‘yan, parang mother and child.”

Paano ang naging pag-uusap nila ni Annabelle?

Kuwento ni JC, “Parang nanay na normal. Normal yung galit.

“Hindi mo maiiwasan talaga na medyo frustrated.

“Actually, pareho naman kami. Pareho kaming emotional that time.

“Hindi lang talaga maging clear, kasi yung moment na yun, parang nabigla siya.

“So, marami talagang lumalabas na galing sa puso niya, which is okay.

“Kasi, yun naman talaga ang hinahanap ko—ang mapag-usapan, masabi niya ang totoo kung ano talaga ang nilalaman ng feelings niya.”

Wala naman daw naging sumbatan nang magkausap sila.

“Wala naman. Magaganda naman ang sinasabi niya.

“Very gentle siya, yung mga sinabi.

“Sinabi niya sa akin, ‘Pag-isipan mong mabuti.’”



TEN YEARS. Naging kuntento at masaya ba siya sa takbo ng career niya sa loob ng sampung taon pamamalagi niya sa poder ni Annabelle?

“Wala, wala akong reklamo,” maagap na sagot ni JC.

“Never naman akong nagreklamo sa kanya.

“For ten years, naging mabuti siya sa akin. Lahat ibinigay niya sa akin.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngunit bakit sa kabila nito ay gusto niya ng “time-out” mula sa kanyang manager?

Paliwanag niya, “Gusto ko lang magkaroon ng sariling desisyon. Desisyon sa buhay ko, sa career.

“Ano lang, siyempre hindi ako bumabata.

“Desisyon pagdating sa buhay ko, lalo na sa career.”

Ibig na niyang sabihin, pati ang personal na aspeto ng buhay niya ay ang manager niya ang nagdedesisyon?

“Hindi, hindi naman,” paglilinaw ni JC.

“Pero maaapektuhan ang personal life ko dahil sa trabaho.

“So, kapag hindi ko inayos ang trabaho, maaapektuhan siyempre ang personal kong buhay, yung future ko. Kung ano ang nangyayari sa akin ngayon.

“So, meaning, kapag gusto kong magkaroon ng growth, gusto kong makapag-explore, gusto kong gumawa ng isang bagay para sa sarili ko na hindi ibibigay ng ibang tao.”

Kailan dumating sa kanya yung realization o kagustuhan na hindi muna magpa-manage kay Annabelle?

Sabi ni JC, “Kasi, as far as I know, siguro mga three months, four months, doon lang pumasok sa utak ko na, ‘Uy, magtatapos na ang contract ko. Ano na ang mangyayari sa akin?’

“Kasi, magsasabay yun—contract sa TV5 at kay Tita Annabelle.

“So, naalarma ako, ‘Ano na ang gagawin ko?’ So, naisip ko lahat.

“Bigla kong inisip lahat ng nangyari sa akin for the past ten years.

“So, ito ang naging outcome ng lahat ng naisip ko. Kailangan kong magpahinga kasi hindi ko puwedeng sabay-sabayin lahat.

“Mahirap, kasi ten years din yun.”

Desidido na ba talaga siyang hindi mag-renew ng kontrata kay Annabelle?

“Sa ngayon, hindi pa. Kasi, marami pa akong pinag-iisipang bagay-bagay,” tugon ni JC.

Pero hanggang kailan yung “time-out”?

“Saglit lang, mga two to three months lang,” sagot ni JC.

Pagkatapos ng tatlong buwan, puwedeng sa Royale Era pa rin siya o puwede rin sa iba na?

“Puwedeng ganun,” pag-amin niya.

Wala pa rin daw siyang naiisip na ibang manager na gusto niyang humawak sa kanyang career. Sa ngayon daw, siya muna ang nakikipag-negotiate para sa sarili niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



RETURNING TO GMA-7? Kasabay ng paghingi ng “time-out” ni JC mula kay Annabelle, may isyu ring lumalabas ngayon na gusto raw niyang bumalik sa GMA-7. Na nagpaparamdam o nagpapahatid daw siya ng salita na gusto niyang maging Kapuso ulit.

Ano nga ba ang totoo rito?

Sagot ni JC, “Wala pa akong kinakausap na kahit sino, ang kinakausap ko pa lang, si Sir Perci [Intalan, TV5 execuitive].”

Nangangahulugan ba ito na kahit wala na siya sa pangangalaga ni Annabelle, mananatili pa rin siyang Kapatid?

Sagot ng aktor, “Tatapusin ko lang itong Cassandra. Then, gagawin ko ang telesine.

“After that, mag-uusap ulit kami ni Sir Perci.

“Kasi, hindi tayo puwedeng makipag-usap kahit kanino.

“Siyempre, ako rin, ang puso ko, nasa TV5.”

Sinasabi niya ba na ang puso niya ay nasa TV5 pa rin?

“Ngayon, oo, nasa TV5 talaga.”

At dahil tapos na rin ang kontrata niya sa TV5, per project na raw ang kontrata niya ngayon sa network.

Pero gusto ba niyang bumalik sa GMA-7?

Sabi ni JC, “Well, kung saan magbubukas ng opportunity sa akin, bakit hindi? Hindi naman ako nagpapaka-plastic.

“Kung saan maganda ang opportunity. Kung saan ako matututo. Kung saan ako maggu-grow.

“Kasi siyempre, kailangan kong i-secure ang future ko.

“Hindi naman puwedeng grab lang nang grab.”



SECURING HIS FUTURE. Ano ang tungkol sa future niya ang gusto niyang i-secure? Mag-aasawa na ba siya?

“Hindi naman,” nakangiti niyang sabi.

“Wala [pa] akong balak na mag-settle-down.

“Pero sa tingin ko, isa ako sa mga artistang concerned sa kung ano ang mangyayari for the next five to ten years.”

Twenty-seven years old na ngayon si JC.

Ano ba ang gusto niyang mangyari para masabi niyang na-secure na niya ang kanyang future?

"Well, maganda na makakuha ka ng black and white na contract, di ba? Kahit saang network.

“Kahit five years, mabigyan ka ng assurance para makapagplano ka.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Puwede kang bumili ng bahay or puwede ka na bang magdalawang anak. Kasi, ito ang income mo for that time.

“Yun sana ang gusto kong makita.

“Siyempre, makakapagplano ka within five to ten years. Basta may hawak kang kontrata o assurance.

“Ako, concerned ako doon. Ewan ko sa iba.

“Ako kasi, hindi ako naka-graduate ng college. Kapag nawalan, mahirap.”

Biro naman namin sa kanya, wala pa ba siyang naiipon talaga na malaki-laki na rin?

“Nag-iipon ako, as in marami akong ipon. Pero, di ba, hindi naman tayo maramot na pang-akin lang.

“Meron akong kapatid. Meron akong magulang, di ba?

“Meron din akong mga charity—sa bahay!” natawa niyang sabi.



BURN NO BRIDGES. Bilang paglilinaw, inulit ng PEP ang tanong sa kanya tungkol sa nababalitang intensiyon niyang bumalik daw sa GMA-7.

Sabi ulit ni JC, wala siyang nakakausap mula sa Kapuso network.

“Siguro merong mga tao na nakakausap ko na binibiro ako, ‘O, balik ka na ng GMA.’

“’Sige,’ ganun naman ako. Pero, biro-biro.”

Sa palagay ba ni JC ay wala siyang nasunog na tulay nang umalis siya ng GMA-7 at lumipat sa TV5 noong 2010?

Matatandaang naging maingay ang pag-alis ni JC sa Kapuso network dahil dito rin nagsimula ang alitan ng kanyang manager na si Annabelle Rama at ang dating SVP for Entertainment ng GMA-7 na si Wilma Galvante.

Ayon naman kay JC, “Wala akong kaaway. Never akong nagkaroon ng kaaway sa buong career ko sa GMA.

“Wala akong nakabangga maski na isang staff. Wala akong nakasagutan kahit na isa sa mga boss.

“Wala, as in clean slate ako sa GMA. Kahit na noong nasa GMA ako, clean slate ako.”

Ngayon ay nasa TV5 na rin si Wilma Galvante.

Tinanong namin kay JC kung may kinalaman ba ang pagpasok ni Wilma sa Kapatid network o may nabago ba sa takbo ng career niya sa TV5 kaya balitang gusto niyang bumalik ng GMA-7.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sagot ng aktor, “No. I don’t think naman na gagawin ni Ma’am Wilma yun sa akin.

“Whatever happened sa kanila ni Tita Annabelle, siguro naman she’s matured enough para hindi ako idamay do’n.

“I mean, hindi naman ako ang kaaway niya, hindi ako ang nakabangga niya, e.

“Parang ako, yun nga, lumugar lang ako sa tama.

“Hindi ko rin sure kung ano ang ginawa ko that time. Ang bilis ng mga pangyayari!” natatawa niyang sabi.

Dagdag pa ni JC, “Wala naman akong sinisisi sa mga sitwasyon o nangyari before.

“Lahat yun, magandang experience for me.

“At yun nga, eto ang turnout ng lahat ng experience na yun—gusto kong mag-decide para sa sarili ko.

“Yung ako naman ang magsasabi na ito ang gusto ko, ito sana ang puwedeng gawin.

“Hindi ko naman sinasabi na mag-demand ka. Sino ba ako para mag-demand?”



JC IS CONTENTED. Kumusta ang estado ng career niya ngayon? Kuntento ba siya o may hinahanap pa siya?

“Kuntento ako,” sagot ni JC.

“I mean, never akong naghanap o nagsabi na, ‘Ayoko ng show na ito, pangit.’

“Hindi ako ganoon. Sino ba ko? Wala ako sa ganoong level.

“Pero masaya ako. Lalo na sa Lokomoko, sobrang saya ko.

“Plus yung Cassandra, maganda ang character.

“First time kong mag-portray na full-length bulag na never ko pang nagawa.

“Tulad nga ng sabi ko, nagbibigay sila [TV5] ng mga ways para maka-experience ako ng panibagong bagay.

“So, ang hirap para sa akin. Dito ko nagagawa. Nakakapag-explore ako.”

Wala naman daw naging panghihinayang si JC nang umalis siya noon sa GMA-7 at lumipat sa TV5. Kahit na noong panahon na iyon ay nagsisimula na siyang i-groom ng Kapuso network bilang leading man.

Sabi niya, “Wala akong nire-regret. Kasi, parang tinitingnan ko siya on a brighter side.

“Kung hindi nangyari yun, hindi ako ganitong mag-isip ngayon, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Or, sabihin natin na walang away, parang ganoon nang ganoon na lang pala ang nangyayari.

“May nag-aaway na pala sa likuran ko nang hindi ko alam.

“Maganda na rin yun na nangyari.

“At least ngayon, nagkakaroon na ng linaw ang lahat ng bagay. Nagkakaroon na ng sagot ang mga tanong ko na matagal na... sa sarili ko.

“So, okay rin, okay rin na ganito.”

Dugtong pa niya, “Siguro, iniisip ng iba, ayan na naman ako, may ingay na naman. May desisyon na naman ako para sa sarili ko.

“Pero, tingin ko, dito sa desisyon na ginawa ko, tama.

“Siguro para sa iba… actually, wala akong pakialam.”

Ang pamilya naman daw niya ay nakasuporta sa kanya. Pero sa ngayon daw, hinahayaan siya ng kanyang pamilya kung ano ang gusto niya.

“Tumatanda na tayo, e!” natatawang sabi ni JC.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN