Annabelle Rama lashes back at cousin for filing complaints against her

“Gusto mong maglabasan tayo ng baho? Sige, sasabihin ko lahat.” Ito ang hamon ni Annabelle Rama sa kanyang pinsang buo na si Jose del Prado Jr. matapos sampahan ng reklamong estafa at paglabag sa Anti-Bouncing Check Law ang talent manager dahil diumano sa tumalbog na tsekeng nagkakahalaga ng P1.5 million.



Nagngingitngit sa galit si Annabelle Rama matapos siyang sampahan ng reklamong estafa at paglabag sa Anti-Bouncing Check Law ng kanyang pinsan na si Jose Vicente Rama del Prado Jr. noong August 1, Huwebes, sa Cebu City Prosecutors’ Office.

(Read: Annabelle Rama faces estafa complaint from first cousin over bouncing check)

Hindi agad nakunan ng pahayag si Annabelle dahil nasa U.S. ito nang lumabas sa Cebu Daily News ang paghahain ni Del Prado ng kanyang mga reklamo.

Ang yumaong ama ni Annabelle at ang ina ni Del Prado ay magkapatid.

Sa pamamagitan ng kanyang Twitter account na @annabellerama2, sinagot ng talent manager kaninang madaling-araw, Agosto 8, Huwebes, ang mga paratang sa kanya ng pinsan niya.

Nakabalik na ng Pilipinas ang talent manager kanina.


ANNABELLE ANSWERS BACK. Ang mga sagot ni Annabelle ay nahahati sa 29 bahagi sa Twitter account niya.

Sinimulan niya ito sa pagsasabing pagdating na pagdating niya sa Pilipinas ay isang masamang balita ang agad na nakarating sa kanya.

Ang publicist ng mga Gutierrez na si Jun Lalin daw ang nagsabi sa kanya hinggil sa reklamong isinampa laban sa kanya ni Del Prado.

Halatang galit si Annabelle sa kanyang pinsan dahil pinagmukha umano siya nitong “pulubi/hustler,” habang ipinalabas umano ng complainant na inosente siya.

Pinatamaan ni Annabelle si Del Prado na magaling daw itong gumawa ng istorya tinawag din niya itong "social climber."

Ang pangunahing reklamo ni Del Prado ay ang pagtalbog umano ng tseke, na galing kay Annabelle, na nagkakahalaga ng P1.5 million.

Ayon sa salaysay ni Del Prado, nang tumakbo sa pagka-Kongresista si Annabelle sa Cebu City North District ay nilapitan siya nito upang humingi ng tulong sa pamamagitan ng pagpapalit ng kanyang tseke.

Inendorso naman daw ni Del Prado ang tseke sa kanyang kapatid na si Dr. Alfonso del Prado, para may magamit umano ni Annabelle sa kanyang pangangampanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Subalit ilang buwan matapos ang eleksiyon, nang ipapalit na ng kapatid ni Del Prado ang tsekeng galing kay Annabelle sa bangko ay tumalbog daw ito.

“Sinong pumilit sa akin na iclose ang acct ko, di ba ikaw?” buwelta ni Annabelle kay Del Prado sa kanyang Twitter post.

Kinontra rin ni Annabelle ang sinabi ni Del Prado na ang perang P1.5 million ay galing sa kapatid nitong doktor.

Ayon sa talent manager, ikinukuwento raw sa kanya ni Del Prado na sobrang kuripot ng kanyang kapatid.

Hinamon pa ni Annabelle si Del Prado na ilabas ang patunay na natanggap nga niya ang P1.5 million cash.

Inakusahan din ni Annabelle si Del Prado na kumuha sa kanya ng mga alahas para sa misis nito, subalit hindi pa raw nito binabayaran hanggang ngayon.

Sumbat pa ni Annabelle, kahit hindi siya binabayaran ni Del Prado sa utang nito sa kinuha nitong alahas ay hindi siya nagdemanda.

Binanggit din ni Annabelle na yumaman daw si Del Prado dahil sa pagiging manager ng “Pino Rest”—na maaaring ang tinutukoy niya ay ang Pino Filipino Restaurant sa Cebu.

Pero sinabi rin ni Annabelle na pinatalsik diumano si Del Prado sa nasabing restaurant dahil sa “pagdispalko” nito sa pera ng taong nagngangalang "Amparito."

Pinasinungalingan din ni Annabelle sa kanyang tweet ang sinabi ni Del Prado na ang P1.5 million na hiniram niya ay kanyang ginamit sa pangangampanya.

Isasampal daw ng talent manager sa pinsan ang kanyang tatlong bank book, kung saan nagmula raw ang pondong ginamit niya noong panahon ng kampanya.

DEL PRADO’S FAULT? Sinabi rin ni Annabelle na si Del Prado ang may kasalanan kung bakit siya natalo noong May 2013 elections.

Bago pa nagsampa ng demanda si Del Prado ay nauna nang nagpa-interview si Annabelle. Sinabi nitong tinraydor diumano siya ng pinsan at kumampi sa kalaban niyang si Raul del Mar.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Del Mar ang nanalo bilang kongresista ng Cebu City North District.

Sinabi rin ni Annabelle na dahil sa ginawang iyon ni Del Prado ay hindi niya ito mapapatawad.

Hinamon din ni Annabelle si Del Prado at sinabi nitong maglabasan sila ng baho sa hearing.

Isiniwalat din ni Annabelle na tuwing pupunta si Del Prado sa Beverly Hills, California, ay sa "condo" ito nakikitira.

Inakusahan din niya si Del Prado na nagdadala ng babae sa nasabing condo.

Hindi naman binanggit ni Annabelle kung ang condominium na ito ay pagmamay-ari ng kanilang pamilya.

“See you in cebu, sumipot ka sa hearing ha? Excited na akong makita ang pagmumukha mo…” hamon pa ni Annabelle kay Del Prado sa kanyang tweet.

Sa kasalukuyan ay sinusubukan na ng PEP na kunin ang panig ni Del Prado kaugnay ng mga pahayag na ito ni Annabelle.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN