Claudine Barretto’s camp cries foul over hearing of PPO despite request for postponement

Ipinagtataka ng kampo ni Claudine Barretto kung bakit natuloy pa rin ang hearing para sa petition for Permanent Protection Order (PPO) ng aktres laban sa asawa nitong si Raymart Santiago kahapon, December 19, sa Marikina Regional Trial Court, gayong hiniling nilang ipagpaliban muna ito dahil umano sa hindi maiwasang mga pangyayari.


Hindi ikinatuwa ng kampo ni Claudine Barretto ang nangyaring pagdinig sa kanyang kasong Permanent Protection Order (PPO) laban sa dating asawang si Raymart Santiago kahapon, Disyembre 19.

Nag-abiso na raw kasi sila sa Marikina Regional Trial Court na hindi makakadalo ang sinuman sa kanilang panig dahil sa mga umano’y hindi maiiwasang pangyayari.

Sa naturang pagdinig, dumating si Raymart at ang mga kapatid ni Claudine na sina Gretchen Barretto at J.J. Barretto.

Tumestigo sa korte kahapon si Gretchen, bilang witness ni Raymart, laban kay Claudine.

Sa labas ng korte naman ay ikinuwento rin ni Gretchen sa media ang diumano’y pagbabanta ng kanilang ama na si Miguel Barretto, na kung tetestigo sila sa korte ay babarilin at papatayin sila nito.

Read: Gretchen Barretto testifies against sister Claudine in court; claims dad Mike Barretto threatened to "kill" her

Ayon sa email ng abugado ni Claudine na si Atty. Ferdinand Topacio sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong araw, December 20, sinabi nitong nagpadala sila ng request for postponement sa sala ni Judge Geraldine Fiel-Macaraig ng Branch 192.

Ito ay dahil nagkasakit daw siya, at ang pangalawang abugado naman ni Claudine ay may dinaluhang hearing.

Tinuligsa niya ang pagkakatuloy ng hearing dahil daw labag ito sa karapatang pantao ni Claudine.

Ngunit hindi nagbigay ng anumang komento ang abugado ni Claudine tungkol sa mga naging pahayag ni Gretchen.

Sa huli, sinabi ng kampo ni Claudine na gagawin nila ang lahat ng remedyong legal upang maipaglaban ang karapatan ng aktres.

STATEMENT OF CLAUDINE’S CAMP. Narito ang kabuuang pahayag ng kampo ni Claudine (published as is):

"Labis kaming nababahala sa mga pangyayaring naganap ngayong umaga [December 19] sa sala ni Judge Geraldine Fiel-Macaraig tungkol sa kaso ni Ms. Claudine Barretto.

"Kami po ay humingi ng pagpapaliban ng hearing dahil sa mga sumusunod na kadahilanan:

"Si Atty. Topacio, na siyang lead counsel sa nasabing kaso, ay may malalang karamdaman.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siya ay isinugod kahapon [December 18] sa Asian Hospital sapagkat siya ay may diarrhea, nagsusuka, at matindi ang pananakit ng kanyang tiyan.

"Doon, siya ay ni-rehydrate, binigyan ng pain killer, at niresetahan ng gamot para sa amoebiasis, loose bowel movement, at sakit ng tiyan.

"Si Atty. Lomangaya, na Second Chair sa kaso, ay humarap sa Sandiganbayan kaugnay sa kaso ni dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo sa tinatawag na ’chopper case,’ kaya’t hindi rin makakarating.

"Silang dalawa lamang ang litigation lawyers ng Topacio Law Office.

"Si Atty. Arturo Topacio, 83 years old, ay naka-wheel chair at hindi na humaharap sa hukuman.

"Si Atty. Marisar Cabitingan ay bagong pasa ng Bar at aming legal researcher, hindi din siya humaharap sa hukuman.

"Ang sakit ni Atty. Topacio ay may kaukulang Medical Certificate na may lagda ng emergency doctor ng Asian Hospital.

"Ang Sandiganbayan hearing ay may Order na noon pa iginawad.

"KAHIT SAANG HUKUMAN AY PINAGBIBIGYAN ANG POSTPONEMENT NG KASO KAPAG ANG DAHILAN AY KARAMDAMAN NG ABOGADO. HINAHAMON KO ANG SINO MAN NA IPAGTANONG ANG BAGAY NA ITO SA KAHIT SINONG HUWES O HUKUMAN SA KAHIT NA ANONG LUGAR SA PILIPINAS.

"Ngunit nakapagtataka sapagkat hindi pinakinggan ng huwes ang aming kahilingan, gayong ang nais lamang namin ay maipagpaliban hanggang Lunes, ika-23 ng Disyembre, ang pagko-cross examine sa mga saksi ni G. Santiago.

"Ito ay sa kabila pa rin ng paglabag sa ilang mga alituntunin tungkol sa paghahain ng mga testify.

"Mas nakakagimbal pa nang ipagpilitan si Atty. Cabitingan na ituloy ang pag-cross examine sa mga saksi, gayong sinabi na niya na hindi siya ang assigned na lawyer sa aktong iyon at wala sa kanya ang records ng kaso.

"Mayroon pang motion na pinagbigyan na hindi naman namin malalaman sapagkat hindi ito ipinag-bigay alam sa amin.

"Ang pangyayaring ito ay hindi pangkaraniwan at labag sa mga karapatan ni Bb. Barretto, at aming mariing isinusumpa na aming gagawin ang lahat ng remedyong legal upang ipaglaban ang mga karapatan ni Bb. Barretto."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN