Wowie de Guzman answers speculations about his wife’s death

Wowie de Guzman on what he regrets most about his wife’s death: “Yung one month kasi na nanganak na siya, parang nakalimutan namin ang isa’t isa because naka-focus kami sa baby. Hindi na kami nagyayakap, hindi kami nagki-kiss, because yung baby ang attention namin. Kung puwede lang ibalik, sana niyakap ko siya nang mahigpit, sana kinausap ko siya nang masinsinan. At sinabi ko na mahal na mahal ko siya… sana.”


Sa gitna ng pagdadalamhati ng dating matinee idol at miyembro ng Universal Motion Dancers (UMD) na si Wowie de Guzman, dahil sa biglaang pagpanaw ng kanyang misis, ay may paratang ding lumalabas tungkol sa kanya.

Pumanaw si Sherryl Ann Reyes, 26, isang buwan pagkatapos isilang ang kanilang panganay na anak ni Wowie na si Alexandria Rafael.

Hinatid sa kanyang huling hantungan si Sherryl noong Sabado, May 3, sa Lubao, Pampanga.

Kinabukasan, May 4, ay live na nagpa-interview si Wowie sa Buzz Ng Bayan ng ABS-CBN.

Dito ay sinagot ng dating matinee idol ang paratang na ginagamit niya diumano ang pagkamatay ng kanyang asawa upang umingay muli ang showbiz career niya.

Saad ni Wowie tungkol dito, “Hindi naman po ako naghahanap ng interview o nanghihingi ng interview.

“Actually, nakikiusap sila sa akin. Pinagbibigyan ko lang.

“I feel na miyembro pa rin naman ako ng industriya kahit na hindi naman ako ganoon ka-visible sa TV.

“Karapatan naman siguro ng tao na malaman kung ano ang nangyari because ang daming nagtatanong.”



NO AUTOPSY. Ang isa pa sa naging usap-usapan ay ang desisyon ni Wowie at ng mga magulang ni Sherryl na huwag nang ipa-autopsy ang katawan nito nang mamatay.

Paliwanag ni Wowie dito, “Kasi, noong time na nandoon kami sa ER [emergency room], i-pronounce na wala na siya, siyempre noong nandoon kami, hindi pa nagsi-sink in ang nangyari.

“Masyadong… ang gusto ko lang, malapitan ko ang asawa ko, mayakap nang mahigpit.

“Talagang unexpected.

“Even yung family niya, na kasama ko, noong tinanong kami about it, napagkasunduan na huwag muna.

“Until now, hindi pa rin kami maka-move on, masakit pa rin.

“Until now, nagkakagulo pa rin sa bahay.

“Siguro sa mga darating na araw, kapag bumaba na ng konti at matanggap na namin unti-unti, siguro po, doon maliliwanagan na ang mga isip namin.

“Sa totoo lang po, hindi naman po ganoon kadali ang nangyari sa buhay namin.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



MOVING ON. Kumusta na siya ngayon isang araw pagkatapos mailibing ng kanyang asawa?

Saad ni Wowie, “Mahirap po.

"Like, kahapon, pagkatapos ng lahat… nang mag-uwian na, hindi mo alam kung ano na ang susunod.

“Especially sa akin, umikot ang mundo ko sa asawa ko lang.

“Lahat ng desisyon ko, tinatanong ko sa kanya, ultimo lalabas ako sa TV, tinatanong ko sa kanya.”

Para siyang napilayan?

“Oo, hindi ko nga alam kung paano ako magdedesisyon sa isang bagay.

“Like, for example, may mag-i-interview sa akin, tinatanong ko siya…

“Ang laki ng nawala sa akin. Nagkaroon ng patlang ang buhay ko bigla.

“Hindi ko alam… sabi ko nga, paano ko kaya tatapusin ang araw na wala ang asawa ko?”

Noong sinabing wala na si Sherryl sa hospital, ano ang naglaro sa puso at isipan niya?

Sabi ni Wowie, “Hindi po ako makapaniwala talaga.

“Noong nangyayari po yun, parang hindi normal yung nararamdaman mo.

“Sabi ko nga, kapag tinatanong nila ako kung ano ang nararamdaman ko, sabi ko nga, ang kaluluwa ko, parang umangat ng one inch sa katawan ko.

“Ayaw mong maniwala na nangyayari lahat ‘to.”

Gusto raw nilang ilaban, kinakausap nila ang mga doktor?

“Ngayon pa lang po kasi kami nag-uusap-usap… talagang nakikiusap kami.

“Every time na lumalapit sila, talagang gustong sumabog ng dibdib ko. Naririnig ko, kasi malapit lang sa akin.

“Gusto kong marinig yung dire-diretso, pero wala akong naririnig.

“Kaya nakikiusap ako sa lumalapit sa amin na, ‘Sige pa, sige pa. Ipagpatuloy pa.’

“Sa totoo lang, napakatagal.

“Hindi ko nga alam kung gaano... ang alam ko inabot ng ilang oras, tina-try talaga nila na buhayin ang asawa ko.”



SINGLE FATHER. Ngayong single father na siya, saan siya humuhugot ng lakas para mapalaki si Baby Rafi?

Ayon kay Wowie, “Sa anak ko lang lagi, tinitingnan ko siya.

“Kasi, kung magpapaka-weak ako ngayon, kawawa naman ang anak ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang tagal kong pinangarap na magkaroon ako ng sariling pamilya.

“Masakit yung nangyayari sa amin, pero kailangan kong magpakatatag para po sa anak ko.

“Kawawa naman ang anak ko kung bibigay ako.”

Paano na ang buhay niya ngayong wala na ang asawa niya, na tinatanungan niya ng halos lahat ng bagay, naghahanda ng mga bagay para sa kanya?

Saad ni Wowie, “Hindi pa rin nagsi-sink in lahat. Parang hindi pa rin totoo.

“Hindi lang ako ang apektado, even yung mga family member namin.

“Until now, parang ayokong mag-isa doon sa kuwarto. Lumalabas ako.

“Kahit saan ako tumingin, nandoon siya.”

Sinabi ng ina ni Sherryl at biyenan ni Wowie na maaaring manatili ang aktor sa tahanang tinutuluyan nila ng namayapang asawa sa Pampanga. Kung ano raw ang nandoon ay kanya na rin dahil anak na rin siya ng mga magulang ni Sherryl.

Ano ang masasabi niya dito?

“Kami kasi, apat kami—yung mom niya, yung dad niya, siya [Sherryl], at ako.

“Sobrang close kami, kasi nga, doon kami nakatira sa house ng in-laws ko.

“Yung naging bonding namin for two years, parang anak na nila ako.

“At napakabait nila, sobra.

“Kaya kung aalis na ako, yung idea lang na malaman nila na mawala ako doon, of couse kasama ko yung anak ko.”

Naiisip niya ba minsan na baka may nagawa siyang mali kaya nangyari ang lahat ng ito?

Sabi ni Wowie, “Yes, hindi nawawala yung sisihin ko ang sarili ko.

“Sana mas naging hindi ko… kasi, yung wife ko, medyo mataray sa akin palagi.

“Pero at that time kasi na tumataas ang blood pressure niya, iniiwasan ko na makipagtalo sa kanya because baka nga tumaas.

“After niyang manganak, noong makita ko siya, kasi CS [caesarean section] siya, lumaki lalo ang respeto ko sa kanya.

“Kasi, ang hirap palang maging ina.

“Sabi ko, ‘Lahat ng gusto mo, ibibigay ko sa ‘yo, hindi na ako makikipagtalo sa ‘yo.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero siguro, kung pinilit ko siya mag-check-up siya, siguro puwedeng malaman namin kung ano ang nangyayari sa kanya.”



WOWIE’S PRAYER. Ano ang dasal niya?

“Yun lang, para lang sa anak ko.

“Kasi, gusto kong matupad lahat ng pangarap naming dalawa para sa anak ko.

“Sinabi niya na gusto niyang maranasan ng anak namin ang hindi namin naranasan noong bata kami.

“Medyo mahirap kasi, hindi ako… nasanay ako na kasama ko siya sa lahat ng desisyon.

“Hopefully, tulungan ako ni She, kahit wala na siya.

“Sana palaging may sign. Sana huwag niya akong pabayaan kahit na wala na siya.”

May mga bagay ba siyang hindi nasabi sa asawa niya?

Sabi ni Wowie, “Yung one month kasi na nanganak na siya, parang nakalimutan namin ang isa’t isa because naka-focus kami sa baby.

“Hindi na kami nagyayakap, hindi kami nagki-kiss, because yung baby ang attention namin.

“Kung puwede lang ibalik, sana niyakap ko siya nang mahigpit, sana kinausap ko siya nang masinsinan.

“At sinabi ko na mahal na mahal ko siya… sana.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN