#AlDub Fever: Alden Richards and Maine Mendoza starting to show their true feelings for each other

Kung pagbabasehan ang mga ikinikilos nina Alden Richards at Maine Mendoza sa KalyeSerye ng Eat Bulaga!, mukhang nadadala na ang dalawa at totoong kilig na ang kanilang nararamdaman para sa isa't isa.


Totohanan na ba ang nararamdaman nina Alden Richards at Maine Mendoza para sa isa't isa?

Sina Alden at Maine o Yaya Dub ang bumubuo sa itinuturing na pinakasikat na loveteam ngayon sa bansa—ang AlDub.

Sa loob ng anim na linggo mula nang magsimula ang kanilang tambalan sa KalyeSerye ng Eat Bulaga! ay napapansin ng mga manonood, at maging ng mga kasamahan nina Alden at Maine sa programa, na mukhang totoo na ang ipinapakitang ngiti at kilig ng dalawa.

Sa episode ngayong hapon, August 27, ay pinansin nina Joey de Leon, Wally Bayola, at Jose Manalo ang kakaibigang kilig ni Maine kapag ipinapakita sa screen si Alden at habang nagpapalitan sila ng fan signs.

Kapansin-pansin din na nilalagyan ni Maine ng kanyang tunay na pangalan ang fan signs niya para kay Alden.

Pinansin naman ni Joey ang pagiging "blooming" ngayon ni Maine.

Sinita rin ni Wally si Maine na hindi na nito pinapapangit masyado ang kanyang mukha tuwing nagda-Dubsmash.

Sabi pa ni Wally bilang Lola Nidora kina Alden at Maine: "Oy, aktingan lang 'to! Huwag ka namang ano!"

Kaya naman direktang tinanong ni Wally si Alden: "Seryoso ka ba talaga kay Maine?"

Tumawa lamang noong una si Alden, na halata ring nag-blush, pero pagkatapos ay nagsulat siya ng “OPO” sa fan sign.

Sa isang punto rin ng KalyeSerye kanina ay naka-freeze na dapat silang lahat, pero patuloy pa rin sa pagpapalitan ng fan signs sina Alden at Maine.

Kaya sabi tuloy ni Wally kay Jose: "Parang tayo na lang ang uma-acting dito!"

Muntik na ring ibuko nina Jose Manalo at Ryan Agoncillo ang mga sinasabi raw sa kanila ni Alden tungkol kay Maine/Yaya Dub kapag nagkukuwentuhan sila.

Siyempre pa, gusto rin ng halos lahat ng AlDub fans na magkatuluyan sa tunay na buhay sina Alden at Maine.

Kaya naman nagkalat na sa social media ang memes o fan arts ng dalawa, gaya nito:

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

WOW! -- credits to @lizquenatics430 #ALDUBTULOYANGFOREVER @EatBulaga @gmanews @aldenrichards02 @mainedcm pic.twitter.com/PRUocnqmaB

— ALDUB FANATICS (@iwisheart) August 24, 2015



WEEKSARY. Nagsimula ang AlDub loveteam nang minsang masilayan ni Yaya Dub si Alden sa screen, eksaktong anim na linggo na ang nakararaan.

Kung dati ay masungit at hindi ngumingiti si Yaya Dub, hindi niya napigilang ngumiti at kiligin nang makita si Alden sa screen.

Sa tunay na buhay kasi ay crush talaga ni Maine si Alden.

Mula noon ay sinubaybayan na ng mga manonood ang pagpapakilig nina Alden at Yaya Dub sa telebisyon araw-araw, hanggang sa magkaroon na nga ng sinasabing "AlDub fever."

Bilang paggunita ng kanilang sixth weeksary ngayong araw, naghanda si Alden ng mga bulaklak para kay Yaya Dub sa lobby ng Broadway Centrum.

Gamit ang petals o talulot ng mga bulaklak ay nagsulat pa si Alden ng “Aldub you” na nilagyan pa niya ng smiley.

Ssssshhh.. May busy nag aayos para sa Weeksary.. Happy Weeksary! #HappyALDUBWeeksary

Posted by Eat Bulaga on Wednesday, 26 August 2015

Naipadala na rin ni Alden kay Lola Nidora (Wally)—na nasa Paombong, Bulacan, kasama si Yaya Dub—ang mga ipinabili nitong pili nuts candies mula pa sa Bicol.

Hindi rin siyempre nakalimutan ni Alden na pasalubungan si Maine ng sumbrero, na binili rin niya sa Bicol nang magpunta siya rito kahapon August 26.

Bagamat natuwa at nagpasalamat si Lola Nidora sa mga ipinadala nitong mga pasalubong, tila hindi pa rin siya lubusang nakuntento dahil wala raw laing at pinangat—dalawa sa pinakakilalang putahe sa Bicol.

Kaya naman binigyan ni Lola ng panibagong hamon si Alden: bumalik siya sa Bicol para bumili ng laing at pinangat.

Kapag nagawa niya ito, papayagan daw ni Lola Nidora si Alden na siya mismo ang magdala ng mga ipinapadala niyang ulam sa kinaroroonan nila ni Yaya Dub sa Sabado, August 29.

Ito na kaya ang “tamang panahon” para magkita sina Alden at Yaya Dub? Abangan!


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN