“Kapag napupuno siya ng galit, talaga. Parang iyon yung, siguro hindi niya mapigilan, or talagang iyon na yung paraan na alam niya pag wala na siyang ibang magawa para lumaban.”
Ito ang kuwento ni Janine Gutierrez tungkol sa pagbuga niya ng apoy bilang Dragon Lady.
Simula Lunes, March 4, sa GMA Afternoon Prime, gaganap si Janine sa Dragon Lady bilang Celestina Sanchez, at leading man niya dito si Tom Rodriguez bilang Michael Chan.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Janine sa mediacon ng Dragon Lady noong February 28 sa Shangri-La Finest Chinese Cuisine Restaurant sa Quezon City.
Dahil sa sumpa at suwerte, babaeng itsurang dragon ang papel ni Janine sa naturang fantasy series.
May eksena ba na gaganda siya?
“So far, wala, e. Wala, as in ganyan talaga ang itsura niya.
“Pero later on, merong mangyayari na talagang malaking moment sa kuwento kung saan magkakaroon ng parang mala-Phoenix na moment”
Sa Greek mythology, ang phoenix ay isang ibon na kayang mabuhay ulit matapos mamatay at maging alabok.
Samantala, hindi pa raw nagkakasama sa taping si Janine at si Tom, kaya hindi pa siya makasagot kapag natatanong kung kumusta katrabaho ang kanyang leading man.
“Kasi ang mag-uumpisa po talaga ng kuwento sina Bea Binene, Derrick Monasterio, Kristoffer Martin, sila yung magpapakita ng back story ng pamilya nila Joyce Ching at pamilya ko.”
Ang mga artistang nabanggit ni Janine ay gaganap bilang mga batang karakter sa serye.
Sabik naman si Janine na makasama si Tom sa trabaho.
Aniya, “Pero I’m really excited to work with Tom, dati ko pa siyang gustong makatrabaho sa GMA. Lagi kong hinihiling kay mama na, ‘Sana Ma, si Tom yung maka-partner ko, or si Dennis.’”
Dati ay ang ina niyang si Lotlot de Leon ang manager ni Janine, ngunit ngayon ay si Leo Dominguez na ang humahawak sa showbiz career ng Kapuso actress.
Bakit sina Tom at Dennis ang gusto niyang makatrabaho?
“Kasi sila po yung mahuhusay talaga na artista na pinapanood ko talaga.
“Sinasabi ko nga kay Tom, umuuwi ako nang maaga dati para manood ng My Husband’s Lover.”
Ang My Husband's Lover ay ang phenomenal drama series nina Tom at Dennis sa GMA-7 noong 2013.
Dugtong ni Janine, “So natupad na itong pangarap ko na makatrabaho siya.”
Fantasy-drama ang Dragon Lady, na una ay inakala ng iba na isang matinding action-drama series na may kung fu scenes.
Paliwanag ni Janine tungkol dito, “So far, mas fantasy at mas drama talaga. Pero tingnan natin, hindi natin alam kung baka puwedeng may matutunan din siyang kung fu or karate or kung anuman.”
Sa tunay na buhay ay may pagka-“dragon” ba si Janine? Kailan lumalabas yung pagiging “dragona” niya?
“Siguro pag tinanong niyo po yung mga kapatid ko sasabihin nila dragon nga ako,” at tumawa si Janine.
“Pero kasama na yun siguro sa pagiging ate, na ako yung istrikto, ako yung nagagalit, nanggigigil, at iba pa.
“Siguro nanggagaling na rin siya from a place of love na parang minsan hindi mo maiwasan na nagiging strict ka, or parang pinapangaralan mo.
“Ako medyo ganun ako bilang ate, hindi ko mapigilan.”
Protective at loving ate si Janine sa mga kapatid niyang sina Jessica, Diego, at Maxine Gutierrez.
Nagiging "dragon" din daw si Janine kapag inaabot ng gutom sa gitna ng matinding traffic sa kalye.
Sa direksyon ni Paul Sta. Ana, nasa Dragon Lady din sina Diana Zubiri, DJ Durano, James Blanco, Maricar de Mesa, Edgar Allan Guzman, Odette Khan, Dexter Doria, Lovely Abella, at Julie Lee.
May special participation naman sina Isabelle de Leon, Denise Barbacena, Mosang, at Carlene Agulilar.
