Matapos maurong ang pagpapalabas,
finally ay mapapanood na sa Agosto 24
ang bagong primetime teleserye ng ABS-CBN na Katorse. Pinagbibidahan ng 2005 Star Circle Quest Grand Questor na
si Erich Gonzales, ang Katorse ay
inspired ng 1980 film na nag-launch sa career ni Dina Bonnevie noon. Directed by the late Joey Giosiengfao, ang coming-of-age film of the same title ay pinagbibidahan rin ni Gabby Concepcion.
Mismong si Erich ang nagpaliwanag sa
mga press kasama na ang PEP (Philippine Entertainment Portal) during the presscon
na ginanap kamakailan sa 9501 restaurant ng ABS-CBN kung bakit na-delay ang Katorse gayundin ang nararamdaman niyang
kaba sa unang title role niya sa telebisyon.
"Nagsu-shoot po kami sa Batangas,
sobrang sama po ng panahon noon, yun po kaya medyo natagalan. Pero tuluy-tuloy
pa rin po ang trabaho namin. Nandun po ang kaba at saka excited din. Mixed
emotions po. Kaya nga po sana maraming manood at sumuporta po sa amin," ani
Erich.
Masayang-masaya din si Erich dahil matapos ang matagal din niyang paghihintay ay dumating na ang big break para sa kanya. Ginagampanan ni Erich ang role ni Nene, isang katorse anyos na dalagita na sa kanyang murang edad ay nahaharap na agad sa masalimout na buhay kaugnay na rin ng kanyang maagang pagbubuntis.
"Alam naman po nating lahat na ang tagal kong naghintay, kaya I'm so thankful
and I feel so blessed. Sa dinami-dami po ng artista ngayon, ako pa
po ang napili," wika ni Erich.
Ayon pa kay Erich, ang Katorse ang biggest challenge sa kanyang
acting career, lalo na't may mga kissing at love scenes na kailangan niyang
gawin kasama ang kanyang mga leading men.
Kasama ni Erich sa Katorse ang
tatlong leading men niya na pawang mga baguhang sina Pinoy Big Brother Teen Edition Plus Winner Ejay Falcon,
model-athlete Xian Lim at actor-champion swimmer Enchong Dee.
Nakatulong ng malaki para maalis ang kanyang hiya at mahas pa ang pag-arte niya
sa pamamagitan ng pakikipag-bonding at pag-undergo ng workshops kasama ng mga
leading men niya.
"Malaking tulong po talaga yung
pag-undergo namin sa acting workshop pati sa sensuality workshop para maging
comfortable ako with my leading men sa mga daring scenes namin. Nanood din po
ako ng movie version ng Katorse ni
Ms. Dina Bonnevie. Nag-aral din po ako ng ibang acting techniques sa panonood
ng movies na related sa role ko," sagot ni Erich nang matanong kung paano niya
pinaghandaan ang kanyang role lalo na't hindi naman niya ito naranasan in real
life.
Ginagampanan ni Ejay ang role ni
Gabby Arcanghel, ang kababata ni Nene at makakabuntis sa dalagita. Siya ang
"bad boy" sa istorya dahil tinanggihan niyang panagutan ang dinadala ni Nene.
Malalaman ang tunay na katauhan ng kanyang karakter sa pag-usad ng kuwento. Sa
movie version ng Katorse ay
ginampanan ni Gabby Concepcion ang role na ito.
"Hindi naman po ako bad boy dito
hanggang sa huli. Basta po may mangyayari sa kuwento na dapat n'yong abangan.
Basta masaya po ako sa break na ito na ibinigay ng ABS-CBN. Worth it naman po
ang paghihintay ko dahil major project pa po itong binigay nila sa akin. Alam
ko po hindi pa ako ganung kagaling umarte, willing naman po akong matuto.
Gagawin ko po ang lahat para sa ikagaganda ng show namin," pahayag ni Ejay.
Nakatatandang kapatid naman ni Gabby
na si Albert ang role ni Xian sa Katorse.
Siya ang bubuo sa naiibang triyanggulo ng pag-ibig sa pagitan ng kapatid at ni
Nene. Si Alfie Anido naman ang gumanap sa original movie.
"When I was told that I will be one
of the main cast of Katorse,
masayang-masaya talaga ako. Katorse
is really a big break on my part. To be working with such a great cast is
really a great experience. Promise ko pagbubutihan ko ang trabaho ko,"
sabi naman ni Xian.
Si Enchong naman ang kukumpleto sa
tatlong leading men ni Erich at ginagampanan niya ang role ni Jojo, ang matalik
na kaibigan ni Gabby na makakatulong at aalalay kay Nene sa pagdadalang-tao
niya.
"Bagong show, bagong challenge. I'm
so thankful sa ABS-CBN at hindi ako nawawalan ng projects. Nagkatrabaho na kami
dati ni Erich pero this is the first time na makatambal ko siya. Suportahan
lang kami lagi, of course kasama sina Ejay at Xian," sambit naman ni Enchong.
Gumaganap naman sa mahahalagang
roles sa Katorse sina Cherie Gil at Gardo Versoza bilang sina Margarita at
Anselmo Arcanghel, mga magulang nina Gabby at Albert; at si Malou de Guzman na
gumaganap naman bilang si Nena, ang nanay ni Nene. Kasama rin sa cast sina Eda
Nolan at Charee Pineda.
Sa direksyon ng premyadong direktor
na si Malu Sevilla, ang kuwento ng Katorse
ay iinog sa pag-ibig, paninindigan, pananagutan at pagiging isang batang ina.
Ang pinakabagong teleseryeng ito ay tiyak na pupukaw sa atensyon, hindi lamang
ng mga kabataan kundi pati na rin sa mga magulang ukol sa paggabay ng kanilang
lumalaking mga anak.
Mapapanood ang Katorse, simula Agosto 24 sa ABS-CBN Primetime Bida.