Gladys Guevarra surprised the televiewers as she appeared in the Pinoy BigBrother afternoon program titled Über. She was introduced as the newest celebrity housemate. She even said, while impersonating comedienne Mahal, "Siyempre naman, nandito na ako sa Kapamilya. Pasensya ka na. Churi, Churi [sorry, sorry]."

Photo: File photo



Isang sorpresa na naman ang inihatid ng Pinoy Big Brother Celebrity Edition 2 sa kanilang mga masugid na manonood kaninang hapon, November 28 sa afternoon program ng nito na Über.

Marami ang nagulat sa pagkakakita nila sa komedyanteng si Gladys Guevarra na ipinakilala bilang bagong housemate sa Bahay ni Kuya. Dalawang linggo pa lang ang nakakalipas magmula nang bumalik sa Pilipinas si Gladys mula New Jersey, kung saan nagbakasyon siya kasama ang U.S.-based boyfriend niyang si Philip Pedero.

Kahit ang PBB host na si Toni Gonzaga ay excited nang makita ang kanyang Ate Gladys. Ang dalawa ay huling nagsama sa afternoon variety show na Eat Bulaga! sa kabilang network, ang GMA-7.

Matapos magyakapan ang dalawa, tinanong ni Bianca Gonzales, isa pang host ng PBB, si Gladys kung anong pakiramdam na maging bahagi na ng mga Kapamilya.

"Siyempre ang saya kasi, una, 'di ba, bago lang 'tapos ang ganda ng welcome, ang warm. Wala namang, ano e... Hindi naman nakatali ang buhay ng bawat tao, e, so allowed ka namang gumalaw at magdesisyon ng mga bagay-bagay para sa 'yo," pahayag ni Gladys.

Sa kanyang muling paglabas sa telebisyon, ipinarinig ni Gladys ang talent niya sa panggagaya ng mga boses ng iba't ibang tao. Sa boses ni Mahal, sinabi ni Gladys, "Siyempre naman, nandito na ako sa Kapamilya. Pasensya ka na. Churi, Churi [sorry, sorry)]." At sa boses naman ni Annabelle Rama, "Alam mo, 'Day, dito sa pagalabas mo sa Bahay ni Kuya, siyempre alam ni Ropa 'yan, nagpaalam ako kay Ropa. Nagpaalam ako kay Ropa, 'Day."

At bago nga tuluyang pumasok sa loob ng Bahay ni Kuya, tinanong ng hosts si Gladys kung ano ang kanyang expectations sa loob ng bahay. Aniya, "Hindi ko nga alam, e, siyempre lahat surprise pa 'to for me. Pero nire-ready ko ang sarili ko dahil... Normal na buhay sa loob ng bahay. Gusto ko lang maramdaman kung papaano ako bibigyan ng task ni Kuya, kung papaano yung mga makakasama ko sa loob, kung papaano sila."

Ilang saglit pa ang nakalipas ay inihatid ni Bianca Gonzales ang pinakabagong housemate sa Bahay ni Kuya sa confession room. Doon ibinigay ni Big Brother ang kanyang pagbati sa komedyante bilang bagong housemate niya.

Gayundin, hindi na nagpaliguy-ligoy pa si Kuya at ibinigay ang unang task ni Gladys. Sinabi ni Big Brother sa komedyante na kailangan niyang magbigay ng comment sa mga nauna nang housemates na nagkakantahan noong mga oras na 'yon.

Ano kaya ang magiging reaksyon ng mga natitirang housemate kung nalaman nila na si Gladys ang kanilang singing judge? Tatagal kaya si Gladys sa loob ng Bahay ni Kuya?