"Ayoko na lang isipin, pero ang hirap talaga ng may kaso, especially gobyerno yung kalaban mo... Pangit mang pakinggan, I'm just expecting the worst things that might happen. Kung guilty, e, di guilty. Kung kulong, e, di dalawin n'yo na lang ako!" says Judy Ann Santos about her tax evasion case.

Photo: Noel Orsal

Bagama't humataw nang husto ang showbiz career ni Judy Ann Santos last year—blockbuster pareho ang mga pelikula niyang Ouija at Sakal, Sakali, Saklolo, at nag-hit din ang soap opera niyang Ysabella—hinarap naman ng young superstar ang marahil ay pinakamalaking problemang dumating sa kanyang personal na buhay: ang kaso niya sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na halos tatlong taon na ang itinatakbo.

Matatandaan na noong May 19, 2005 ay sinampahan ng BIR ng P6.76-million tax evasion suit si Judy Ann dahil diumano sa hindi niya pagdedeklara ng lahat ng kanyang income.

Binanggit ni BIR Commissioner Guillermo Parayno na imbes P11 million ang idineklarang kita ni Judy Ann noong 2002 mula sa ABS-CBN ay P8 million lamang ang idineklara nito sa kanyang income tax return. Dagdag pa rito, nakumpirma rin ng BIR mula sa Viva Productions na kumita rin ng P2.3 million for the same year at P815,000 naman nila sa Star Cinema.

Pagkatapos ng halos tatlong taon ay ongoing pa rin ang kaso ni Judy Ann. Kaya naman kahit na marami siyang kinikita mula sa kanyang mga proyekto, malaking bahagi nito ang napupunta sa BIR.

"Always ‘yon, whatever projects that I make, endorsement o hindi, meron akong naka-allot for them. Kumbaga, itong parteng ‘to ng suweldo ko, hindi ko na pakikinabangan ‘yan," pahayag ni Juday sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ilang araw bago sila lumipad ni Ryan Agoncillo sa U.S. para sa premiere ng Sakal, Sakali, Saklolo sa ilang key cities.

Hindi inililihim ng aktres kung gaano kahirap ang pinagdadaanan niya kaugnay ng kaso sa BIR.

"Ayoko na lang isipin, pero ang hirap talaga ng may kaso, especially gobyerno yung kalaban mo. Hindi na siya puwedeng i-settle kasi nasa CTA [Court of Tax Appeals] na siya. Pangit mang pakinggan, I'm just expecting the worst things that might happen. Kung guilty, e, di guilty. Kung kulong, e, di dalawin n'yo na lang ako!" natatawang sabi ni Juday, bagama't halata ang pag-aalala sa kanyang mukha.

Dagdag niya, "Ayoko nang mag-expect... Pero siyempre, may konting expectation na I hope na maayos, na sana matapos na ‘to. Kung puwedeng i-settle, i-settle na. Kung hindi man, ang ipinagdadasal ko na lang, kung ano man ang maging hatol, buong-puso ko siyang matanggap. Kasi wala naman talaga akong magagawa, but to accept whatever things that might happen."

Bagama't may mga hearing sa highly-publicized tax evasion case, hindi siya personal na dumadalo.

"Kasi sasabihin naman nila sa akin kung kailan. Puwede namang hindi ako mag-attend. Sasasabihin naman nila ako kung kailan ako magte-testify. Pero ayoko na sanang umabot sa pagte-testify, kasi baka himatayin ako talaga ng bonggang-bongga! Hindi ko talaga siya kakayanin!"

Nilinaw ni Judy Ann na iba ang kaso niya kay Richard Gomez na nagkaroon din ng problema sa BIR.

"Yung kay Richard kasi, wala pa sa CTA. Ako yung unang celebrity na pumasok sa CTA. Sabi nga nila, gusto nila ipakita sa mga tao na walang sinasanto ang BIR. Nagkataon lang na ako yung nabunot!" natatawa niyang paliwanag.

Ayon pa kay Juday, bagama't hindi man direktong nakaapekto sa kanyang career ang kaso niya sa BIR ay mahirap pa rin para sa kanya ang magkaroon ng ganitong klaseng problema.

"Hindi naman talaga naapektukhan," sabi niya. "It's just that nakaka-torture isipin na biglaan kang nagkakaso, to think na hindi mo naman talaga alam kung ano yung nangyari. Kasi batang-bata ka pa nun, e, wala kang kamuwang-muwang kung ano yung mga responsibility mo na dapat mong gawin.

"Kung may mali man ako, tinatanggap ko naman. Hindi ko naman din tatakbuhan yung kaso. Nirerespeto ko naman kung ano man yung gusto nilang proseso na mangyari. Kasi gobyerno ‘yan, e, wala naman akong kalaban-laban diyan," pahayag ni Juday.