"Ang sa akin lang, magkaroon lang naman sana ng konting respeto kay Judy Ann. Hindi ko masasabing ako ang pinaka-best friend ni Juday para mag-react ng ganito. Pero ang point na yung tao, nagpasok din naman 'yan ng limpak-limpak na pera sa Star Cinema at ABS-CBN, di ba? She deserves a more decent treatment than that," says Direk Joey Reyes about the simulataneous showing of Star Cinema's When Love Begins and Judy Ann Santos's Ploning.

Photo: Star Cinema (Joey) & Noel Orsal (Judy Ann)

Dumalo si Jose Javier Reyes sa ikalawang press conference ng pelikulang idinirek niya para sa Star Cinema, ang Where Love Begins, kahapon, April 22, sa 9501 restaurant ng ASB-CBN.

 

Sa kasagsagan ng promo ng naturang pelikula na pinagbibidahan nina Aga Muhlach at Anne Curtis, nagkaroon ng intriga sa pagitan ng Star Cinema Productions at ni Judy Ann Santos, na bida at isa sa mga nag-produce ng pelikulang Ploning. Magkasabay na ipalalabas ang When Love Begins at Ploning sa April 30.

 

Hindi naitago ni Direk Joey sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang pagkadismaya niya nang malaman niyang makakatapat ng pelikula nila ang pelikula ni Judy Ann. Ipinagtanggol ng direktor ang aktres, na naidirek na niya sa Kasal, Kasali, Kasalo at sa sequel nitong Sakal, Sakali, Saklolo.

 

"Gusto ko lang kasing iklaro ang point na hindi kalaban dapat ang turing namin sa isang pelikulang nagkataong makasasabay lang naman namin sa playdate," panimula ni Direk Joey. "Ang sa akin lang, magkaroon lang naman sana ng konting respeto kay Judy Ann. Hindi ko masasabing ako ang pinaka-best friend ni Juday para mag-react ng ganito. Pero ang point na yung tao, nagpasok din naman 'yan ng limpak-limpak na pera sa Star Cinema at ABS-CBN, di ba? She deserves a more decent treatment than that.

 

"Kung wala talagang magagawa sa pagsasabay ng playdate, kahit personally, kung gugustuhin ng Star Cinema, magagawa nila 'yan na umiwas. Ganoon na lang talaga yun. Pero gagawin ba nilang umatras o baguhin ang playdate? Yun ang malaking tanong diyan. Which, obviously, hindi nila gagawin," prangkang pahayag ng direktor.

 

DAVID VS. GOLIATH. Nagmamadali si Direk Joey na makaalis sa presscon ng When Love Begins dahil hinihintay na siya sa set ng pelikulang My Monster Mom, a co-production of GMA Films and Regal Entertainment, starring Ruffa Gutierrez and Annabelle Rama. Nag-decide kaming sundan na lang ang direktor doon para kunin ang buong side ng iba pa niyang kuwento tungkol sa playdate issue.

 

"Mahirap ang posisyon ko, and you should know where I'm coming from," sabi ni Direk Joey nang maabutan namin sa location para sa pagpapatuloy ng aming usapan.

 

Patuloy niya, "Ang sa akin kasi, kahit hindi ko pelikula ang Ploning, ang naiisip ko riyan ay yung mga taong involved sa production niyan. I'm very much aware that Juday has shelled out her own money for it. Ryan [Agoncillo, Juday's boyfriend] is supporting her, and these two are only a few people I really love dearly in this business.

 

"Kumbaga, maliit na produksiyon lang yun, na walang ilalaban doon sa pelikula namin. Higante ang kalaban nila. Pero ang tingin ko sa buong scenario, it's all but business. May mga negosyante talagang ganyan, na sariling interests lang nila ang pinangangalagaan nila. And I don't say it's wrong, karapatan nila yun.

 

"Yun nga lang, hindi ganyan ang pananaw ko dahil nag-exist ako sa industriyang ito na namuhunan din ako ng pakikisama sa maraming tao. Kung para sa iba, pera-pera lang 'yan, then go on with what they believe.

 

"At kahit nga hindi Ploning ang naitapat sa amin, kahit anong Filipino film, dapat hindi na natin isipin na kakumpitensiya 'yan. Dapat, magsuportahan na lang sana, hindi yung parang naglalaglagan pa tayo," pahayag ni Direk Joey.

 

NETWORK WAR. Dumating kami sa set na talagang tensiyonado si Direk Joey at namamahinga sa isang sulok. Naghihintay siya ng cue para sa mga artista niya that time na sina Richard Gutierrez at Rhian Ramos. Pero nang simulan namin ang pakikipag-usap sa kanya ay himalang nag-perk up si Direk para magkuwento rin.

 

"There's too much divisiveness already in this country. Isa pa 'yang network war, nawawala na nga ang objectivity," saad niya.

 

"Sa mismong ABS-CBN na lang, nakakagulat dahil mayroon ding mga pumipintas sa trailer pa lang ng When Love Begins. Hindi mo naman mapi-please ang lahat, pero obvious kung bakit nila ginagawa yun.

 

"May mga tao sa mismong network na loyal sila, and they don't care about the production na hindi sila directly involved. As simple as that. Wala talaga yung genuine suportahan," tahasang sabi ni Direk Joey.

 

Sa pananalita ng direktor, halatang may mga kinaaayawan siya sa ABS-CBN. Pero ang natitirang commitment na lang niya sa Kapamilya Network ay bilang bahagi ng creative team ng show ni Sharon Cuneta, at ang natitirang exclusivity niya ay sa Pinoy Dream Academy, na hindi rin sigurado si Direk Joey kung magpapatuloy pa ba o hindi na

 

"I can't say pa that GMA-7 is much better," pauna niya. "Pero sabi ko nga, business lang talaga 'yan. At susubukan ko munang magtrabaho sa kanila para maiba. Gusto ko lang muna yung may free hand sa lahat ng gagawin ko, and I have always been like that naman.

 

"Wala ring rason para isara ko ang pinto sa ABS-CBN. Kasi sabi rin nga nila, trabaho rin lang 'yan, hangga't kailangan pa nila ako," pahabol ng award-winning director.

 

Ang latest na balitang nasagap namin ay inalok ng Star Cinema si Direk Joey para pamahalaan ang team-up movie sana ng mag-inang Vilma Santos at Luis Manzano. Pero tinanggihan niya ito para sa mga nakaplano pang gagawin at uumpisahan niya sa GMA Films at Regal.